Mga eksperto, tutol sa social media ban para sa menor de edad

Explained PHNews15 minutes ago

Photo Courtesy of TV5

Jan Ethan Caliboso

Naniniwala ang ilang eksperto sa mental health at child development na hindi sapat na solusyon ang panukalang total ban sa paggamit ng high-risk social media platforms ng mga menor de edad upang maprotektahan ang mga kabataan sa panganib sa internet.

Matapos ang isinagawang joint media briefing ng Child Rights Network, Psychological Association of the Philippines (PAP), Philippine Mental Health Association (PMHA), at Stairway Foundation nitong Oktubre 15, iginiit ng mga ito na kailangang palakasin ang pananagutan ng mga digital platform at ang mga mekanismo ng child protection sa mga komunidad, kasabay ngpagtuturo sa mga kabataan ng ligtas at responsableng paggamit ng social media.

Ayon kay Dr. Ver Reyes, executive secretary ng Psychological Association of the Philippines (PAP), limitado pa ang mga pag-aaral na nagpapatunay na epektibong mababawasan ng blanket ban ang paggamit ng social media at ang masamang epekto nito sa mga kabataan.

“We should be very careful in making sweeping policy decisions based on assumptions that the evidence has not yet established,” ani Reyes.

Binigyang-diin din ni Reyes na hindi pa sapat ang ebidensya na nakalap ng PAP upang matiyak kung talagang napipigilan ng pagbabawal na ito ang mga panganib na layong solusyunan ng panukala.

Sinabi naman ni Doreen Murata, digital advocacy co-lead ng Child Rights Network, na bagaman madaling ipatupad ang pagbabawal, hindi ito awtomatikong nangangahulugang mapalalakas ang kakayahan ng mga kabataan na protektahan ang kanilang sarili sa digital spaces.

“It is an easy solution, it is an easy approach, but easy solution and easy approach doesn’t guarantee that we are building empowerment, we are building a culture of safety and protection,” saad ni Murata.

Iginiit naman ni Dr. Anthony Grecia, officer at national trustee ng Philippine Mental Health Association (PMHA), na hindi sapat ang blanket ban upang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan sa internet.

“Kami po sa PMHA naniniwala na ang blanket bans is a non solution to keep young people safe, preventing violence requires a more comprehensive approach,” aniya.

Ayon naman kay Alice Adiloy, child protection specialist ng Stairway Foundation, nanganganib na maisantabi ang mga ugat ng problemang kinakaharap ng mga kabataan kung social media lamang ang pagtutuunan ng pansin kundi ang iba pang dahilan kung bakit nangyayari ang mga insidente.

Dahil dito, iminumungkahi ng mga eksperto na timbangin ang mga panganib at benepisyo ng panukala at isaalang-alang ang mas komprehensibong hakbang upang maprotektahan ang mga kabataan.

Matatandaang inaprubahan ng Senado ang panukalang ipagbawal sa mga 17 taong gulang pababa ang paggamit ng mga high-risk online platform na naglalayong sugpuin ang mga kaugnay na insidenteng nagaganap sa bansa at protektahan ang mga kabataan laban sa iba pang panganib sa internet.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...