Tagpi-tagping solusyon

Shajeena Mastura

Tuwing tumutulo ang ulan sa mga butas ng aming yero, hindi ko mapigilang tumingin sa shopping app. Kapag nakaipon ako, ano kayang mas magandang bilhin — mas matibay na yero o mahigop na mop?

Batay sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa State of the Nation’s Address (SONA) 2026, mukhang mas magandang bumili ng mop. Isa raw kasi itong “proactive at predictive” na galaw kontra sa mga kalamidad. Ayon sa kanyang pangangahulugan, ang mas mabilis na pag-aksyon ay isa nang testamento ng gobyernong may kusa: isang pagkalimot sa nakasanayan na reaktibong pamamaraan.

Kaugnay nito, ipinagmalaki ng pangulo na ipinagtibay ang pre-positioning at automation ng mga emergency at relief supplies. Sa tulong ng mas pinalawak na disaster networks na binubuo ng 15 sentro sa bawat rehiyon, 76 na sangay, at 919 na pasilidad para sa mga malalayong lugar — binigyang-diin ni Marcos Jr. ang mas mabilis na pag-agapay sa mga apektado ng kalamidad. Aniya, inaasahan ng gobyerno na maipapadala ang tulong sa loob ng 24 na oras.

Ang nakatatawa, halata naman na malayo ito sa paninindigan nila na predictive ang gobyerno pagdating sa kalamidad. Kung susuriin, ang mga aksyong ipinahayag niya sa SONA ay reaktibo pa rin. Mas mabilis nga lang ang reaksyon kaya’t may kagyat na saklolo sa mga apektado ng sakuna. Kung may prediktibo man sa pamamaraan ng pamahalaan, ito ay ang panghuhula nila na magdurusa ang taumbayan. Sa gayong lagay ay hindi ko na masasabing kapos ang gobyerno, lalo na’t may sakuna o wala, naghihirap pa rin sa kanila ang masa.

Puno’t dulo ng sigalot na ito ay ang mismong korapsyon na namamalagi sa sistema. Batay sa  Special Provisions for the National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) ng General Appropriations Act (GAA), maaaring humiling ng pondo ang ilang sangay ng gobyerno sa Department of Budget and Management (DBM) kapag nabawasan na ng 50% ang kanilang Quick Response Fund (QRF). Ito ang tawag sa badyet na nakaantabay sa tuwing may kalamidad o krisis na hinaharap ang mga institusyon kagaya ng DepEd, DSWD, DPWH, DA, DND, OCD, at PCG.

Noong 2024, ilang beses ding naubusan ng QRF ang bansa. Pagkatapos sumalanta ng bagyong Leon at Marce, tinatayang gumastos ang 2024 GAA ng ₱7 bilyon para sa mga napinsala ng bagyo. Bukod sa napakalaking halagang ginagatas nito sa pambansang badyet, nakalulula rin ang pagitan nito sa People’s Survival Fund (PSF). Sa ilalim ng R.A. 11074, ₱1 bilyon lang kada taon ang nakalaan upang pondohan ang mga pangmatagalang proyekto para sa climate change. Kabilang dito ang pagpapatatag ng mga komunidad sa tulong ng mga lokal na pamahalaan (LGUs).

Kahit pa sabihin natin na maaaring dagdagan ng gobyerno ang pondo para sa kanilang proactive na modelo, hindi basta-basta mabubura ang katiwalian ng administrasyon ni Marcos Jr. pagdating sa paghahawak ng pera. Kung walang maayos na implementasyon, baka maulit muli ang nangyari sa ₱545 bilyong minulto ng mga flood control projects.

Ngayon, ipagpalagay natin na naipatupad nang maayos ang 9,855 proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Mareresolba na ba ang kakapusan ng Pilipinas sa disaster risk reduction (DRR)? Simple lang, hindi.

Matatandaan na malaking monopolyo ang pagpapatayo ng mga imprastrukturang ito. Ang mga kontraktor at manggagawa ay may sari-sariling utak sa “dapat” na implementasyon ng mga proyekto. Sa madaling salita, walang kaisahan sa pagpaplano. Walang master plan na bumubuo sa mga imprastruktura na ito bilang mabisang sistema: isang paksa na hindi tinalakay ng pangulo sa dinami-dami niyang ibinalandra sa SONA 2026.

Kung kukunin ko ang parehas na konsepto upang ikumpara sa isa pang sakuna, marahil ay walang magiging pagkakaiba: ang kasalukuyan nating krisis sa kuryente. Binanggit ni Marcos Jr. sa kanyang talumpati ang inobasyon ng Mobile Energy Systems (MES) — isang 20-talampakang trailer na pinag-iimbakan ng kuryente para maipasa sa mga disaster zone at malalayong outpost. Sa labas, maituturing na maganda itong pakinggan… Kagila-gilalas para sa isang umuunlad na bansa kagaya ng Pilipinas.

Sa kabila nito, ang MES ay isa pa ring malinaw na pangtapal. Tuwing sumasapit ang tag-init, hindi magkamayaw ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagsasailalim ng Luzon at Visayas sa Red at Yellow alerts. Bunsod nito, napipilitan ang Meralco na magsagawa ng palipat-lipat na brownout, kung saan milyong kabahayan ang nawawalan ng kuryente kada taon.

Dito pa lang ay lantaran na ang kapabayaan na pinapatsehan ng MES. Walang konkretong plano ang gobyerno upang regulahin ang suplay ng kuryente sa bansa, kaya’t inaasa na lang nila ito sa mga pansamantalang solusyon.

Panay silang pangako; tila napuno tuloy ang SONA 2026 ng mga malalaking salita na wala namang laman. Halimbawa nito ang pagmamayabang nila sa E-Governance at data analytics bilang mga bagong gimik tungo sa mabisang DRR. Ani Marcos Jr., digitalisasyon ang susi sa pagpapatupad ng proaktibong pamamaraan nila. Eh sa pagkakatanda ko, isa sa mga rason kung bakit pumalya ang mga proyekto sa flood control ay dahil sa kawalan ng sistema sa geolocation. Bulok na nga, nagpapahalata pa na walang basehan ang kahambugan ng gobyerno sa digital na estado ng bansa.

Ano ba ang ebidensya nila na mayroon nang proactive at predictive na pamamahala ang gobyerno? Kung isasampal lang din nila ang Declaration of State of Imminent Disaster Act o R.A. 12287, malaking kahihiyan ito sa taumbayan. Una sa lahat, isa itong malaking ilusyon. Kunwari, pinangungunahan ang sakuna upang magkaroon agad ng suplay at pagtugon sa mga nasalanta. Ngunit kung sisilipin nang maigi, babalik pa rin ang punto sa simula: ang tanging nahuhulaan ng gobyerno ay ang pagdurusa ng mamamayan. Hindi dahil napaghandaan nang isang linggo, may kusa na. Isa itong malinaw na pag-iwas sa tunay na problema — ang sistematikong korapsyon na umiipit sa mga Pilipino tuwing may kalamidad.

Hindi sapat ang mga panakip-butas upang masolusyonan ang lumulubhang kondisyon ng bansa. Sana ay bumuo ang administrasyon ng isang nagkakaisang pambansang master plan para sa regulasyon ng kalamidad. Itigil ang sistemang pumapakyaw ng proyekto at ituon ang pagpaplano sa mga layong nakaangkla sa agham. Baligtarin ang estruktura ng paggasta at balansehin ang pondong ibinibigay sa QRF patungo sa PSF. Gayundin, paghusayin nawa ng mga LGU ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) imbes na umasa sa distribusyon ng relief goods. Kinakailangan din na maging aktibo ang taumbayan sa pagbabantay ng kalikasan, makibahagi sa kolektibong boses kontra sa mga nanggigipit na ahensya.

Putulin na ang kultura ng tagpi-tagping solusyon. Ang kailangan ng mga Pilipino ay hindi bagong mop, yero, o bahay. Isang sistemang hindi bigong makinig sa makabayang saklolo ang nililimos ng taumbayan. Hindi sapat ang mga salitang proaktibo at prediktibo kung wala naman sa mga ito ang sinasalamin ng kasalukuyang administrasyon. Ang SONA 2026 ay hindi plataporma upang maghari-harian: isa itong boses upang marinig ng masa ang buhay na ipinapangako sa kanila. Kaya’t kung patuloy na mamaliitin ng pangulo ang disaster risk reduction, mas malaki pang sakuna ang kanyang pamamahala sa anumang unos na daranasin ng Pilipinas.

6 Votes: 6 Upvotes, 0 Downvotes (6 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...