Maralita sa salita

Cartoon On Point by Prince Kyle Laborte

Kaakibat ng bawat salitang dumadaloy sa bibig ng isang tao ay ang mga kaisipan na siyang nagbibigay dakila sa kalayaan ng isang tao at ang lipi nito. Dahil kung ang isa ay maralita sa salita, hindi lalaya ang bayan mula sa pait ng koloniyal na kahapon.

Sa pagsapit ng Buwan ng Wika, gumulong ang usapin sa kawalan ng kalinawagan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ukol sa posisyon nito sa pagsasaayos ng isyu sa pagtuturo ng “Mother Tongue-Based Multilingual Education” (MTB-MLE). Isa sa mga itinuturong malaking ugat ng pag-aabandona sa sistemang MTB-MLE ay ang kalituhan umano mula sa mga guro tagaturo ng asignaturang ito na sumasalamin sa makitid na perspektibo ng Kagawaran ukol sa lingguwistikong diskurso sa mga paaralang sakop nito.Ngunit bali-baligtarin man ang mundo, malinaw na isa itong tahasang banta sa kalayaan at pagkakakilanlan ng daan-daang wika at kulturang kinagisnan ng mga Filipino. Kung saan pilit na inilalayo ang hindi lamang ang leksikal at semiotikong gampanin kundi maging sapang-araw-araw na buhay.Dahil dito, marami ang lubos na napeperwisyo sa ideolohiyang ipinapairal ng DepEd sa lingguwistikong usapin sa bansa. Mula rito, makikita ang panggigipit sa mga katutubong wika ng bansa na halos parati nang isinasangalan sa pagtamo ng “pagkakaisa” at pagiging “globally competitive.”

Magka-isa o Mag-isa-isa?Ayon sa grupong Tanggol Wika, na siyang nasa bungad ng adbokasiya ng matatag na multilinguwalismo, ang malabo at pagtanggal ng malinaw na balangkas sa pagsasagawa ng MTB-MLE ay mag-uudlot lamang sa mga naitatag nang progreso tungo sa pagkatuto ng pangunahing wika ng mga mag-aaral.

Sa kabila ng mithi ng mga hakbang na “makapagpapatibay ng kamalayang Pilipino”, tulad pagtatanggal ng MTB-MLE, marami pa rin ang malayo ang kalooban hinggil dito na makapagpapatunay sa kawalang-pakundangan ng hakbang na ito sa mga nagsasalita ng iba pang mga wika at wikain.Dahil dito, maaring makompromiso ang pagkilala ng isang mag-aaral sa kanilang identidad bilang isang mamamayan ng kanilang pangkat na siyang makapagdadala ng mas malaking suliranin sa pagkatuto at tapat na pagtanggap sa pagkakakilanlan.

Dagdag pa rito, importanteng lubos na maunaawan ng lahat ang panganib sa paggalaw ng integridad ng mga polisiyang panlingguwistiko na lubhang makaaapekto sa mas malawak na saklaw ng kalayaan ng mga tao sa pagpapahayag ng damdamin, kaisipan, at pasiya ng kani-kanilang mga diwa.Kung kaya, ang pagkabit-balikat sa usapin ng pagtatanggal sa MTB-MLE ay nangangahulugan ng pagpapasukob sa naratibong regresibo at opresibo na sumisilbing ala-ala ng isang madilim na yugto ng kasaysayan, na dapat nang lubos talikuran.Gayunpaman, patuloy pa ring isinasantabi ang mga dapat bigyang pansin at pagsaayusan na binigyang ehemplo sa pag-uuna ng pagpapalit ng pamumuno sa KWF imbes na waksian ang malawakang krisis sa edukasyon at wika sa bansa, na tuluyang nagpalabo sa mandato nito bilang protektor ng wika at wikain sa bansa.

Tuwirin na ang nagkabalu-baluktot na dilaDahil sa mga negatibong epekto ng mga polisiyang panlingguwistiko na nailatag sa masa, malaki ang utang ng mga ahensyang dapat managot tulad ng DepEd at KWF sa paggawa, pagsasaayos, at pagpapatatag ng imprastruktura at mga materyal na kakailanganin upang malagpasan ang pagsubok sa pagsasagawa ng MTB-MLE.Dito pumapasok ang malawak na pangangailangan sa pagtawag ng tamang paglalaan ng mga pondong isinakatiwala sa mga may kapangyarihan tungo sa mga proyektong makapagpapatibay ng panlingguwistikong yaman ng bansa.Kasama nito ang marapat na pagtuon sa pansin ng DepEd at KWF sa pag-iimplementa at paggamit ng mga napag-aralan at subok nang pamamaraan ng pagtuturo sa mga multilingguwal na konteksto, na gamit sa mga karatig na bansa tulad ng Singapore.Sa kabila ng mga nabanggit, tunay ngang matinik at mabusisi ang paglutas sa problema sa pagsasagawa ng multilingguwal na edukasyon sa bansa. Datapwat, hindi kailanman naging solusyon ang pagtulak sa marami upang maging maralita sila sa kani-kanilang mga salita.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...