
Minsan, ang sariling salita ang unang humahabol sa siya mismong nagbitaw nito.
Magbalik-tanaw tayo noong Agosto 11, 2026, nang magsampa ang Department of Justice (DOJ) ng tatlong counts ng grave threats laban kay Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court. At noong Setyembre 4, naglabas ang QC RTC Branch 98 ng warrant of arrest matapos makita ang probable cause upang ituloy ang kaso. Itinakda rin ng korte ang piyansa sa P120,000 para sa bawat bilang. Kinabukasan, Setyembre 5, humarap si Duterte sa korte at nagpahayag ng pangamba para sa kaniyang seguridad.
Matatandaang pinasiklab noong Nobyembre 23, 2024 ang hidwaan, noong naging sentro ng kontrobersiya si Duterte matapos niyang sabihin na may nakausap siyang tao upang ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay. Iginiit niyang hindi biro ang sinabi niya. Halos dalawang taon matapos ang pahayag na iyon, hindi na lamang ito usapin ng isang kontrobersiyal na press conference. Nauwi ito sa isang kasong kailangang harapin sa korte.
At totoong bilog nga ang mundo.
Matapos humarap ang bise, walang pag-aatubiling sinambit niya ang mga katagang, “I don’t feel safe in this country”
Ngunit dito lalo pang lumilitaw ang sukdulang kahipokrituhan. Hindi naman mali ang matakot. Hindi rin dapat ipagkait kaninuman, maging sa pinakamakapangyarihang opisyal, ang karapatang mangamba para sa sariling buhay at kaligtasan ng kaniyang pamilya. Ngunit may malaking pagkakaiba ang tunay na paghingi ng proteksiyon at ang paggamit ng pangamba bilang panangga upang ilihis ang sentro ng usapan.
Sa kabila ng kaniyang pag-aangking hindi siya ligtas sa bansa, dumaan siya sa mismong sistemang legal ng bansang kaniyang kinatatakutan upang harapin ang warrant at makapagpiyansa. Ang korte ang nagtakda ng proseso. Ang batas ang nagbigay ng kondisyon para sa piyansa. At ang parehong sistemang inilalarawan bilang pinagmumulan ng kaniyang pangamba ang siya ring sistemang kumikilala sa kaniyang mga karapatan bilang isang akusado.
Hindi naman ito tungkol sa pagtatanggol kay Marcos, kay Liza Marcos o kay Romualdez. Hindi kailangang maging kakampi ng mga taong pinagbantaan upang sabihing seryoso ang anumang banta ng pagpatay. Kung may totoong banta naman laban kay Duterte, dapat din itong seryosohin at imbestigahan. Ang karahasan ay hindi nagiging katanggap-tanggap dahil lamang sa pangalan ng target o sa kulay ng kampong kinabibilangan nito.
Hindi rin dapat gawing simpleng rematch ng mga Duterte at Marcos ang kaso. May hidwaang pampolitika sa pagitan ng dalawang kampo, ngunit ang warrant ay hindi inilabas ng isang political party o ng mga kritiko ni Duterte. Korte ang naglabas nito matapos makita ang probable cause. Hindi pa ito hatol ng pagkakasala, ngunit sapat itong batayan upang umusad ang kaso sa paglilitis.
May karapatan si Duterte na magdepensa, kuwestiyunin ang kaso at gamitin ang lahat ng legal na remedyo na ipinagkakaloob sa kaniya. Hindi pa siya guilty. Mahalaga iyon dahil ang due process ay hindi dapat nawawala kahit sa pinaka kontrobersiyal na akusado. Ngunit ang pagkakaroon ng karapatang magdepensa ay hindi nangangahulugang wala nang kailangang sagutin. Ang proseso ng batas ay hindi paraan upang burahin ang pananagutan. Ito ang paraan upang matukoy kung mayroon nga ito.
May iba pa siyang kinakaharap na mga proseso, kabilang ang impeachment trial sa Senado, kung saan may mga alegasyong kailangan ding sagutin. Sa naturang proseso, pinili niyang humarap sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado sa halip na personal na dumalo sa mga pagdinig. Legal ang pagkakaroon ng counsel at bahagi ito ng kaniyang mga karapatan, ngunit habang dumarami ang mga prosesong kailangang harapin, lalong lumilinaw ang isang bagay: hindi maaaring palitan ng posisyon, abogado o ingay sa politika ang pangangailangang sagutin ang mga kasong dumaraan sa tamang proseso.
Kung may banta sa buhay ni Duterte, dapat siyang protektahan. Walang sinuman ang dapat maging target ng karahasan dahil sa politika. Hindi rin maaaring ang takot sa sariling seguridad ang maging dahilan upang hindi harapin ang isang kasong nasa korte. Magkaiba ang proteksiyon at pananagutan, at maaaring igiit ang dalawa nang sabay.
Bilang Bise Presidente, hindi dapat magkaroon si Duterte ng ibang pamantayan sa ilalim ng batas. Ang mataas na posisyon ay hindi dapat maging makapal na barikada sa pagitan ng isang opisyal at ng prosesong kinakaharap ng ordinaryong mamamayan. Kung ang isang mamamayan ay kailangang humarap sa korte kapag may kasong isinampa laban sa kaniya, hindi dapat maging espesyal na eksepsiyon ang isang halal na opisyal.
Hindi rin dapat basta palitan ng political persecution o pamumulitikang pang-uusig ang anumang desisyong hindi pabor sa isang kampo. Maaaring kuwestiyunin ang desisyon ng korte at gamitin ang mga legal na remedyo dahil iyon ang silbi ng proseso. Ngunit hindi maaaring palitan ng sigaw sa politika ang ebidensiya, argumento at desisyon ng hukuman. Kung rule of law ang ipinaglalaban, dapat itong sundin kahit hindi pabor ang resulta.
Hindi kailangang piliin ng publiko kung Duterte o Marcos ang kakampihan upang maunawaan ang usapin. Maaaring tutulan ang anumang banta laban kay Duterte habang hinihingi rin ang pananagutan sa mga pahayag na naging batayan ng kaso. Maaaring igalang ang kaniyang karapatang magdepensa nang hindi sinasabing wala siyang dapat harapin. Ang parehong pamantayan ay dapat gumana sa magkabilang panig.
Kung ang isang hamak na mamamayan ay kailangang humarap sa batas para sa mga salitang binitiwan niya, walang makatuwirang dahilan upang magkaroon ng ibang sukatan ang isang Bise Presidente. Hindi hinihingi ng batas ang kaniyang pagkakasala bago siya hatulan. Hinihingi lamang nitong dumaan siya sa prosesong dapat ding pagdaanan ng iba.
Ang mga salita ay maaaring ipaliwanag, itama o ipagtanggol, ngunit hindi basta nabubura kapag naging bahagi na ito ng rekord at ng isang kasong dinidinig ng korte. Ang dating pahayag na binitiwan sa harap ng publiko ay nasa ibang yugto na ngayon. Hindi na lamang ito bahagi ng isang away-politika. May korte nang tumitingin dito, may akusasyong kailangang sagutin, at may depensang kailangang ilatag.
Hindi sapat ang tapang sa harap ng mikropono kung naglalaho ito kapag batas na ang kaharap. Hindi sapat ang lakas ng loob sa pagbabanta kung biglang hihina ang paninindigan kapag dumating na ang pananagutan.
Huwag maging duwag. Kung gaano katapang magbanta, ganoon din dapat katapang humarap, manindigan, at sumagot sa mga prosesong legal.
Dahil ang tunay na tapang ay hindi nasusukat sa lakas ng boses, bigat ng apelyido o taas ng posisyon. Nasusukat ito sa kakayahang harapin ang sariling salita kapag dumating na ang oras ng pananagutan. Maaaring lumipas ang naging panayam, maaaring humina ang ingay ng politika, ngunit hindi dapat takasan ang batas. Kung may tapang na magbitaw, dapat may tapang ding humarap.