
Sa gitna ng lumalalang klimang pampulitika sa bansa, hatid ng UP Kalilayan para sa mga kabataang Quezonian at Aurorahin ang mas mataas na antas ng kamalayan sa pampulitikang panunupil at mas matikas na paninindigan sa pamamagitan ng Tagisan 41 na gaganapin sa Nobyembre 29, 2026, sa Quezon Science High School, Tayabas City, Quezon.
Ang Tagisan ay isang taunang kompetisyon para sa mga high school mula sa mga probinsya ng Quezon at Aurora sa pangunguna ng UP Kalilayan, samahan ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman mula sa mga nasabing probinsya. Binubuo ang Tagisan ng iba’t ibang kategorya gaya ng quiz show, speech competitions, poster making, essay writing, short filmmaking, idea generation, at photo essay.
Sa temang “PAGHASA NG BAYAN: Reinforcing Youth Participation in the Struggle for Social Justice amid Political Repression,” layon ng ika-41 edisyon nito na mas palakasin ang tinig ng mga kabataan laban sa iba’t ibang uri ng pampulitikang panunupil, gaya ng red-tagging, media censorship, at pag-atake sa pang-akademikong kalayaan ng mga kabataan sa loob ng iba’t ibang institusyon.
Ilan lamang sa mga paninindigan ng UP Kalilayan ngayong edisyon ng Tagisan ay ang pagkilala sa mga kabataan bilang bahagi ng lipunan, pagtanggol sa malaya at demokratikong espasyo, at pagbasura sa mga sistemang sumisikil sa karapatan ng mga Pilipino.
“Kitang-kita natin sa kasalukuyan kung gaano kalala ang represyon sa mga mamamayang Pilipino, partikular na sa mga kabataan. Kaya naman, ang Tagisan 41 ay hindi lamang isang kompetisyon, kundi panawagan na baliktarin ang tatsulok at paalala sa lakas ng nagkakaisang kabataan,” ani Basti Vertudez, isa sa mga project head ng Tagisan 41.
Ngayong taon, ipinakikilala ng Tagisan ang kauna-unahan nitong Leadership Summit — isang seminar-workshop para sa mga lider-kabataan na layong hasain ang mga kakayahan gaya ng pakikipagdayalogo, upang higit na maglingkod sa loob man o labas ng kampus.
Gayundin, ang ilang porsyon ng malilikom ng Tagisan 41 ay ilalaan ng UP Kalilayan sa iba pa nitong proyekto, gaya ng Neil Eria Educational Discussion Series (NEEDS), kung saan nagbabalik ang organisasyon sa iba’t ibang sektor ng Quezon at Aurora gaya ng mga katutubong grupo, sa pamamagitan ng isang community outreach program.
Iniimbitahan ng UP Kalilayan ang mga high school mula sa mga probinsya ng Quezon at Aurora na tumindig at makilahok sa Tagisan 41. Bukas ang registration hanggang Nobyembre 3, 2026. Bisitahin lamang ang opisyal na Facebook page ng Tagisan para sa iba pang detalye: https://www.facebook.com/TagisanUPKalilayan
Mga pag-asa ng bayan, tumindig na’t hasain ang bayan!