Alex Eala, lalahok sa MGM Macau Tennis Masters

Photo Courtesy of SunStar/Tempo/ZBNI

Tuloy sa pag-arangkada ang World No. 50 Filipina netter na si Alexandra Eala matapos maimbitahan sa prestihiyosong 2025 MGM Macau Tennis Masters na gaganapin sa Disyembre 27 at 28 sa Macao Forum.

Muling babandera ang five-foot-nine tennis star at papalo sa dalawang araw na invitational meet kasama ang World No. 9 na si Mirra Andreeva ng Russia at mga retiradong Grand Slam champions na sina Li Na ng China at Conchita Martinez ng Spain.

Ayon sa opisyal na website ng Macau Tennis Masters, masasaksihan sa aksyon sina Li Na at Martinez na siyang magiging kapitan ng dalawang koponan sa ikalawang araw ng “Captain’s Challenge” na susundan ng women’s at men’s Singles.

Samantala, dalawang men’s singles, at isang mixed double naman ang magiging bakbakan sa unang araw ng torneyo.

Matatandaang ibinulsa ng kaliweteng Pinay netter ang career high-ranking na world no. 50 na kanyang ginapang mula sa dating ranking na 158, matapos makaabot sa round of 16 ng Hong Kong Tennis Open, kabilang pa ang mga nagdaang karangalan sa iba’t ibang torneyo sa Asya at Europe.

Nauna na ring namayagpag si Eala matapos masungkit ang kauna-unahang WTA title sa Guadalajara Open, Mexico, pati na rin ang kapanapanabik na finals appearance sa Eastbourne Open kontra kay Maya Joint na sinundan ng pagpapayuko sa mga higanteng manlalaro sa Miami Open.

Bago ganapin ang ikatlong season ng Macau Masters, inaasahang lalahok o posibleng lumahok ang 20-anyos na si Eala para katawanin ang Pilipinas sa 33rd Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Thailand sa darating na Disyembre 9-20.

10 Votes: 9 Upvotes, 1 Downvotes (8 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...