
John Carlo Bangsoy
Patay ang isang 8-anyos na grade 4 student sa Hugo Perez Elementary School – Annex sa Trece Martires, Cavite nitong Hulyo 3, dulot ng impeksyon na nag-uwi sa septic shock matapos itong painumin ng pampurga.
Ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Hulyo 13 nagsagawa ang naturang paaralan kasama ang City Health Office ng “routine deworming activity” noong Hulyo 2, kung saan ilan sa mga estudyante and sumama ang pakiramdam pagkatapos.
Kabilang sa mga sumama ang pakiramdam pagkatapos, ang nasawing grade 4 learner na na-ospital pa noong Hulyo 3, matapos magsuka na kalaunay nauwi sa septic shock dulot ng central nervous system infection.
“By July 3, the grade 4 learner who later passed away had been hospitalized after vomiting,” ani DepEd. “Based on initial medical findings, the cause of death was linked to an infection that led to septic shock.”
Dulot ng insidente, sinusuri ngayon ng DepEd ang kanilang mga health and safety protocols upang masiguro ang kalusugan ng mga mag-aaral, habang nakikipag-ugnayan sa mga health authorities para sa patuloy na imbestigasyon.
“We are committed to understanding fully what happened, and are working closely with health authorities as they investigate,” ayon sa DepEd.
Dagdag pa ng ahensya, “DepEd is also taking this opportunity to review our own health and safety protocols to ensure the wellbeing of the learners.”
Samantala, nagbigay naman ng mga kinakailangang suporta at nagpahayag na rin ng pakikiramay ang DepEd sa pamilya ng estudyante, at sa buong school community, habang sinisigurado nitong prayoridad pa rin nila ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral.