
Apat na dekada. Apat na dekadang pakikibaka at paglaban para sa makatarungang demokrasya. Iyan ang naging pamana ng People Power Revolution ng 1986 sa nagdaang mga henerasyon. Ngunit sa pagdiriwang ng anibersaryo, ang diwa ng EDSA ay nalalagay sa isang mapanganib na sangandaan.
Kasalukuyang ikinakaharap ng bansa ang paglabnaw ng pagkakaisa ng iba’t-ibang sektor. Ang mga dati’y nagbubukluran sa lansangan ay nalalagay sa alanganin dulot ng factional na klimang politikal. Ang mapanghating kongreso’t ehekutibo ay iniimpluwensiyahan ang lakas ng pagkilos na siyang nagiging ritwal na walang pangil.
Nararapat na maging mapanuring mamamayan ang bawat Pilipino upang makita ang kabiguan na magkaisa sa iisang entablado. Ang paghihiwalay ng Trillion Peso March Movement at ng mga progresibong grupo katulad ng Koalisyong Makabayan ay isang sintomas ng mas malalim na krisis sa oposisyon.
Bukod pa rito, ang pagpapatupad ng “no permit, no rally policy” ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay nagiging isang malaking balakid sa malayang pagpapahayag. Awtomatikong hinahatulan ang mga rally bilang sedisyosong tindig. Ang hakbang na ito ay isang problematikong limitasyon sa direktang aksyon. Isa itong lantarang pagsubok na kontrolin kung sino ang nagtatakda ng agenda.
Mula noon at kumpara sa ngayon, makikita ang malubhang paghina ng pluralidad. May lamat ang mga mensahe: habang ang Trillion Peso March sa pagpapalagay ni Kiko Dee ay ay nakatuon sa mga konkretong reporma gaya ng pagpasa ng Anti-Dynasty Law at pagpapakulong sa mga kurakot, ang ibang grupo ay humihiling ng mas radikal na pagbabago sa liderato. Sa kasawiang palad, sa gitna ng pagkakahati-hating ito, ang mga dinastiya at ang mga “people in power” ay patuloy na nanamantala sa ating polarisasyon upang panatilihin ang kanilang interes.
Hindi rin matatakasan ang katakot-takot na banta ng disimpormasyon na pilit ikinakahon ang pagkilos bilang “labanan” ng mga “kulay.” Kadiliman versus kasamaan, anti-Marcos labamn sa pro-Duterte. Ang hamon ngayon ng EDSA 40 ay mangibabaw sa puritan morality at tumuon sa isang kritikal na diskurso laban sa sistematikong korapsyon, patronage networks, private sector intrusion, at mga polisiyang kontra-mahirap bukod sa iba pa.
Dahil sa mahinang ugnayang ideolohikal, madalas kumapit ang mga Pilipino sa patalim ng personalidad. Sa halip na malinaw na polisiya, hinahanap-hanap ang pamilyaridad ng mga personalidad at istabilidad ng nakasanayang rehimen. Lalo na at papalapit na ang eleksyon sa 2028.
Ang nasabing salik din ang nagbigay-daan sa pagsasakonsepto ng “Bagong People Power.” Inilalarawan ito bilang paglipat mula sa panandaliang galit patungo sa sustained civic engagement. Hindi na lamang ito tungkol sa dami ng tao sa kalsada, kundi sa kolektibong pagbabantay gamit ang teknolohiya. Isa na rito ang Bisto Proyekto na layuning bigyang plataporma ang mga ordinaryong Pilipino na aktibong bantayan ang mga proyektong impraestruktura nang masigurong hindi ito napupunta sa bulsa ng mga korap at kanilang mga “nepo babies.” Ito ay paghayag ng tunay na patriotismo: pagtanggi na maging pasibong tagatanggap ng serbisyo at ang pagyakap sa pagiging active stakeholder ng ating bansa.
[add caveat here on the sociohistorical significance. And how the reason of People power and present issues deserve their own sentence and own pagkilos]
Gayunpaman, mahalagang kilalanin ang sosyo-historikal na bigat ng EDSA sa ating kasalukuyang konteksto. Ang rebolusyon noong 1986 ay ang unang hakbang na nagpanumbalik sa ating mga demokratikong institusyon, ngunit ang apat na dekadang lumipas ay nagpatunay na ang demokrasya ay walang garantiya sa integridad at nangangailangan ng walang humpay na pagbabantay
Ang EDSA noong 1986 ay isang makasaysayang pag-aalsa upang bawiin ang soberanya mula sa diktadurang Marcos Sr habang ngayon, itinataas natin ang masalimuot na pakikibaka laban sa sistemikong korapsyon at ang paghahari ng mga dinastiya na nanamantala sa ating pagkakahati-hati at sa muling paglakas ng disimpormasyon. Samakatuwid, ang bawat yugto ng ating kasaysayan at bawat bagong krisis ay nararapat sa natatangi nitong pagsusuri at pagkilos: mula sa malawakang pagtitipon sa lansangan hanggang sa mas tahimik ngunit mapagbagong pakikilahok sa digital na espasyo.
Hindi lamang pagpapaalala o rebyu ng kasaysayan ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Ito ay pagpapanibago ng tungkulin. Lagi’t-lagi ang taumbayan ay higit sa mga taong nasa kapangyarihan. Ang laban tungo sa tapat na pamamahala ay isang pang araw-araw na pangako.
Nasa ating mga kamay kung saan papanig ang taumbayan: sa pangalan ng nakaraan, o sa diwa para sa kinabukasan?