
Kinonsidera ng humigit-kumulang ₱10.3 milyong pamilya ang kanilang sarili bilang mahirap ngayong ikalawang kuwarter ng taon, ayon sa ulat ng Octa Research nitong Agosto 20.
Batay sa isinagawang “Tugon ng Masa” survey mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 11, ibinahagi ng Octa Research na nasa 39% ang self-rated poverty sa mga pamilyang Pilipino, na tinatayang tumaas ng 4 percentage points mula sa dating 35%, o mahigit-kumulang 9.2 milyong pamilya.
Samantala, bumaba naman sa 18% mula 24% ang mga Pilipinong hindi itinuturing ang kanilang pamilya bilang mahirap.
Habang 42% naman ang hindi makapagdesisyon kung itinuturing nila ang kanilang pamilya na mahirap o hindi.
Kinumpirma ng Octa Research na Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na porsiyento ng self-rated poverty na umabot sa 58%, kasunod ang Visayas na may 46%, Balance Luzon na may 33%, at pinakamababa naman ang National Capital Region (NCR) na nasa 18% lamang.
“The national increase in self-rated poverty, combined with higher levels in Balance Luzon, the Visayas, and Mindanao, suggests that economic pressures are being felt unevenly across the country,” pahayag ng Octa Research.
Dagdag pa rito, ipinakita rin sa talaan na nananatiling mababa ang kinikita ng mga taga-Mindanao at kabilang sa Class E.
Bunsod nito, ipinunto ng ahensiya na kinakailangang magpatupad ng mga hakbang upang mapaigting ang pagtaas ng kita ng mga pamilya, oportunidad sa trabaho, at proteksiyon mula sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa kabilang banda, ibinahagi pa ng Octa Research na tinatayang 21% o mahigit-kumulang ₱5.6 milyong pamilya ang nakaranas ng matinding kagutuman nitong Hulyo, mula sa dating 17% o 4.5 milyong pamilya.
Bilang karagdagan, 68% ng mga pamilya ang naglahad na isang beses lamang silang nakaranas ng kagutuman, habang 19% naman ang nagsabing maraming beses nila itong naranasan.
Ayon sa datos, Balance Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas na porsiyento ng self-rated hunger na umabot sa 27%, sinundan naman ng NCR na may 19%, habang pinakamababa ang Mindanao na may 14%.
Kung socioeconomic class naman ang pagbabasehan, Class E ang nakapagtala ng pinakamataas na porsiyento na umabot sa 35%, kumpara sa Class D na may 20% lamang at Class A, B, at C na may 8%.
“The fact that most hunger episodes were occasional suggests vulnerability to short-term disruptions, but the higher incidence among Class E households shows that these disruptions are concentrated among families with fewer economic buffers,” giit ng Octa Research.
Bukod pa rito, inilahad din ng nasabing ahensiya na bumaba ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing ang kanilang sarili na kabilang sa food poverty, mula 31% o 8.1 milyong pamilya tungo sa 28% o mahigit-kumulang 7.4 milyong pamilya.
Dagdag pa rito, Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na porsiyento ng self-rated food poverty na umabot sa 52%, habang 9% naman sa NCR, na siyang may pinakamababang tala.
Ayon sa Octa Research, bagaman maituturing na pag-unlad ang pagbaba ng bilang ng mga nasa food poverty, hindi pa rin maituturing na pantay ang naging progreso sa mga lugar gaya ng Mindanao at sa mga kabilang sa Class E.
“The contrast between the decline in national food poverty and the increase in overall self-rated poverty also suggests that households may distinguish broader financial hardship from their ability to meet immediate food needs,” pahayag ng ahensiya.