Pagmamahal ang tanging katibayang dala ni Sylvia sa ‘2 Valid IDs’ laban sa walang pusong sistema

Kung papanoorin ng mga Pilipino ang Cinemalaya 2026 entry na 2 Valid IDs, baka hindi lamang sila mamangha sa pelikula. Mamumulat din sila sa katotohanang ang napanood nila ay hindi kathang-isip lang. Bagkus, sumasalim ito sa sarili nilang kuwento—bitbit ang pait, pagtitiis, at paghihirap na matagal nang pasan ng marami.

Ang kuwentong danas ng lahat

Iba sa karamihan, hindi pumunta sa Maynila sina Sylvia (Marietta “Pokwang” Subong) at Ramon (Joey Marquez) upang makahanap ng mas magandang  trabaho o bagong oportunidad. Lumuwas sila mula sa probinsya at hinarap ang pinakamalupit na reyalidad ng lungsod para sa pag-asang mapagaling si Ramon na may malalang Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD). 

Sa pelikula, makikita kung paano sila nakikipagsiksikan sa isang pulmonary ward, hinahati ang mga tableta ng gamot dahil walang sapat na salapi, at umaasa sa tanging bagay na libre sa bansang ito—ang awa ng Diyos.

Ngunit kahit gaano kalakas ang kanilang pananalig, madalas itong bumabangga sa malamig at bakal na pader ng burukrasya at bulok na sistema. 

Sa pagpila ni Sylvia sa remittance center para kunin ang perang  makatutulong  sana para sa operasyon ni Ramon, isang patakaran ang dumurog sa kanyang huling pag-asa.

Dito nakapaloob ang pinakadiwa ng ‘2 Valid IDs’—isang masakit na paglalantad sa sistemang humihingi ng piraso ng papel o plastic bago magbigay ng kalinga. Dahil, sa mata ng pamahalaan, walang halaga ang buhay at pagmamakaawa kung wala kang maipakitang dokumento.

Bilang isang matapang na paglalarawan sa kalagayan ng masa, ipinakita ng pelikula kung paanong sa kawalan ng mga hinihinging ID, ang wagas na pagmamahal na lamang ni Sylvia para kay Ramon ang magiging kaisa-isa niyang katibayan at sandata upang hamunin ang isang sistemang walang kaluluwa.

Hindi lamang ito sining sa pinilakang-tabing kundi isang matalim na salamin sa marahas na reyalidad ng ating lipunan. Inilalantad nito ang krisis kung gaano kahirap magkasakit sa bansang ito. Ipinakita rin kung paano pinapaboran ang mga may pera at kapangyarihan at kung paano naging isang malupit na biro ang sistema sa ordinaryong Pilipino—reyalidad kung saan kailangan mo muna ng isang valid ID para lamang patunayan ang iyong pagkatao at makakuha ng isa pa nito. 

Ang kalbaryo sa pagkuha ng valid ID sa ating bansa ay hindi lamang simpleng burukrasya sa papel. Isa itong malalang sintomas at simbolo ng may sakit na sistemang ating ginagalawan. Dito, ang karapatan ng karaniwang mamamayan ay laging nakakulong sa makapal na pader ng mga proseso, habang ang impluwensya at kapangyarihan ng mga nasa itaas ang nagsisilbing pasaporte tungo sa kanilang pribilehiyo.

Sa bawat paghaba ng pila, umiikli ang pag-asa

Hindi lamang kakulangan ng ID ang kalaban ni Sylvia. Kalaban din niya ang oras. 

Nagsimula ang kanyang kalbaryo bago pa man sumikat ang araw. Nagtiis siya sa mainit at siksikang gusali ng mga tanggapan habang mahigpit na tangan ang kakarampot na pag-asa. 

Pinipiga siya ng pagod at gutom, ngunit mas matimbang ang takot—takot na sa bawat segundong lumilipas ay unti-unting lumalala ang kalagayan ni Ramon.

Ang mahabang pila ay hindi lamang sumasalamin sa kakulangan ng pasilidad; isa rin itong anyo ng pagpapahirap sa masa. Bawat galaw, may pila. Bawat pila, may oras na nasasayang. At sa bawat oras na nasasayang, may pag-asa at buhay na namamatay.

Subalit isang malaking kabalintunaan ang reyalidad na ito kung ihahambing sa mundo ng mga may pera at impluwensya—mga taong hindi kailanman nakaranas matulog sa malamig na semento ng mga pasilyo o pumila nang napakatagal. Isa ito sa mga pinakamasakit na linyang iginuhit ng pelikula sa pagitan ng dalawang uri ng Pilipino.

Habang ang karaniwang mamamayan ay halos mabulok kakahintay nang ilang linggo, buwan, o inaabot pa ng taon sa masisikip at maiinit na pampublikong ospital makamit lamang ang serbisyong pinagkakait sa kanila, ibang-iba ang ibinibigay na kalinga kapag pangalan at pera na ang pinag-uusapan.

At mas nakakagalit pa kung paano lantarang pinaglalaruan ng mga nasa kapangyarihan ang sistema para sa kanilang sariling interes. Habang ang mga katulad ni Ramon ay kumakapit sa kakarampot na lunas habang inuubos ng sakit, may mga politikong biglaan na lamang nagkakaroon ng ‘malubhang karamdaman’ kapag nasasangkot sa katiwalian. Biglang lilitaw ang mga wheelchair at neck brace, o ‘di kaya nama’y lilipad patungong ibang bansa gamit ang medical leave.

Sa ganitong tagpo, ibinubunyag ng sistema ang pinakagarapal nitong mukha—habang ang ordinaryong Pilipino ay nakikipagbuno sa burukrasya sa bawat minutong paghaba ng pila, ang sakit ay ginagawa lamang na palabas ng mga nasa itaas upang takasan ang hustisya.

Sa ganitong kabulok na sistema, ang lunas ay nananatiling pribilehiyo ng iilan, samantalang ang karapatan ay nananatiling mailap sa karamihan.

Dito sa ating bansa, hindi lamang sa pagkuha ng ID may pila. May mahabang pila sa pagkuha ng ayudang pera, tubig at bigas, may nakakapagod na pila sa tren at bus, pila sa paghahanap ng trabaho, at pila para lang makapag-aral sa kolehiyo.

Tila naging bahagi na ng ating pagkatao ang maghintay. Ipinanganak ang masa na nakapila, ang lahat ng bagay na mahalaga at dapat ay karapatan natin bilang mga Pilipinong nagbabayad ng buwis ay kailangan mong pilahan—hanggang sa maubos ang iyong oras, ang iyong pasensya, at ang iyong pag-asa.

Hanggang saan susuong ang pagmamahal ni Sylvia kay Ramon?

Sa kabila ng sistemang pilit na umuubos sa kanyang pag-asa, may isang bagay na hindi kayang patayin ng anumang mahabang pila—ang wagas na pag-ibig ni Sylvia kay Ramon.

Nang isara ng sistema ang pinto para kay Sylvia at tuluyang maubos ang kanyang katiting na pag-asa, napilitan siyang lumapit sa mga taong nag-aalok ng mas mabilis na solusyon kapalit ng salapi na wala naman siya. 

Dito sinagot ni Sylvia ang tanong kung hanggang saan ang kaya niyang isugal. Tinalikuran niya ang linya sa pagitan ng tama at mali madugtungan lamang ang buhay ni Ramon at mapabilis ang pagproseso ng kinakailangan niyang ID.

Hindi ninais ni Sylvia na lumabag sa patakaran. Ngunit para sa isang asawang saksi sa paghihirap ng kanyang minamahal, nawawalan ng puwang ang moralidad kung ang tanging kapalit nito ay ang mismong buhay ng taong mahal niya.

Malupit ang reyalidad, pero pinatunayan ni Sylvia na kung mayroon mang isang bagay na kayang hamunin ang walang pusong sistema—ito ay ang pagmamahal. Ito ay isang katibayang hindi kailanman kailangang bayaran o pilahan.

Gayunpaman, hindi kailanman dapat maging pambayad ang pagmamahal at paghihirap ng masa para lamang makuha ang mga serbisyong ninanakaw sa kanila ng sistema. 

Hanggang kailan kailangang sumugal ang mga ‘Sylvia’ para lamang mabuhay? Hanggang kailan magiging pamantayan na ang karapatang medikal at sibil ay kailangang makamit sa pamamagitan ng gutom, hirap, at moral na kompromiso sa ilalim ng isang mapang-aping lipunan? 

Ang pagmamahal ni Sylvia ay hindi dapat gawing piring upang pagtakpan ang lantarang kapabayaan ng estado. Kaya naman, ginigising ng pelikula ang ating galit upang tibagin ang sistemang patuloy na dumudurog sa karapatan, buhay, at pagkatao ng ordinaryong Pilipino.

Ipinapakita ng ‘2 Valid IDs’ na sa isang lipunan kung saan ang mismong patakaran ang unti-unting pumapatay sa pag-asa ng mga nasa laylayan, ang sistema rin mismo ang nagtutulak sa masa na gumawa ng mali.

Maraming Ramon, ngunit mas maraming Sylvia

Ipinamalas ng pelikula na maraming Pilipino ang kagaya ni Ramon, na sa gitna ng pagod at sakit ay nanaisin na lamang umuwi sa probinsya: sa tahimik, malinis at payapang paligid, malayo sa magulo at mausok na lungsod.

Ngunit ang masakit na katotohanan ay mas marami ang kagaya ni Sylvia—mga walang pribilehiyo at kakayahang sumuko at umuwi. 

Sila ang mga Pilipinong sumugal sa lungsod at araw-araw na nakikipagbakbakan sa burukrasya at diktador na sistema. 

Sila ang mga nakapila sa init, nakikipagsiksikan sa mga tanggapan, at handang isugal pati ang sariling moralidad para sa mahal sa buhay.

Maaari tayong magalit sa mga empleyadong nasa likod ng salamin, ngunit biktima rin sila ng mismong sistema na pumipiga sa atin. Nakatali sila sa mga patakarang hindi naman nila kontrolado.

Kaya hangga’t ang karapatang mabuhay at makatanggap ng kalinga ay patuloy na pinipilahan, mananatiling nakatayo at naghihintay ang mga nasa laylayan. Hangga’t manhid at hindi natututong makaramdam ang mga taong nasa puwesto, dadami pa ang mga Ramon na magtitiis sa sakit ng lipunang ito, at madadagdagan pa ang mga Sylvia na pagmamahal na lamang ang magiging tanging katibayan at sandata upang labanan ang sistemang matagal nang nawalan ng puso. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...