
Inaki Modrix Arejola
Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang tahanan ng iba’t ibang natatanging halaman at hayop dahil sa masaganang likas-yaman nito. Ngunit paano nga ba nagsisilbing kanlungan ng mga nabubuhay ang mga luntiang lundayan tulad ng Mount Apo?
Muling natagpuan ng Department of Environment and Natural Resources-Davao Region (DENR-Davao) ang isang pambihirang halaman na Ophiorrhiza biflora sa Mount Apo Natural Park (MANP), 122 taon mula nang huli itong maidokumento.
Ayon sa DENR Davao Region, nadiskubre ang naturang halaman nang magsagawa ng pangongolekta ng mga camera-trap ang Protected Area Management Office (PAMO) ng MANP sa bundok.
Ang Mount Apo ay isang aktibong bulkan sa rehiyon ng Davao. May taas itong 2,954 metro mula sa antas ng dagat at may lawak na 65,901 ektarya ng kagubatan.
Ayon sa online platform na International Parks, ang matayog na taas ng Mount Apo ay nagreresulta sa iba’t ibang klima, temperatura, at uri ng mga halamang tumutubo rito. Bukod pa riyan, mayroon din itong volcanic soil na angkop para sa paglago ng mga halaman.
Higit pa rito, nakaaapekto rin ang lokasyon ng bundok dahil hiwalay ito sa karatig na mga kabundukan. Isa ito sa mga salik ng pag-unlad at pagdami ng mga natatanging halaman at hayop sa lugar.
Sa katunayan, ang Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi), Waling-waling (Euanthe sanderiana), at Philippine Warty Pig (Sus philippensis) ay iilan sa mga tanyag na endemic species sa Pilipinas na matatagpuan din sa naturang bundok.
Kamakailan lang, nadiskubre din ng mga eksperto ang bulaklak na Agalmyla calelanensis sa Mount Apo. Ito ay natagpuang muli noong 2025 matapos maitalang tumutubo sa bundok noong taong 1909.
Dahil sa angking yaman na mayroon ang lugar, maraming inisyatiba ang isinusulong upang protektahan ang Mount Apo.
Noong 1992, idineklara ang MANP bilang isang protected area sa ilalim ng Republic Act No. 7586 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act. Layunin nitong ipreserba at pangalagaan ang malawak na sakop ng bundok at ang mga organismong naninirahan dito.
Kaya naman, dahil sa muling pagkatuklas sa halamang O. biflora at kamakailan na A. calelanensis, mas tumibay ang pag-asa ng mga awtoridad na magiging isang opisyal na United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Global Geopark ang MANP sa susunod na mga taon.
Nitong Mayo 2026, binanggit ni UNESCO Philippine National Commision (UNACOM) Secretary General Ivan Anthony Henares sa isang panayam na isa ang Mount Apo sa mga inaasahang makatatanggap ng pagkilala mula sa nasabing organisasyon.
Kung maisasakatuparan ito, naniniwala ang mga awtoridad na ang pag-unlad ng MANP bilang Geopark ay magbibigay ng dagdag na atensyon at interes ng publiko sa pangangalaga at pagprotekta sa luntiang lundayan ng mga halaman at hayop.
Sa patuloy na pagtutulungan ng sambayanan sa pangangalaga sa Mount Apo at kalikasan, mas maraming bukod-tanging halaman at hayop ang maaaring matuklasan at patuloy na dumami sa kanilang likas na kanlungan.