
Inilunsad na ng Supreme Court (SC) ang electric notarization (eNotarization) nitong Oktubre 19, na naglalayong maihatid ang serbisyong notaryo sa publiko sa mas madaling paraan.
Sa ilalim ng eNotarization, ang mga electronic documents ay maaari nang pirmahan at inotaryo ng mga Electronic Notary Public (ENP) sa pamamagitan ng Electronic Notarization Facility (ENF).
Ayon kay SC Associate Justice Benjamin Caguioa, ang hirap ng pag-access sa serbisyo ng gobyerno noong pandemya ang nagtulak sa hudikatura upang isagawa ang digitalisasyon sa pagnonotaryo.
Bahagi ang eNotarization ng kanilang inisyatibong paggamit ng teknolohiya upang mapabuti at mapadali ang akses sa mga serbisyong legal lalo na para sa mga mamamayang nasa liblib na lugar.
Ani Caguioa, kasalukuyan na silang nakikipagtalakay sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapalawig pa ang saklaw ng eNotarization para sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Wika ni Caguioa, makatutulong ito upang mabigyan ng access ang mga OFWs sa notarial services nang hindi na nila kailangang bumalik sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, tatlong ENF pa lamang ang akreditado sa bansa na kinabibilangan ng NotarizeIT by Unawa, Twala by Ohelio, at QLegal by Quanby Solutions.
Samantala, 26 na ENP naman ang akreditado at pinahihintulutang magbigay ng serbiyong eNotarization sa publiko matapos sumalang sa Virtual Summary Hearings (VSH).