Geo Angelo Labalan
Naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ng P42.5 milyon para sa pagpapatayo ng 10 mental health facilities sa iba’t ibang bahagi ng probinsya upang palawakin at paigtingin ang psychological services sa lugar.
Pinangunahan nina Gov. Arthur Defensor Jr. at Vice Gov. Nathalie Ann Debuque ang turnover ceremony ng pondo noong Hulyo 6 para sa pagpapatayo ng limang Teen Centers 2.0 at limang Family and Youth Development Centers (FYDCs).
Kabilang ang proyekto sa programa para sa mental health at psychological intervention ng probinsya na Program for Resilience of Iloilo in Mind and Emotion (PRIME).
Ayon kay Defensor, ang mga gusali ay magsisilbing dausan ng PRIMETIME, isang programang katuwang ng 24/7 mental health hotline ng PRIME, upang mailapit ang serbisyo sa mga paaralan at mga komunidad.
“We already have our PRIME helpline, our 24/7 hotline for mental health. But we want to implement with you. We will implement PRIMETIME sa eskwelahan kag sa community. Sa community ang alagyan FYDC, sa eskwelahan ang alagyan Teen Center,” sabi ng gobernador.
Nagkakahalaga ang bawat Teen Center ng P3.5 milyon. Kabilang sa mga ito ay ang Dapdap National High School sa Tigbauan, De La Paz National High School sa Batad, Rufino G. Palabrica Sr. National High School sa Dingle, Anilao National High School, at Barotac Viejo National High School.
Ipapagawa naman ang limang FYDCs na may halagang P5 milyon sa mga bayan ng Miag-ao, Alimodian, Maasin, Anilao, at Barotac Viejo.
Kapag bukas na sa publiko, magbibigay ang mga pasilidad ng pagpapayo, mental health support, serbisyong pangkalusugan para sa kabataan, at iba pang edukasyon at programang pagpapaunlad ng pamilya at kabataan.