Natapos na ang misyon ng MAVEN, ngunit nag-iwan ito ng bagong pag-unawa sa Mars

Photo Courtesy of Space News/NASA

Paul Rafal

Pinaniniwalaang minsang nagkaroon ng mas angkop na kalagayan para sa buhay ang planetang Mars. Ngunit, sa paglipas ng bilyon-bilyong taon ay unti-unti itong naglaho at naging palaisipan sa mga siyentipiko kung paano ang isang planetang maaaring may kakayahang sumuporta ng buhay ay naging malamig, tuyot, at isang patay na pulang disyerto.

Noong 2014, isinagawa ng National Aeronautics Space Administration (NASA) ang pag-aaral sa planetang Mars gamit ang siyentipikong spacecraft na Mars Atmosphere and Volatile Evolution o MAVEN. 

Ayon sa NASA, ang MAVEN ay isang robotic spacecraft na binuo upang pag-aralan ang atmospera at ebolusyon ng planetang Mars. Ang pangunahing layunin nito ay saliksikin ang interaksyon ng itaas na bahagi ng atmospera ng nasabing planeta.

Bukod sa pagsasagawa ng mga obserbasyong pang-agham, ito ay nagsilbing communication relay o tagapaghatid ng datos sa daigdig ng mga impormasyong nakalap ng iba’t ibang rover at lander na mga instrumentong nagsasagawa ng pananaliksik sa ibabaw ng Mars.

Sa loob ng mahigit isang dekadang operasyon ng MAVEN, nawalan ng komunikasyon ang NASA sa probe noong Disyembre 2025. Matapos ang mahigit na anim na buwan ng kawalan ng operasyon ay opisyal nang inihayag ng NASA noong Hunyo 3, 2026 ang pagtatapos ng misyon ng MAVEN sa pagsasaliksik ng atmospera at ebolusyon ng planetang Mars.

Ngunit, sa likod ng malungkot na pagtatapos ay nag-iwan ito ng mahalagang pamana sa lipunan—ang iba’t ibang karunungang natuklasan tungkol sa pulang planeta.

Natuklasan ng MAVEN ang mabilis na pagnipis ng atmospera ng planeta tuwing patuloy na naglalabas ng enerhiya ang araw na tinatawag na solar storms. 

Dito nakuha ang unang pagkakataon na sinukat ang atmospheric sputtering, isang prosesong nagpapakita kung paano unti-unting tinatangay ng solar wind ang mga particles ng atmospera patungo sa kalawakan. Dahil dito, mas nauunawaan ng mga siyentipiko kung bakit nawalan ng malaking bahagi ng atmospera ang Mars sa paglipas ng panahon.

Dagdag pa rito, ang pagkakatuklas ng MAVEN sa iba’t ibang uri ng aurora sa kalangitan ng Mars bagama’t kahalintulad ito ng aurora sa daigdig. Ngunit, ang kakaibang katangian nito ay makikita ito sa bawat sulok ng planeta dahil sa kakaibang atmospera at magnetic field ng Mars. Ang datos na ito ay nagbigay ng mas malalim na pag-unawa sa ugnayan ng atmospera ng planeta at ng enerhiyang nagmumula sa araw.

Ang MAVEN ay naging mahalaga rin sa pagsisiyasat ng mga pandaigdigang dust storm na bumabalot sa Mars. Dahil sa mga nakalap nitong impormasyon, mas nauunawaan ng mga siyentipiko kung paano naaapektuhan ng mga dust storm ang atmospera, klima, at pangkalahatang kondisyon ng planeta.

Naging mahalaga rin ang papel ng MAVEN sa obserbasyong pangkalawakan ng NASA sa pagmamasid sa kometang 3I/ATLAS. Ito ay isinagawa sa loob ng 10 araw noong 2025 sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan ng kometa. Dahil dito, nakalikom ng mahahalagang impormasyon tungkol sa komposisyon at kasaysayan sa pinagmulan at ebolusyon ng kometa.

Dahil sa mga datos na nakalap ng MAVEN ay nagsilbi itong pamanang karunungang magagamit ng sangkatauhan sa hinaharap. Ayon kay Sharon Curry, isang MAVEN principal investigator at mananaliksik sa Laboratory for Atmospheric and Space Physics ng University of Colorado Boulder, tinawag niya itong “pinakamahusay na misyon sa Mars.”

Ibinahagi ni Curry ang malaking ginampanan ng MAVEN sa pagkalap ng komprehensibong datos at ebidensiyang siyentipiko na nagpalalim sa pag-unawa ng mananaliksik ukol sa atmospera, ebolusyon, at kasaysayan ng planetang Mars.  

Sa pagwawakas ng isang makasaysayang misyon ay nagsisimula naman ang panibagong yugto ng pagtuklas. Ang pamana ng MAVEN ay magbubukas sa mga posibilidad ng hinaharap. Ito ay magsisilbing gabay tungo sa araw na ang pulang planeta ay hindi na lamang paksa ng pag-aaral, kundi isa na ring posibleng destinasyong maaabot ng sanlibutan.     

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...