Bato-bato sa langit, matamaan huwag magalit

Explained PHColumns11 months ago

Aaron Inciong

Tama nga naman na hindi lahat ay nadadaan sa marahas na paraan—kay gandang pakinggan, magaan sa tenga, parang sermon lang ng guro sa isang silid-aralang may aircon. Pero sa lansangan, saan uupo ang mga gutom? Saan sisilong ang mga inaapi?

Pero sino nga ba ang tunay na binabalaan dito, ang taong nagpipinta ng “magnanakaw” sa pader, o ang sistemang matagal nang nagnanakaw sa atin?

Sino ang mas sugatan, ang pader ba o ang isang pamilyang araw-araw ay nagsasakripisyo dahil ang buwis na binabayaran nila’y hindi man lang nararamdaman sa ospital, eskwelahan, at kalsada?

Hindi natin kailangang ikondena ang galit. Ang galit ay sintomas, hindi sakit. Ang tunay na karamdaman ay ang bulok na sistemang patuloy na kumikitil sa pag-asa ng mga Pilipino. Sapagkat ang taong matagal nang ninakawan, niloko, at inapi—hindi mo maaaring sabihang maghintay at umasa.

Ang pagbagsak ng galit sa harap ng Saint Gerard Construction Building ay hindi kapritso kundi manipestasyon ng kabiguan ng estado na makinig, umaksyon, at managot.

Kaya’t huwag kayong magtaka kung bakit umaapoy ang galit ng tao. Dahil kung hustisya ang laging ipinagpapaliban, ang mamamayan ay natututo ring magpasyang hindi na maghintay.

Ang lansangan ang nagiging hukuman, at ang sigaw ng masa ang nagiging hatol.

Kapag busog ka sa pribilehiyo, madaling magsalita ng pasensya. Pero kung sikmura mo na ang gutom at bulsa mo ang laging butas, galit na lang ang natitirang armas.

At oo, hindi ang mga bulok na lingkod-bayan ang matatamaan ng mga bato at putik. Pero sa totoo lang, hindi rin sila natatamaan ng batas. Sapagkat sa bansang ito, ang batas ay mabilis para sa naglalakad na tindero, ngunit mabagal para sa opisyal na may koneksyon at padrino.

Ilang dekada na tayong naghihintay ng hustisya, ilang imbestigasyon at case build-up na ba ang nauwi sa wala? Sa oras na nagtitimpi tayo, mas lalo lang silang lumalakas.

Habang ang karaniwang tao’y mabilis na nasasakdal, kahit sa simpleng pagnanakaw lang ng tinapay, ang mga nasa kapangyarihan ay patuloy na nakakalusot.

Sa kaso ng mga Discayas, siyam na kompanyang pag-aari ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, na pumatak sa mahigit ₱31 bilyong flood-control contracts mula 2022 hanggang ngayon, ay nanatiling libre sa pananagutan kahit ilang dekada na silang kumikita sa pondong bayan.

Hanggang sa ngayon, wala pang konkretong parusa, bagamat taliwas dito ang libu-libong Pilipino ang nalulunod sa baha habang ang hustisya ay inilalagay sa pila.

Kapayapaan. Lagi itong inuusal ng mga nasa itaas. Pero kapayapaan para kanino? Kapayapaan ng mga politiko na ligtas sa pananagutan? Kapayapaan ng mga negosyanteng nakikinabang sa sistemang palpak?

Kung ang ibig nilang sabihin ng kapayapaan ay katahimikan ng mga inaapi, iyon ay hindi kapayapaan kundi pagkakadena.

Totoo ito: ang tunay na karahasan ay hindi ang putik o pintura. Ang tunay na karahasan ay ang sistemang nagpapatahimik, ang gobyernong paulit-ulit na nagbubulag-bulagan, at ang katarungang matagal nang nabili’t naibenta.

Kaya’t sa ating mga pinuno: huwag ninyo kaming sermunan tungkol sa paggamit ng karahasan. Huwag ninyong ikondena ang sigaw ng bayan. Ikondena ninyo ang katiwaliang pilit ipinapalasap sa amin. Huwag ninyong pigilan ang galit; pigilan ninyo ang ugat ng galit.

Kung tunay kayong para sa taumbayan, hindi ninyo kami tatahimiking mapayapa. Kayo mismo ang dapat maging kasangga namin sa pagpunit ng bulok na sistema.

Ngunit kung pipiliin ninyong manatili sa ideyalismong ligtas, tandaan ninyo na ang pasensya ng taumbayan ay may hangganan.

At kapag tuluyang nag-apoy ang bayan, hindi lang gate ang masusunog. Masusunog ang ilusyon ng hustisyang binili. Masusunog ang katahimikan ng mga pinilit manahimik. Masusunog ang balat-kayong nagsasabing nakikinig, pero sa bawat sigaw ng tao, tumatakbo palayo.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...