
Dumating sa Quezon City Hall of Justice si Vice President Sara Duterte nitong Sabado, Setyembre 5, upang humarap sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats na isinampa laban sa kaniya.
Alinsunod ang pagpunta ni Duterte sa korte sa warrant of arrest na inilabas noong Biyernes, Setyembre 4, ng QC RTC Branch 98, matapos matukoy ng korte na may probable cause upang isailalim sa paglilitis ang Pangalawang Pangulo.
Noong Biyernes, naglabas ang QC RTC Branch 98 ng warrant of arrest laban kay Duterte kaugnay ng tatlong kaso ng grave threats.
Ayon sa korte, sapat ang mga ebidensya na iniharap upang magkaroon ng probable cause o makatwirang batayan para ipagpatuloy ang kaso at litisin ang akusado. Kasabay nito, itinakda ng korte ang piyansa sa ₱120,000 para sa bawat bilang.
Matapos matanggap ng kampo ni Duterte ang warrant, sinabi ng kaniyang mga abogado na wala siyang balak umiwas sa proseso ng batas at gagamitin niya ang mga legal na remedyo na available sa kaniya.
Nag-ugat ang kaso sa isang online press briefing noong Nobyembre 23, 2024.
Sa naturang briefing, naglahad si Duterte ng pahayag na nagsabing nakipag-usap siya sa isang tao at nagbigay umano ng tagubilin na patayin sina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.
Iginiit ni Duterte na ang kaniyang pahayag ay “maliciously taken out of context” at nilinaw niyang hindi umano ito isang aktuwal na pagbabanta.
“May kaugnayan ang aking mga pahayag sa aking pangamba para sa aking sariling seguridad.” dagdag niya rin dito.
Mahalagang linawin na ang probable cause ay hindi nangangahulugang napatunayang guilty na ang isang akusado.
Sa yugtong ito, natukoy lamang ng korte na may sapat na batayan upang ipagpatuloy ang kaso at isailalim ang akusado sa paglilitis.
Ibig sabihin, hindi pa hatol ang warrant of arrest at hindi rin nito awtomatikong nangangahulugang napatunayang ginawa ni Duterte ang krimeng ibinibintang sa kaniya.
Itinakda ng QC RTC ang piyansa sa ₱120,000 bawat count ng grave threats. Dahil tatlo ang bilang ng kaso, umabot sa ₱360,000 ang kabuuang piyansa.
Matapos ang kaniyang pag-post ng bail, iniulat ding inalis na ng korte ang bisa ng warrant of arrest.
Bago pa man mailabas ang warrant, tinutulan ng kampo ni Duterte ang pagpapatuloy ng kaso habang siya ay nanunungkulan bilang Vice President.
Naghain ang kaniyang mga abogado ng motion na kumukuwestiyon sa jurisdiction ng korte at humiling na ipagpaliban o bawiin ang warrant at i-quash ang criminal information.
Isa sa mga argumento ng kaniyang kampo ay mayroong procedural protection ang mga impeachable officer habang nasa puwesto. Ngunit hindi ito pinaboran ng QC RTC Branch 98 at itinuloy ng korte ang kaso matapos nitong mahanap ang probable cause.
Samantala, iginiit naman ng Department of Justice na ang presidential immunity ay para sa Pangulo bilang chief executive at hindi awtomatikong sumasaklaw sa Vice President.
Ang alegasyon tungkol sa umano’y pagbabanta laban kina Marcos, Liza Araneta-Marcos, at Romualdez ay kasama rin sa mga isyung binanggit sa Articles of Impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Ngayon ay sabay na kinakaharap ni Duterte ang criminal proceedings kaugnay ng grave threats at ang hiwalay na impeachment proceedings sa Senado.
Dahil nakapag-post na ng piyansa si Duterte, hindi ibig sabihin na tapos na ang kaso. Ang criminal case ay magpapatuloy at daraan pa sa mga susunod na yugto ng judicial process.
Ang pagpiyansa ni Duterte ay upang manatiling malaya habang nagpapatuloy ang kaso, hindi pa isang desisyon kung guilty o not guilty ang Pangalawang Pangulo.
Nananatiling sentro ng kaso ang tanong kung ang mga pahayag ni Duterte noong 2024 ay maituturing na grave threats sa ilalim ng batas— usaping kailangang resolbahin sa pagpapatuloy ng paglilitis.