
Nathalie Feliciano
Isinampa na sa Kongreso ang “Lived Identities and Recognition Act” o mas kilala rin bilang “Sharmaine Bill” na nagbibigay-diwa sa identidad ng mga transgender, intersex at non-binary Filipinos.
Kasabay ng pagdiriwang ng Pride Month, layon ng panukalang batas na pahintulutan ang pagpapalit ng pangalan at gender marker ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa mga legal na dokumento nang hindi dumaraan sa mahaba at magastos na pagdulog sa korte.
Saklaw rin ng naturang batas ang mga biktima ng gender-based violence at child abuse na nais magpalit ng pangalan para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.
“For many trans and intersex Filipinos, their names cause ridicule and discrimination. They are ridiculed and laughed off because of their names in their legal documents,” ani ni Akbayan Rep. Perci Cendaña, na naghain ng House Bill 9929 kasama sina Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.
“This is why we filed the Sharmaine Bill. Kung gets natin agad na Sharmaine ang gustong pangalan ng isang orange sa TikTok, kayang-kaya rin natin i-extend ang ganitong pag-unawa sa mga trans at intersex nating kapatid,” dagdag niya.
Nag-viral kamakailan ang pangalang “Sharmaine” matapos ang isang video ng content creator na si “BAET” tungkol sa isang orange na nagrereklamo umano sa pangalan nito.
Dahil dito, naging usap-usapan sa social media ang proseso ng legal na pagpapalit ng pangalan sa bansa, na isa sa mga isyung tinutugunan ng naturang panukala.