Tinaguriang ‘fatty liver’ ang pag-iipon ng taba sa atay, ngunit isang simpleng bitamina ang nakikitang posibleng gawing ‘fatty never’ ang kondisyong ito.
Natuklasan ng mga siyentipiko mula sa South Korea na ang karaniwang bitamina na niacin o Vitamin B3 ay may kakayahang pumigil sa paglala ng metabolic-associated fatty liver disease (MASLD) na ngayo’y itinuturing na isa sa pinakamadalas na sakit sa atay sa buong mundo.
Ayon sa datos, halos tatlo sa bawat sampung tao sa buong mundo ang apektado ng sakit na ito, kaya’t ito ay nagiging isang malaking banta sa pampublikong kalusugan.
Natukoy ng mga mananaliksik ang microRNA-93 (miR-93) na nagpapalala sa pagdami ng taba at sa pagbagsak ng normal na paggana ng atay na siyang pangunahing nagdudulot ng paglala ng sakit.
Sa kanilang pagsusuri, lumabas na ang miR-93 ay humaharang sa SIRT1, isang gene na may mahalagang papel sa tamang paggamit ng taba sa atay at pagpapanatili ng metabolismo.
Kapag tumaas ang antas ng miR-93, mas mabilis na naiipon ang taba sa atay, nagkakaroon ng pamamaga, at nauuwi sa fibrosis na kalauna’y nagdudulot ng seryosong pinsala.
Matapos subukan ang mahigit 150 FDA-approved drugs, lumabas na ang Vitamin B3 ang may pinakamalakas na kakayahang pababain ang antas ng miR-93 at ibalik sa normal ang paggana ng SIRT1.
Sa mga eksperimento sa hayop, nakita na kapag binigyan ng Vitamin B3 ang mga may fatty liver, bumababa ang sobrang taba sa kanilang atay at bumabalik ang maayos na metabolismo.
Binanggit ng mga eksperto na ang Vitamin B3 ay matagal nang ginagamit laban sa mataas na kolesterol kung kaya’t may matibay na datos ng kaligtasan at bisa nito.
Sa katunayan, isa ang Pilipinas sa patuloy na tumataas ang bilang ng nagkakaroon ng fatty liver bunsod ng sobrang pagkonsumo ng mga pagkaing matatamis, matataba, at processed.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga non-communicable diseases tulad ng sakit sa atay at puso ay kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa, kaya’t mahalaga ang mga solusyon tulad ng Vitamin B3.
Sa kabila ng potensyal na lunas na ito, nananatiling kritikal ang wastong nutrisyon, aktibong pamumuhay, at regular na pagsusuri sa atay upang maiwasan ang paglala ng kondisyon. Sa ganitong paraan, posibleng ang ‘fatty liver’ ay tuluyang maging ‘fatty never.’