PWEDE BA ‘YUN?: Bakit pwedeng tumestigo si Abe Andres sa impeachment proceeding ni VP Duterte

Sebastian Janapin

Lumitaw na naman kamakailan ang pangalan ni Abe Andres, dating Davao City Regional Trial Court sheriff, matapos ilabas ng House prosecution team ang listahan ng mga maaaring tumestigo sa impeachment proceeding ni Vice President Sara Duterte.

Bwelta ng mga kaalyado ni Duterte na sina Harry Roque at Salvador Panelo, hindi na dapat isama ang dating sheriff bilang testigo dahil hindi naman sakop ng termino bilang Vice President ang nangyaring panununtok ni Duterte, noong alkalde pa ito ng Davao City, kay Andres habang nagpapatupad ng demolition order sa isang property sa lungsod noong 2011.

Pero kung pagbabatayan ang Rules of Procedure on Impeachment Trials at Revised Rules of Evidence, maaaring tumestigo si Andres sa kaso ni Duterte. Narito kung bakit.

Impeachment cases vs. iba pang uri ng kaso

Ayon sa primer ng University of the Philippines (UP) College of Law tungkol sa proseso ng impeachment, maituturing na sui generis o “of its own kind” ang impeachment cases. Ibig sabihin, stand-alone na uri ng kaso ito at hindi pumapasok sa tradisyonal na paraan ng proceedings na karaniwang nakikita sa mga civil, criminal, at administrative cases.

Pero ano ba muna ang pagkakaiba ng tatlong nabanggit na uri ng kaso sa impeachment?

  • Ang civil cases ay ang mga pagtatalo sa pagitan ng isang indibidwal at isa pang indibidwal, organisasyon o entity. Ang sinumang mapatunayan na nakapinsala sa kabilang panig ay kailangang magbayad ng danyos perwisyo. Ilan sa mga maituturing na civil cases ay annulment, property disputes, intellectual property disputes at iba pa.
  • Ang criminal cases ay ang pag-uusig ng gobyerno laban sa isang indibidwal na gumawa ng krimen sa estado at pagbibigay ng karampatang parusa sa nasasakdal kung mahatulan man. Maaaring makulong o magbayad ng multa ang sinumang mahahatulang guilty, depende sa bigat ng kaso. Ang mga halimbawa nito ay murder, rape, domestic violence, at drug offenses.
  • Ang administrative cases naman ay para sa mga government officials na hindi tumutupad o sumusunod sa tungkulin ng kanilang trabaho bilang opisyal ng gobyerno. Kapag napatunayang nagkasala, maaaring ma-suspend o ma-dismiss sa puwesto ang isang opisyal ng gobyerno.

Ayon sa Corona v. Senate case noong 2012, ang impeachment ay ang kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng isang high-ranking public official dahil sa mga seryosong krimen o maling pag-uugali, alinsunod sa mga nakasaad sa 1987 Philippine Constitution. Ang procedure na ito ang nagpatalsik sa pwesto ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona dahil sa hindi nito pagsiwalat ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Batay sa Article XI, Section 2 ng Konstitusyon, ang mga sumusunod lamang na officers ang maaaring hatulan ng impeachment:

  1. President;
  2. Vice President;
  3. Miyembro ng Supreme Court;
  4. Miyembro ng Constitutional Commissions (Civil Service Commission, Commission on Elections, at Commission on Audit); at
  5. Ombudsman.

Sa partikular, ang pangunahing katangian ng impeachment cases ay para sa mga politikal na dahilan at mga miyembro ng Kongreso ang nagtitimbang ng mga katotohanan at batas, na kaiba sa civil, criminal at administrative.

Prescription period ng impeachment vs. ibang kaso

Bukod sa katangian ng apat na uri ng kaso, magkakaiba rin ito pagdating sa prescription period o sa itinakdang araw o taon kung kailan pwedeng magsampa ng kaso ang isang indibidwal, organisasyon o entity laban sa isang indibidwal.

  • Batay sa Chapter 3 ng Civil Code of the Philippines, aabot sa isa (1) hanggang 30 taon ang prescription period para sa mga civil cases, depende sa dispute.
  • Batay sa Article 90 ng Revised Penal Code, aabot sa dalawang (2) buwan hanggang 20 taon ang prescription period para sa mga criminal cases, depende sa uri ng krimen.
  • Batay sa artikulo ng Respicio PH, karamihan ng administrative cases ay may prescription period na hanggang isang (1) taon. Pero para sa mga seryosong pagkakasala, gaya ng mga nasa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, aabot ang prescription period hanggang 10 taon.
  • Alinsunod sa Gutierrez v. House of Representatives ruling noong 2011, isang beses sa loob ng isang taon lamang maaaring magsampa ng impeachment laban sa isang officer. Sa partikular, hindi naman pinagbabawalan ng Konstitusyon ang pagpasa ng maraming complaints sa isang officer; ang ipinagbabawal ay ang pag-impeach sa isang officer ng maraming beses sa loob ng isang taon.

Si Andres bilang testigo sa impeachment trial

Batayan ng Senado ang Senate Resolution No. 39, o ang Rules of Procedure on Impeachment Trials, sa pag-usad ng impeachment trial. Nakasaad sa rule na ito na maaaring maging gabay (o suppletory application) ng Senado ang nilalaman ng Revised Rules on Evidence para sa mga impeachment trials. Ang resolusyong ito ang naging batayan ni dating Senate President Alan Peter Cayetano para simulan ang impeachment trial ni Duterte sa Senado nitong Mayo.

Sa partikular, ayon sa Rule 130, Section 20 ng Revised Rules on Evidence, “all persons who can perceive, and perceiving, can make their known perception to others, may be witnesses.” Sa kasong ito ni Duterte, walang maaaring humadlang sa pagpili ng House prosecution team kay Andres bilang testigo dahil kahit sinong indibidwal ang maaaring maging witness sa isang impeachment proceeding.

Pinapatunayan lamang ng dalawang nabanggit na batayan ng impeachment proceedings na maaaring mapabilang si Andres sa listahan ng mga testigo. Alinsunod sa Revised Rules of Evidence, posibleng maging witness ang dating sheriff sa trial, basta’t kayang suportahan ng kanyang magiging testimonya ang ika-apat na article ng impeachment ni Duterte—ang umano’y pagbabanta sa buhay ni Pangulong Bongbong Marcos.

Mahalagang tulong at bahagi ng impeachment proceeding ang maibibigay na testimonya ng dating sheriff dahil isa si Andres mula sa higit 50 testigo, bukod pa sa ibang mga tangible evidence, na maaaring magpatunay ng mga alegasyong culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, bribery, at high crimes laban kay VP Duterte.

Kabilang sa mga partikular na tinalakay sa apat na articles of impeachment ni Duterte ang:

  1. Pag-allocate ng higit ₱500-milyon at ₱112.5-milyong confidential funds sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), ayon sa pagkakabanggit;
  2. Panunuhol sa mga opisyales ng DepEd;
  3. Pagbabanta sa buhay ng presidente, first lady, at dating House speaker;
  4. Hindi pormal na pagsiwalat ng SALN mula 2019 hanggang 2024; at
  5. Pagsisikap na mag-udyok ng sedisyon laban sa gobyerno.

Ano ang susunod na mangyayari?

Matatandaang nag-convene na ang Senado bilang impeachment court noong Mayo 18 at sinimulan ang impeachment pre-trial noong Hunyo 18 hanggang 25. Partikular na tinalakay sa pre-trial ang mga maaaring gamitin na ebidensya, pagpili ng mga maaaring tumestigo, at ilang mga patakaran bago simulan ang mismong trial sa Hulyo 6.

Binubuo ng 11 miyembro ng House of Representatives ang prosecution panel, sa pangunguna ni Batangas Rep. Gerville Luistro bilang lead prosecutor. Kasama ni Luistro sina Terry Ridon (Bicol Saro), Ramon Rodrigo Gutierrez (1-Rider), Ysabel Maria Zamora (San Juan City), Lorenz Defensor (Iloilo 3rd District), Jose Manuel Diokno (Akbayan), Leila de Lima (Mamamayang Liberal), Arlene Bag-ao (Dinagat Islands), Jonathan Keith Flores (Bukidnon 2nd District), Lordan Suan (Cagayan de Oro City 1st District), at Joel Chua (Manila 3rd District).

Sa panig naman ng Senado, ang lahat ng mga senador ang magsisilbing judges para sa impeachment trial, maliban kina Jinggoy Estrada at Bato Dela Rosa na kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong may kinalaman sa flood control scandal at nagtatago dahil sa arrest warrant ng ICC, ayon sa pagkakabanggit.

Upang maging pormal ang ihahaing hatol ng Senado, nangangailangan ito ng two-thirds na boto mula sa mga senador (o 16 mula sa 24 na senador), ayon sa Konstitusyon. Kapag napatunayan ang mga alegasyon batay sa apat na Articles of Impeachment, mahahatulang guilty si Duterte at mapapatalsik ito sa posisyon bilang Vice President. Magiging permanenteng diskwalipikado rin si Duterte na makatakbo at makahawak ng kahit na anong public office kung mahatulan.

Ito na ang ikalawang beses na na-impeach si Duterte sa buong termino nito bilang Vice President. Kung mahatulan, siya ang susunod kay dating Chief Justice Corona bilang public official na napatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment. Sa puntong ito, hindi na batas ang kayang tumuldok sa pwesto ni Duterte, kundi ang kaniyang pagsasawalang-bahala sa ipinangakong katungkulan at pagtataksil sa kapakanan ng bayan.

3 Votes: 2 Upvotes, 1 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...