Taunang pagsasara sa Mt. Hamiguitan hiking trails, inilunsad upang mapangalagaan ang biodiversity

Shaikira Esmero

Sa layuning mapanatili ang mayamang biodiversity ng bansa, inanunsyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Davao ang taunang off-season closure ng mga hiking trail ng Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary. Magsisimula ito sa  Hulyo 1 hanggang Setyembre 30, 2026, kung kailan ipagbabawal ang lahat ng trekking at camping activities.

Ayon sa DENR-11, mahalagang bahagi ng pangangalaga sa kalikasan ang taunang pagsasara ng mga hiking trail. Layunin nitong mabigyan ng sapat na panahon ang kagubatan, mga halaman, at mga hayop na makabawi mula sa epekto ng aktibidad ng tao upang mapanatili ang balanse ng ekosistema.

Tinatayang may mahigit 1,380 uri ng halaman at hayop sa Mt. Hamiguitan, kung saan 341 sa mga ito ay matatagpuan lamang sa Pilipinas.  Ito ang kauna-unahang UNESCO World Heritage Site sa Mindanao at kinikilala rin bilang isang ASEAN Heritage Park dahil sa pambihirang yaman ng biodiversity nito. 

Bukod dito, kabilang din sa mga naninirahan sa santuwaryo ang mga nanganganib na species katulad ng Philippine Eagle at Philippine Cockatoo, na nangangailangan ng ligtas at tahimik na tirahan upang patuloy na mabuhay.  

Isa sa mga pinakatanyag na tampok ng bundok ay ang pygmy forest o bonsai forest. Dahil sa kakaibang kondisyon ng lupa at klima, ang mga punong karaniwang tumataas nang ilang metro ay nananatiling maliliit kahit daan-daang taon na ang edad. Isa ito sa mga natatanging tanawin na halos sa Mt. Hamiguitan lamang makikita.

Matatagpuan din dito ang iba’t ibang uri ng pitcher plants, makukulay na orkidyas, at iba pang endemikong halaman. Mahalaga ang mga ito sa pagpapanatili ng balanse ng ekosistema dahil nagsisilbi silang tahanan at pinagkukunan ng pagkain ng iba’t ibang hayop.

Ang off-season closure ay isang halimbawa ng ecosystem management o pangangasiwa sa ekosistema. Sa panahong walang mga turista, mas madaling maisasagawa ng mga eksperto ang pagsusuri sa kondisyon ng kagubatan, pagsusubaybay sa wildlife, pagpapanatili ng mga hiking trail, at iba pang gawaing pangkonserbasyon.

Nakatutulong din ang pansamantalang pagsasara upang mabawasan ang pagguho ng lupa, pagkasira ng mga daanan, at pagkaabala sa mga hayop na naninirahan sa santuwaryo. Dahil dito, mas napapanatiling malusog ang likas na kapaligiran ng bundok.

Bagama’t maaaring madismaya ang ilang mountaineers at turista, ipinapakita ng hakbang na ito ang pagbibigay-prayoridad sa pangmatagalang pangangalaga sa kalikasan. Ang tunay na layunin ng ecotourism ay ang pagprotekta sa kalikasan habang pinahahalagahan ito.

Matatandaan na noong unang bahagi ng 2025 ay muling binuksan ang Mt. Hamiguitan matapos ang isang taong pagsasara para sa assessment at restoration ng mga campsite. 

Ang pansamantalang pagsasara ng Mt. Hamiguitan ay hindi pagkawala ng pagkakataong makapaglakbay, kundi isang hakbang upang mapanatili ang isa sa pinakamahalagang likas na yaman ng Pilipinas. Sa pansamantalang pagsasara na ito, masisiguro ang patuloy na pangangalaga sa natatanging ekosistema ng bundok para sa mga susunod pang henerasyon.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...