
Minalas sa baraha ang Alas Pilipinas matapos bigong makapasok sa quarterfinals nang pabagsakin ito ng Indonesia sa straight-sets, 22–25, 13–25, 26–28, sa round three ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Girls’ U18 Championship, sa Nakhon Ratchasima, Thailand, nitong Biyernes, Hulyo 3.
Nagsilbing ganti ng mga Indonesians ang naturang panalo makaraang mabigo kontra sa Pilipinas sa battle-for-third ng 23rd Princess Cup ng 2026 Southeast Asian Girls U18 Volleyball Championship.
“I’m sure the girls felt bad because they played against Indonesia in the Princess Cup. The Indonesians really prepared to beat us,” ani team manager Carmela Gamboa.
Nagtala ng 12 puntos mula sa 12 atake si Ellaine Gonzalvo na sinahugan ng 10 puntos ni Ellen Rayco mula sa siyam na atake at isang block para palakasin ang opensa ng Pilipinas sa isang oras at 32 minutong bakbakan.
Dikdikang salpukan ang tumambad sa ikatlong set matapos humantong sa apat na matchpoint ang dalawang koponan, na winakasan ng down-the-line hit at isang krusyal na error ng Pilipinas, 28-26.
Bumida naman para sa Indonesia si Khanza Putri Yanzi Ganeshi na pumukol ng 14 puntos mula sa 12 atake at dalawang blocks habang nag-ambag si Tina Syifa Sabila Salim ng kapwa 14 puntos mula lahat sa atake.
Nauna na ring nadispatsa ang Pilipinas sa kamay ng Japan (2–0) na naglagay sa kanila sa bingit ng torneyo kontra Indonesia.
Tanging Iran (0–3) lamang ang nadiskaril ng Pilipinas na kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto habang nasa ikatlong puwesto naman ang Alas hawak ang 1–2 kartada.
Haharapin ng Pilipinas ang Uzbekistan sa Linggo, Hulyo 5, para sa pag-asang makakuha ikalimang puwesto ng torneyo.