Ina ni Kiko Barzaga, nagwagi sa special election bilang Cavite 4th District rep

Photo Courtesy of PhilStar/Journal News Online/Inquirer

Nahalal si Dasmariñas City Mayor Jennifer “Jenny” Barzaga bilang bagong kinatawan ng ikaapat na distrito ng Cavite matapos manalo sa special election noong Agosto 29, kapalit ng kanyang anak na si Francisco “Kiko” Barzaga na pinatalsik sa House of Representatives.

Nakakuha si Barzaga ng 201,893 boto, malayo sa kanyang pinakamalapit na katunggali na si dating Vice Mayor Raul Rex Del Rosario Mangubat, na nakakuha ng 30,373 boto. 

Sinundan sila ni Jacinto Jr. Bautista Frani na may 24,350 boto, Marvin Opamin Dupal-Ag na may 1,184, at Leysander Aguilar Ordenes na may 561 boto.

Ipinroklama si Barzaga noong Agosto 30 ng District Board of Canvassers sa City of Dasmariñas Arena.

Isinagawa ang special election upang punan ang puwestong nabakante matapos mapatalsik si Kiko sa Kamara dahil sa disorderly behavior, conduct unbecoming of a member, at mga paglabag sa House Code of Conduct.

Sa kabila ng malakas na pag-ulan noong Agosto 29, sinabi ni Commission on Elections Chairperson George Garcia na naging mapayapa at maayos ang halalan.

“Napakatahimik, napakaayos (ng election) at ako’y humahanga sa ating mga kababayan sa Dasmariñas sapagkat napakalakas ng buhos ng ulan kahapon pero bumoto pa rin sila,” ani Garcia sa Super Radyo dzBB.

Pinalawig ng Comelec ang voting hours mula sa nakatakdang 3 p.m. hanggang 5 p.m. dahil sa masamang panahon. Nagpatupad din ang poll body ng early voting mula 5 a.m. hanggang 7 a.m. para sa mga kwalipikadong botante mula sa vulnerable sectors.

Kasunod ng pagkapanalo ni Barzaga, inaasahang hahalili sa pagka-alkalde ng Dasmariñas ang kanyang anak na si Vice Mayor Elpidio “Third” Barzaga III. Habang si  First Councilor Teofilo “Rudy” Lara naman ang nakatakdang umupo bilang Vice Mayor.

Ayon kay Garcia, maaari nang mag-report si Barzaga sa House of Representatives pagsapit ng Martes.

Sa resulta ng special election, napunan ang congressional seat na nabakante matapos ang expulsion ni Kiko, habang nakatakda ring magbago ang liderato sa city government ng Dasmariñas.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...