BAHA-bahagyang suspensyon

Gweneth Pablo

“Mahalagang anunsyo, walang…kayo! Stay tuned for further announcements, mga abangers.”

Isipin mong ito ang matatanggap mong anunsyo habang unti-unti nang pinapasok ng tubig-baha ang inyong bahay at nagmamadali na kayong iakyat ang mga mahahalagang gamit ninyo sa mas mataas na parte ng inyong bahay. Kinakailangan mo pang maghintay kahit na malapit nang ma-deadbat ang iyong telepono dahil sa kawalan ng kuryente at kinakailangan mo pang maghanap ng signal sa labas sa gitna ng malakas na buhos ng ulan para lamang makakuha ng signal upang antabayanan ang mga susunod na posts ng mga pulitiko. 

Sa tagal ng paghihintay, unti-unti nang nararamdaman ng mga estudyante ang epekto ng panahon na dapat sana’y naagapan kung hindi lamang ginagawang katatawanan ang dapat sana’y abiso sa publiko. 

Ilang linggo nang nakararanas ng masamang panahon ang iba’t ibang lugar sa bansa, partikular na sa Luzon. Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong ika-12 ng Agosto, inaasahan pa rin ang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon. Bukod dito, baha na rin sa ilang lugar sa bansa kabilang na ang Parañaque City kung saan naglutangan na rin ang mga basura dahil sa pagbaha. Dahil sa mga insidenteng ito, inaasahan na ang pagsuspinde ng klase upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante. 

Hunyo nitong taon lamang naglabas ang Department of Education (DepEd) ng bagong alituntunin para sa pagsuspinde ng klase tuwing malakas ang pag-ulan at may baha. Ayon sa Deped Order No. 14, s. 2026, awtomatikong suspendido ang pasok ng mag-aaral na nasasakupan ng Deped kapag ang pag-ulan ay nasa red o orange rainfall warning na. Kapag yellow warning naman, makikipag-ugnayan ang mga Schools Division Superintendent (SDS) sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan para sa lokalisadong pagsuspinde ng klase. 

Malinaw ang inilatag na alituntunin ng kagawaran, subalit hindi sapat na may alituntunin kung nahuhuli naman ang pabatid. 

Usap-usapan ngayon ang makupad o ‘di naman kaya’y pabirong pagsuspinde ng mga pasok ng mga alkalde o gobernador mula sa iba’t ibang municipalidad at lungsod. Minsan, tsaka lamang sila nagsususpinde kapag nangangalahati na ang araw at nangangalahati na rin sa binti ang baha sa kani-kanilang mga paaralan. Mayroon ding nagagawa pang magbiro bago i-anunsyo ang pabatid na walang pasok sa isang partikular na lugar. 

Personal ko rin itong naranasan nito lamang Agosto nang maglabas ng pabirong post ang alkalde ng lungsod ng Tuguegarao na si Maila Ting, kung saan makikita ang katagang “Walang…”—na sinadyang putulin ang kasunod na bahagi ng anunsyo bilang bahagi ng biro. Matapos ang naturang post, muli siyang nagpabatid sa publiko na maghintay ng karagdagang anunsyo. 

Noong panahong iyon, may paparating na bagyo sa aming lugar at nakataas na rin ang Signal No. 1 sa naturang lungsod.

Hindi naman masamang magbiro, hindi naman kailangan na minu-minuto ay seryoso ang pakikitungo ng mga lider sa kanilang mga nasasakupan. Ang pagpapatawa ay nagbibigay ng pagkakataon upang makipag-ugnayan ang mga ordinaryong mamamayan sa mga politiko kumakatawan sa kanila. Subalit, may tamang oras at pagkakataon isinasagawa ang pagbibiro, hindi lahat ng bagay ay dapat ginagawang katatawanan. 

Walang masama sa pagpapatawa, ang masama ay ang pagtatangkang magpatawa habang naghihintay ng kritikal na impormasyon ang mga mamamayan. Impormasyon ukol sa estado ng krisis na maaaring isapanganib ang kanilang kaligtasan. 

Marahil ang nasa isip na lamang ng ilan sa mga alkalde o gobernador na namumuno sa atin ay isa lamang simpleng pabor ang pagsuspinde ng klase. Ngunit ang pangunahing layunin ng abisong ito ay upang ilayo ang mga bata sa kapahamakan, sapagkat hindi pare-pareho ang kalagayan o estado sa buhay ng mga mag-aaral. Sa gitna ng malakas na ulan at pagbaha, ang bawat minutong sinasayang ay maaaring maglantad sa mga estudyante sa mga panganib na mabilis lamang sanang naagapan kung maaga ang pabatid sa publiko. 

Isang pagkukulang ang hindi agarang pagsuspinde ng klase, ngunit higit na nakasasakit na tawaging “abangers” ang mga estudyanteng naghihintay lamang ng anunsyo mula sa kinauukulan. Ipinapalagay nito na nag-aabang lamang ang mga estudyante ng pabatid dahil nais nilang magpalipas oras, umiwas sa klase, o manatili na lamang sa bahay. Ngunit hindi ito ang tunay na kalagayan para sa iba. 

Ang tinatawag nilang “abanger” ay kailangang pang lusungin ang baha sa kanilang purok para lamang makapunta sa paaralan kung idedeklara man na may pasok. O di naman kaya’y ang “abanger” ay labis na mauulanan sa daan na maaaring maging sanhi pa ng kanyang pagkakasakit. Marahil naman ay ang “abanger” ay nasa biyahe na, nakikisiksik sa pampublikong sasakyan at nagbayad na ng isang daan na dapat sana’y baon na niya sa susunod na linggo, hindi alam kung itutuloy pa ba niya ang pagpasok o uuwi na lamang sapagkat maaaring mahirap nang makauwi kapag mas lumala ang ulan. 

Sa likod ng bawat “abanger” na tinutukoy ng mga pulitiko ay isang estudyanteng hindi naghihintay ng pribilehiyong lumiban, kundi ng katiyakang hindi niya kailangang isugal ang kaniyang kaligtasan para lamang makapasok. 

Ngunit marahil ay madaling gawing biro ang paghihintay kapag hindi naman ikaw ang kailangang lumusong sa baha, makipagsiksikan sa pampublikong sasakyan, o mangamba kung makakauwi ka pa nang ligtas. Maaaring nagagawa lamang ito ng mga nasa posisyon dahil hindi naman nila kaligtasan ang nakataya, sapagkat nananatili lamang sila sa kaginhawaan ng kani-kanilang mga tanggapan, komportableng nakaupo habang pinagtatawanan ang mga estudyanteng naghihintay sa kanilang mga abiso. 

Kung hindi man nila maramdaman ang pinagdaraanan ng mga estudyante, ang pinakamainam na magagawa nila ay subukang ilagay ang kanilang sarili sa kalagayan ng mga ito. O di naman kaya’y sikapin na lamang ang seryoso at maagap na abiso dahil iyon naman talaga ang trabaho ng isang pulitikong nakaupo sa pwesto. 

Sapagkat sa panahon ng krisis, ang pinakamainam na maiaambag ng isang lider ay ang maagap at malinaw na pagpapabatid sa publiko. 

Hindi na dapat pang hinihintay na lumubog ang mga kalsada, mawalan ng signal ang mga estudyante, o malagay sila sa panganib bago pa man kumilos ang mga kinauukulan. Anong silbi ng reaktibong pamamahala–kung saan kikilos lamang sila kapag may nangyari nang masama–kung may kapangyarihan naman silang pigilan o bawasan ang panganib bago pa man ito mangyari? 

Kaya sa susunod na magpapatawa ang mga nakaluklok sa pwesto sa gitna ng sakuna, nawa’y maalala nila na hindi “abangers” ang kanilang mamamayan, bagkus sila ay umaaasang ang lideratong kanilang inihalal ay mas uunahin ang kanilang kaligtasan kaysa sa panandaliang katatawanan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...