Posibleng dagdag sa energy mix ng Pilipinas, matatagpuan sa mga katubigan 

Photo Courtesy of Ateneo De Manila University

Sa tagal ng panahong nakadepende ang Pilipinas sa pag-aangkat ng enerhiya mula sa iba’t ibang bansa, tila oras na para sisirin ang natatagong potensyal ng mga katubigang nakapalibot sa kapuluan.

Ito ang siniyasat ng dalawang mananaliksik mula sa Ateneo de Manila University Department of Electronics, Computer, and Communications Engineering kung saan binigyang-diin nina Justin Kyle Ricafort at King Harold Recto ang posibleng kakayahan ng bansa pagdating sa tidal power generation sa hinaharap. 

Ayon sa kanila, kahit 20 porsyento (⅕) lamang ng posibleng enerhiya mula sa mga agos ng dagat ay maaaring maging katumbas na sa kasalukuyang kabuoang kapasidad ng kuryente ng bansa.

Sa ganitong potensyal, maaari itong makatulong sa pagsagot sa lumalalang problema ng rotational brownout sa ilang bahagi ng bansa tuwing hindi natutugunan ng suplay ng kuryente ang tumataas na pangangailangan.

Ang tidal power generation ay isang uri ng renewable energy na gumagamit ng pagtaas at pagbaba ng tubig-dagat upang makalikha ng kuryente. Sa mga lugar na may malalakas na agos, inilalagay ang mga turbine na kumukuha ng enerhiya mula sa gumagalaw na tubig at ginagawang elektrisidad.

Upang matukoy ang potensyal ng tidal energy sa Visayas, sinuri ng dalawang mananaliksik ang San Bernardino, San Juanico, at Cebu Strait batay sa bilis ng agos ng tubig, lapit sa mga sentrong populasyon, at akses sa electrical grid.

May pamagat na “Assessing Tidal Energy Potential in the Visayas: Viability of the San Bernardino, San Juanico, and Cebu Straits” ang pag-aaral. 

Ipinakikita ng pananaliksik na maaaring magkaroon ng mas malaking papel ang tidal energy sa pagpapalawak ng renewable energy sources ng bansa sa hinaharap.

Yamang hindi dapat makaligtaan

Hindi pa man umaabot sa komersyal na operasyon ang tidal power sa Timog-Silangang Asya, patuloy namang itinuturo ng mga pag-aaral ang mga katubigan ng Pilipinas bilang lugar na karapat-dapat pang siyasatin para sa ganitong uri ng enerhiya.

“According to independent studies, the Philippines’ coastal waters have a total theoretical potential power of as much as 170 gigawatts, compared to the country’s current installed capacity of 32 gigawatts,” saad ni Ricafort. 

[Ayon sa ilang pag-aaral, may teoretikal na kakayahan ang mga katubigang baybayin ng Pilipinas na makalikha ng hanggang 170 gigawatts ng enerhiya. Sa paghahambing, nasa 32 gigawatts lamang ang kasalukuyang installed capacity ng bansa.]

Dagdag pa niya, kahit hindi lahat ng enerhiya ng karagatan ay maaaring gamitin sa praktikal na paraan ay sapat na kung mapakikinabangan kahit ang 18 hanggang 20 porsyento ng kabuoang tidal energy ng kapuluan para matugunan ang kasalukuyang konsumo ng kuryente sa Pilipinas. 

Iminumungkahi ng mga mananaliksik ang paggamit ng tidal stream energy systems, kung saan ang tuloy-tuloy na paggalaw ng tubig-dagat dulot ng tides ay direktang ginagawang elektrisidad sa pamamagitan ng mga turbine. Isa sa mga teknolohiyang tinutukoy rito ay ang HydroWing, isang bidirectional tidal turbine system na dinisenyo ng kumpanyang Tocardo mula sa Netherlands.

Nagagawa ng HydroWing na gumamit ng gravitational pull ng mga tides upang makalikha ng malinis at mas madaling matantiyang renewable energy. Ilan sa mga ito ay kasalukuyang ikinakabit malapit sa isla ng Capul sa San Bernardino Strait na layong palitan ang mga diesel generators na siyang nagbibigay-liwanag sa maliit na lugar.

Naghihintay lamang na matuklasan

Malaki ang potensyal ng bansa sa yamang matagal nang hindi gaanong napapakinabangan—iyan ang pinatunayan ng pananaliksik nina Ricafort at Recto. 

Ipinakita rito kung paanong ang malawak na network ng mga strait at channels ng tubig sa Pilipinas ay hindi lamang daluyan ng transportasyon kundi maaari ding mapagkunan ng renewable energy.

Bilang bansa na isa sa mga nangunguna sa geothermal energy at patuloy na nagpapalawak ng paggamit ng solar at wind energy sa mga nagdaang taon, ang pagpasok ng bansa sa industriya ng tidal energy ay mas makapagpalalawak ng oportunidad sa mga larangan ng engineering, manufacturing, at maritime industries.

Nasa yugto pa man ng pag-aaral at malayo pa sa komersyal na implementation ang teknolohiyang ito, mahalaga ang pananaliksik sa pagtukoy ng mga lokasyong maaaring pagtuunan ng mga investment sa hinaharap.

Pag-asang tahimik na umaagos

Sa bansang tulad ng Pilipinas, ang karagatan ay hindi lamang bahagi ng heograpiya. Sa loob ng maraming henerasyon, nagsisilbi itong pinagkukunan ng pagkain, kabuhayan, at daanan ng mga komunidad na nakalatag sa kapuluan.

Ngunit higit pa sa kakayahan ng mga katubigan na buhayin at pakainin ang mga naninirahan malapit dito, naniniwala sina Ricafort at Recto na matatagpuan din dito ang kasagutan pagdating sa problema sa enerhiya. 

Ayon sa dalawang mananaliksik, hindi lamang sa paggawa ng kuryente kilala ang tidal energy, bagkus maaari din nitong tugunan ang energy trilemma, kabilang na ang sustainability, energy equity, at energy security. 

Sa mas malawak na pananaw, maaari itong magbunga ng mas maaasahang sistema ng enerhiya sa bansa, makatulong sa pagpapalawak ng energy mix, at mapatatag ang suplay ng kuryente, lalo na sa mga lugar na mahina ang akses dito.

Gayunpaman, nananatiling mas mahal ang teknolohiyang ito kumpara sa nakasanayang solar at wind energy setups. Sa kabila nito, naniniwala ang mga mananaliksik na isa itong pangmatagalang pamumuhunan na maaaring magpababa ng gastos sa paglipas ng panahon habang pinalalawak ang akses sa maaasahang suplay ng enerhiya.

Ngunit maisusulong lamang sa realidad ang potensyal ng tidal energy kung may sapat na suporta ng gobyerno. Para sa pananaliksik nina Ricafort at Recto, mananatili itong paalala ng yamang naghihintay na matuklasan at pag-asang tahimik na umaagos sa mga katubigan ng bansa. 

Habang patuloy na umaasa ang Pilipinas sa pag-angkat ng enerhiya, nananatiling hindi pa lubos na napapakinabangan ang yamang nakatago sa mga katubigang nakapalibot sa kapuluan. Maaaring nakasalalay sa mga alon at agos na matagal nang bahagi ng buhay ng bansa ang susunod na hakbang tungo sa mas maaasahang suplay ng kuryente.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...