
Hasanah Mamatod
Pinaiigting ng mga opisyal sa Iloilo at Negros Occidental ang mga hakbang upang maibalik ang eksklusibong karapatan ng maliliit na mangingisda sa municipal waters o 15-kilometrong katubigang sakop ng mga lokal na pamahalaan.
Nanawagan si Iloilo 2nd District Board Member Rolito Cajilig sa Kongreso na ipasa ang House Bill No. 5606 upang mapanatili ang eksklusibong karapatan ng municipal fisherfolk sa municipal waters.
Samantala, nagsagawa naman ang Negros Occidental Committee on Environment and Natural Resources ng pampublikong pagdinig sa panukalang ordinansang magbabawal sa commercial fishing sa loob ng municipal waters ng lalawigan.
Ang mga hakbang na ito ay kasunod nang idineklara ng Malabon Regional Trial Court noong Disyembre 2023 na labag sa Saligang Batas ang ilang probisyon ng Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998 na nagtanggal sa ilang probisyon ng batas pangisdaan na nagbibigay ng prayoridad sa municipal fisherfolk.
Kabilang sa mga inalis ang mga probisyong nagbibigay ng depinisyon sa municipal waters, hurisdiksyon ng lokal na pamahalaan, at prayoridad ng municipal fisherfolk.
Dahil dito, kinuwestiyon ng ilang sektor ang posibilidad na mapasok muli ng commercial fishing vessels ang mga katubigang dating inuuna para sa maliliit na mangingisda.
Kaya ikinatuwa ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang mga hakbang ng Iloilo at Negros Occidental.
“Granting exclusive rights to small fishers will ensure food security and safeguard marine resources for future generations,” ani Pamalakaya-Negros spokesperson Vincent Fernandez.
Hinimok din ni Pamalakaya National Chair Fernando Hicap ang pambansang pamahalaan na pakinggan ang mga panawagan ng mga sektor.
“Dapat kilalanin ng pambansang pamahalaan ang lumalawak na panawagan ng iba’t ibang sektor para baliktarin ang kautusan ng Korte na pabor sa malalaking negosyo sa pangisdaan,” ani Hicap.
Kasabay ng mga panawagang ito, patuloy na nakapagtatala ang mga conservation group ng pagpasok ng commercial fishing vessels sa municipal waters.
Iniulat ng Karagatan Patrol ng Oceana Philippines na umabot sa 3,853 ang hinihinalang pagpasok ng commercial fishing vessels sa municipal waters noong Marso 2026.
Batay sa Oceana Philippines, ito ang pinakamataas na buwanang bilang na naitala mula noong 2022.
Iniulat din ng Philippine Statistics Authority na bumaba sa 802,770 metric tons ang produksyon ng marine municipal fisheries noong 2024, pinakamababang naitalang produksyon mula pa noong 2002.
Kaya patuloy na hinihikayat ng mga mangingisda, environmental groups, at ilang lokal na pamahalaan ang Kongreso na magpatibay ng mga hakbang na magpoprotekta sa municipal waters at sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda.