
Carl Kristofe Malinao
Nagpatuloy nitong Hulyo 13 ang ikaapat na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, kung saan naging pokus ng pagdinig ang Affidavit of Investigation na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang bahagi ng ebidensya ng prosecution sa ilalim ng Article IV ng Articles of Impeachment.
Naging tampok sa pagdinig ang testimonya ng NBI Regional Director na si Atty. Jeremy Lotoc, na naglahad ng resulta ng imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng mga pahayag ni Duterte noong 2024.
Sa pagdinig, inilahad ng prosecution ang mga video, digital records, subpoena, at iba pang dokumentong sinuri ng NBI bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Sa testimonya ni Lotoc, isiniwalat na dalawang subpoena ang ipinadala ng NBI kay Duterte noong 2024 kaugnay ng imbestigasyon sa kanyang mga naging pahayag sa isang online press briefing.
Ayon kay Lontoc, hindi siya personal na humarap sa NBI noon at ang kanyang abogado ang dumalo sa halip dahil sa mga obligasyon sa opisina.
NBI: Mga pahayag ni Duterte, ‘seryoso at totoo’
Iginiit ni Lotoc sa kanyang testimonya na itinuring ng NBI na ‘seryoso, totoo at aktuwal’ ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte sa online press briefing noong Nobyembre 23, 2024.
Ipinaliwanag ni Lotoc na sinuri ng NBI ang mga video ng mga press briefing noong Oktubre 18 at Nobyembre 23, 2024, kabilang ang mga digital records at iba pang ebidensiya.
Isinaalang-alang din umano ng ahensiya ang literal na kahulugan ng mga pahayag, ang paraan ng paghahatid ng mga ito, ang relasyon ng mga sangkot, at ang naging reaksyon ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Lontoc, nakakita ang NBI ng sapat na batayan upang irekomenda ang pagsasagawa ng preliminary investigation para sa mga kasong grave threats at inciting to sedition.
Binanggit din niya na naglabas ang Department of Justice ng sertipikasyon na nagsasabing natugunan ng referral ng NBI ang mga elementong kinakailangan para sa naturang imbestigasyon.
Freedom of speech vs grave threat
Naging sentro rin sa ikaapat na araw ng impeachment trial ang argumento ng defense na nabibilang bilang freedom of speech ang mga naging pahayag ni Duterte noon.
Matatandaan na sa naturang briefing, sinabi ni Duterte, “I was just testing my freedom of speech,” na kalaunan ay sinuri ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Iginiit ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc na hindi maaaring gamiting depensa ang kalayaan sa pagpapahayag kung ang isang pahayag ay nagtataglay ng mga elemento ng isang krimen.
Aniya, “Freedom of speech protects lawful expression, but it does not protect utterances that satisfy the elements of a criminal offense like this one, Your Honor.”
Ipinaliwanag pa ni Lotoc na batay sa pagsusuri ng NBI, ang mga pahayag ni Duterte ay may posibilidad na makaapekto sa kaayusan ng publiko at maaaring maghikayat sa iba na gumawa ng katulad na mga kilos.
Pag-kwestiyon ng defense
Pinangunahan ni Atty. Marc Vinluan ang pagtatanong upang usisain ang ilang bahagi ng imbestigasyon na iniharap ng prosecution.
Isa sa mga puntong binigyang-diin ng depensa ang hindi pagtutugma ng petsa sa isang Department of Justice (DOJ) Certification.
Ayon kay Vinluan, may petsang Pebrero 5, 2025 ang dokumento, ngunit lumabas na natanggap lamang ito noong Pebrero 10, 2025.
Bilang tugon, sinabi ni Lotoc na wala siyang personal na kaalaman sa naturang sertipikasyon dahil hindi siya ang tumanggap nito.
Tinukoy rin ng depensa ang kakulangan ng beripikadong impormasyon hinggil sa taong umano’y kinontrata upang isagawa ang sinasabing pagpatay.
Kinilala ni Lotoc na hindi natukoy ng NBI ang pagkakakilanlan ng naturang indibidwal at hindi rin napatunayan ng Cybercrime Division ang umano’y banta laban sa bise presidente.
Gayunman, nanindigan siyang nananatiling may sapat na batayan ang kanilang referral para sa preliminary investigation.
Ang ikaapat na araw ng trial ay dinaluhan ng 18 senator-judges.
Ang susunod na sesyon ng impeachment trial ay magaganap naman sa Hulyo 14.
Nakatakdang humarap bilang susunod na testigo si Atty. Zuleika Lopez, dating chief of staff ni Vice President Sara Duterte.
Ihinain naman ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang panukalang gawing 9:00 n.u. ang pagsasagawa ng impeachment trial nang sa gayon ay matapos ito ng alas tres o alas kwatro ng hapon.