
Nathalie Feliciano
Tiniyak ng Malacañang na patuloy pa rin ang paghahanap sa dating kongresista na si Elizaldy “Zaldy” Co sa kabila ng pag-archive ng Sandiganbayan sa kanyang graft case noong Hunyo 6.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, procedural step lamang ang pag-archive ng kaso dahil mahigit anim na buwan nang hindi nahuhuli si Co matapos mailabas ang warrant of arrest, kaya patuloy pa rin ang paghahanap ng mga awtoridad upang harapin ang mga paratang na ibinabato sa kanya.
Ipinaliwanag din na awtomatikong mabubuksan muli ang kaso sa oras na maaresto si Co at maisailalim siya sa hurisdiksyon ng hukuman.
Batay sa judicial records, hindi pa rin natutunton ng National Bureau of Investigation si Co sa kabila ng mga isinagawang paghahanap sa address na nakasaad sa kaniyang warrant of arrest.
Matatandaang umalis si Co ng Pilipinas noong Hulyo 2025 matapos mabigyan ng travel authority para sa medikal na layunin, habang kinakaharap ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban kay Co noong Nobyembre 2025, at nakumpirma naman ng Malacañang nitong Abril na wala na siya sa kustodiya ng Czech Republic matapos umanong tumungo sa France, kung saan siya naghahangad ng political asylum.