
Sa kabila ng trilyong pisong pondong inilalaan taon-taon para sa sektor ng edukasyon, hindi umano ito nararamdaman sa mismong loob ng mga paaralan ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Iginiit ng ACT na patuloy na gumagastos mula sa sariling bulsa ang maraming pampublikong guro upang matugunan ang mga pangangailangan sa paghahanda ng kanilang mga silid-aralan at pagsuporta sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Humigit-kumulang 75% ng mga gurong kalahok ang nagsabing gumamit sila ng sariling pera para sa school preparations, habang ang ilan ay gumastos ng ₱5,000 o higit pa batay sa pagsisiyasat na isinagawa ng ACT.
Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, hindi sapat ang kasalukuyang pondo upang matigil ang personal na gastos ng mga guro at mga magulang para sa mga pangangailangan ng paaralan.
“The only solution to stop the expenses of teachers and parents for Brigada Eskwela and ARAL is to increase the national education budget to at least six percent of GDP,” ani Bernardo.
Dagdag pa niya, kailangan ang sapat na pondo para sa mga pasilidad, learning materials, at sahod ng mga guro upang hindi na sila mapilitang gumastos mula sa sariling kita.
Kabilang sa mga karaniwang pinagkakagastusan ng mga guro ay ang cleaning materials, classroom repairs, visual aids, printing materials, internet, at iba pang pangunahing kagamitang kailangan sa loob ng paaralan.
Matatandang noong 2025, umabot sa ₱1.056 trilyon ang inilaang pondo para sa basic at higher education, na nakatuon sa mga programa para sa mga mag-aaral, guro, pasilidad, at iba pang pangangailangan ng sektor.
Habang ngayong 2026, itinaas sa humigit-kumulang ₱1.345 trilyon ang kabuuang pondo para sa education sector, na pinakamalaking alokasyon sa ilalim ng pambansang badyet.
Nasa ilalim nito ang pondo para sa paglikha ng 32,916 teaching at 32,268 non-teaching positions at pagtatayo ng 24,964 classrooms sa buong bansa.
Gayunman, iginiit ng ACT na nananatiling hamon ang direktang pag-abot ng pondo sa mga paaralan, lalo na kung napipilitan pa ring gamitin ng mga guro ang kanilang sariling pera para sa pangunahing pangangailangan sa classrooms.
Dahil dito, nananawagan ang grupo para sa mas malaking suportang direktang mapakikinabangan ng mga paaralan upang mabawasan ang personal na gastusin ng mga guro at matiyak ang sapat na learning resources para sa mga mag-aaral.
Samantala, iginiit ng Department of Education (DepEd) na hindi inaasahang gumastos mula sa sariling bulsa ang mga guro para sa paghahanda ng classrooms.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, “hindi sila inaatasang gumastos mula sa sariling bulsa,” at tungkulin ng ahensya na bawasan, sa halip na dagdagan, ang pasanin ng mga guro.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng pondo para sa edukasyon, iginiit ng mga education advocates na mahalaga ang maayos na pagpapatupad at direktang paglalaan nito sa mga paaralan upang mabawasan ang personal na gastusin ng mga guro at matiyak ang isang sapat at maayos na learning environment para sa bawat mag-aaral.