
Christia Chloe Amarilla
Mahigit 100 Senior High School (SHS) students ng AMA Computer College – Bacolod ang hindi pinayagang lumahok sa kanilang seremonya ng pagtatapos noong Hunyo 24, sa kabila ng tamang pagbabayad ng matrikula.
Kabilang sa mga naapektuhan ay ang valedictorian ng magsisipagtapos at iba pang honor students. Ayon sa kanila, dalawang araw na lang bago ang graduation nang malaman nilang hindi sila makalalahok sa seremonya.
Nagdulot ito ng matinding pagkadismaya sa mga mag-aaral at magulang na kalauna’y nauwi sa reklamo sa Bacolod City government at Department of Education (DepEd).
Kinumpirma ni Bacolod Schools Division Superintendent Officer-in-Charge Dennis Develos na naglabas ang DepEd ng Notice of Violation laban sa institusyon matapos mapag-alaman ang naturang insidente.
Sa isang joint meeting naman kasama ang Bacolod City Legal Office, hiniling ng kagawaran sa administrasyon ng paaralan na payagang maka pagmartsa ang mga estudyante, subalit tinanggihan ito ng pamunuan.
Binigyang-diin ni Bacolod City Mayor Greg Gasataya na taliwas ang naging hakbang ng paaralan sa umiiral na polisiya ng DepEd.
Pananagutan ng institusyon
Kasabay ng isyu sa graduation, lumitaw din na wala umanong balidong business permit ang AMA Computer College-Bacolod para sa taong 2026.
Ayon sa Business Permits and Licensing Office, nananatiling hindi kumpleto ang aplikasyon ng paaralan dahil sa kakulangan ng mga clearance mula sa City Health Office, at Bacolod Environment and Natural Resources Office.
Batay sa rekord ng lungsod, hindi rin nakakuha ng business permit ang paaralan noong 2021 at 2022. Nakapag-renew lamang ito mula 2023 hanggang 2025 bago muling mabigong makumpleto ang mga rekisito ngayong taon.
“If they will not comply with the requirements for their business permit, then we will issue a closure order just like we did to other businesses that did not comply,” saad ni Gasataya.
Nagpahayag din ng pagkabahala si House Deputy Speaker at Bacolod Lone District Representative Alfredo Abelardo Benitez kasunod ng mga ulat na may ilang graduation fees na direktang ibinayad sa school principal ngunit umano’y hindi naipadala sa pangunahing tanggapan ng paaralan.
Bilang tugon, inanunsyo niya ang paghahain ng isang resolusyon sa Kamara upang magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa accountability ng mga educational institutions sa bansa at mapalakas ang mga mekanismong magtitiyak sa transparency, integridad, at proteksiyon sa mga mag-aaral.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang administrasyon ng AMA Computer College hinggil sa mga reklamong inihain laban sa kanila.