
Aliyah Marmol
Sa proseso ng animasyon, libo-libong mga keyframe o pangunahing balangkas ang bumubuo sa isang makinis at masiglang pelikula o panoorin. Ngunit napakabihirang mapansin ang mga in-between frames na tinitiyak ang natural na daloy ng kilos ng isang karakter—hindi ito iba sa mga Pilipinong animador na napakahalaga sa produksiyon ngunit ligwak naman sa pagkilala.
Kasabay ng pag-usbong ng usapan tungkol sa The Forgotten Island, isang animated film sa ilalim ng Universal Pictures na ipapalabas ngayong darating na Setyembre, at sa mga Pilipinong animator na may ambag sa mga pandaigdigang produksyon, muling nabuksan ang katanungang: bakit patuloy na hindi nabibigyang-pansin ang mga kamay na nagbibigay-buhay sa maraming kuwentong minamahal ng mundo?
Sa kontekstong ito, nagmimistulang in-between frames ang mga Pilipinong animator na mahalaga sa proseso ng paggawa ng obra, ngunit binabalewala ng sistema at patuloy na salat ang kinikita. Dagdag pa rito, patuloy din na umiiral ang kolonyal na pagtingin na mas pinahahalagahan ang gawa ng banyaga kaysa sa sariling talento, kung kaya’t patuloy na naiipit sa pagitan ng ambag at pagkilala ang mga manlilikha ng sining na ito.
Hindi maikakaila ang husay na taglay ng mga Pilipinong alagad ng sining dahil matagal na itong umaabot sa pandaigdigang entablado. Patunay dito ang Snipple Animation Studios na kasangga ng mga naglalakihang kumpanya tulad ng Disney, Warner Bros., at Netflix na binubuo ng purong mga Pilipinong animator. Gayundin, ayon sa ulat ng British Council na Connections through Culture, kilala ang animation sector ng Pilipinas sa mga serbisyong gaya ng layouting, in-betweening, clean-up, digital ink and paint, at compositing na kung mawawala sa produksyon ay magiging imposible ang pagkabuo ng isang animated na palabas.
Ngunit sa kabila ng napakalaking ambag ng mga animador ng bansa, mas malaki pa rin ang impluwensiya ng outsourcing sa industriya. Binibigyan itong kahulugan sa pag-aaral nina Feichin Ted Tschang at Andrea Goldstein na pinamagatang “The Outsourcing of “Creative” Work and the Limits of Capability: The Case of the Philippines’ Animation Industry”. Ipinaliwanag dito na ang outsourcing sa animation ay nakatuon sa mga gawaing maaaring hati-hatiin at ipagawa sa ibang bansa, tulad ng production work. Sa ganitong pagsasaayos, ang mga banyagang kliyente pa rin ang may kontrol sa kabuuang proyekto, habang ang mga lokal na studio ang magiging nagsasagawa ng mahahalagang trabaho sa produksyon.
Dito lubos na nakikita ang ganap na pagkaipit ng mga Pilipinong animator sa pagitan ng paglikha at pagmamay-ari. Dahil nakadepende ang industriya sa outsourcing, patuloy silang gumuguhit ng mga kuwento, ngunit wala sa kanila ang tunay na pag-aari ng mga ito.
Sa pananaw naman ng mga Pilipinong animator, marami sa kanila ang pumapasok sa industriya dahil sa pagmamahal sa sining, ngunit nahaharap sa mababang pasahod at hindi makatarungang trabaho. Sa parehong pag-aaral nina Tschang at Goldstein, ipinakita na maraming animation studio sa Pilipinas ang umaasa sa freelancers at pansamantalang manggagawa upang mabawasan ang gastusin. Dahil dito, ang mga empleyado ay naiipit sa napakaraming kawalan—kawalan ng permanenteng kita, kawalan ng kasiguraduhan sa trabaho, at kawalan ng mga benepisyo mula sa kumpanya. Ang pagmamahal sa sining ay hindi dapat maging dahilan ng mababang halagang kinikita ng mga animador. Hindi dapat sila maipit sa pagitan ng malikhaing gawa mula sa puso at praktikalidad dahil bigo ang sistema na pahalagahan sila.
Dagdag pa rito, nariyan din ang mga isyu ng pang-aabuso sa mga manggagawa ng industriya at hindi patas na pagtrato sa kanila ng ilang animation studios. Isang tanyag na halimbawa ang kaso ni Raf Dela Cruz, isang manggagawa sa Top Draw Animation Studio na kabilang sa paggawa ng Carmen Sandiego ng Netflix, noong 2019. Umusbong sa internet ang kanyang pahayag dahil inilantad niyang siya ay: binayaran nang mas mababa sa minimum wage, ginamit umano ang dahilan ng “extended training” upang makapagpagawa ng trabaho sa mababang bayad, at tinanggal siya sa trabaho matapos humiling ng mas mataas na kompensasyon. Nakalulungkot isipin na maraming ibang Pilipinong animator ang nakakaranas nito hanggang sa ngayon, ngunit hindi naiuulat dahil sa takot. At halos pitong taon matapos ang isyu, wala pa ring malalim na diskusyon patungkol dito at makabuluhang aksyon para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi lamang estruktura ng industriya ang problema dahil may papel din ang paraan ng ating pagpapahalaga bilang lipunan. Sinabi sa isang ulat ng BusinessWorld noong 2020 na kakaunti ang mga kilalang orihinal na Pilipinong animasyon tulad ng ‘Trese’ sa kabila ng lawak ng mga mapagkukunan ng talento para sa industriya. Tila sanay na sakupin ang Pilipinas, kaya mas sanay na kilalanin ng mga Pilipino ang malalaking pangalang banyaga tulad ng Disney, DreamWorks, MAPPA, at Toei, ngunit kakaunti lamang ang nakakapansin sa kamay ng kanilang mga kababayan na dahilan kung bakit patuloy na kumikinang ang mga ito. Kung kaya’t ipinaglaban sa pagitan ng talento at kaisipang nalason ng kolonyalismo ang mga Pilipinong manlilikha ng sining.
Ang animasyon ay hindi lamang dapat kilalanin bilang isang sining, kundi rin bilang isang industriya na dinadala rin ang pangalan at dangal ng bansa. Samakatuwid, nararapat na sagutin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga tax incentives at pinansyal na gawad para sa mga lokal na animation studios upang mabawasan ang pagdepende sa outsourcing. Kinakailangan ding patatagin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang regular na inspeksyon sa mga pagawaan at paglatag ng ligtas na grievance mechanism para sa mga manggagawa upang malabanan ang pang-aabuso sa kanila. At sa huli, dapat gampanan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang kanilang responsibilidad na tulungang pagyabungin ang lokal na animasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagkilala dito bilang bahagi ng ating kultura.
Kung ihahalintulad ang industriya sa proseso ng animasyon, hindi lamang isa o dalawang keyframe ang nakaaambag sa puwersang umiipit sa mga manggagawang nasa pagitan. Ito’y bunga ng iba’t ibang salik na gumigipit sa kanilang husay at determinasyon sa paggawa. At sa oras na tuluyang madurog ang mga manlilikha sa lakas ng puwersa nito, guguho rin ang pandaigdigang industriyang kinikilala ng lahat—dahil ang nagbibigay-buhay dito ay siya namang naghihikahos sa araw-araw na pamumuhay. Kaya’t kinakailangan ang pagsasaayos ng sistema na magsisimula lamang kapag natutuhang gawing sentro, at hindi sa pagitan lamang, ang sariling talento.