
Alessandra Gwen Santos
Nagtala si Bella Belen ng career-high na 35 puntos upang pangunahan ang Capital1 sa dikdikang five-set thriller na panalo kontra Akari Chargers, 28–26, 22–25, 25–15, 23–25, 21–19, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa loob ng Ynares Center, Antipolo, Oktubre 15.
Naging sandigan ng Solar Spikers ang sophomore hitter matapos tumikada ng 20 digs at 19 receptions, bukod sa isang block, katuwang sina Vanie Gandler, Cherry Nunag, at Erika Santos upang masungkit ang panalo.
Ito ang unang panalo ng Capital1 sa torneo matapos bumangon mula pambungad na talo, 22–25, 18–25, 25–17, 25–20, 15–8, kontra Choco Mucho Flying Titans nitong Miyerkules.
“Masayang maglaro sa mga ganung situations, yung kumbaga yung challenge talagang nandun. Ang iniisip ko lang kung ano pa yung pwede kong maitulong at kung ano yung kaya kong gawin para sa team,” ani Belen.
Naging susi ang 7-0 bomba na pinakawalan ng mga bagito ni Jorge de Brito sa ikatlong rolyo upang magtayo ng 20–12 bentahe at iselyo ang set.
Inagaw pansamantala ng Akari ang momentum matapos kumalas sa dikdikang 23-all gamit ang back-to-back kills ni Ivy Lacsina at ipuwersa ng rubber set.
Ngunit mahigpit na depensa ang ipinamalas ng Capital1 sa huling frame nang isalba ni Santos ang pang-limang deuce point bago magpakawala si Belen ng sunod-sunod na attacks para dangitin ang panalo.
Sumungkit naman si Fifi Sharma ng 20 puntos upang ibandera ang Akari, na ngayon ay susubukang maitudla ang una nilang panalo laban sa PLDT sa Oktubre 20.
Samantala, gagawin naman puhunan ng Capital1 ang wagi kontra ZUS Coffee sa parehong araw.