
Adrian Maravillas
Aabot sa 21 katao ang sinasabing namatay sa Visayas at Mindanao dulot ng malakas na pag-uulan mula sa bagyong ‘Inday’ na may internasyonal na pangalang ‘Bavi’, na sinabayan naman ng mas pinalakas na southwest monsoon o habagat, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Hulyo 13.
Ayon sa mga report, patuloy na pinaghahanap ang 16 nawawala pa rin matapos ang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, tatlong araw na ang nakakaraan.
Sa kabuuan, mayroon nang naitala na 23 katao na nasawi at 18 naman ang nawawala.
Isinawalat ni OCD information officer Diego Mariano na ang mga kabilang sa nasawi at nawawala ay kasalukuyang sumasailalim sa validation ng ahensya.
Sa situational report ng NDRRMC, 10 ang naibalitang namatay sa Malapatan, Sarangani, kung saan natabunan ng landslide ang dalawang bahay, umaga ng Hulyo 10, habang pitong katao naman ang sinasabing narekober.
Ibinahagi ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) chief Mark Christopher Quiño na ang dalawang bahay ng mga pamilyang Maladian at Yato ay nakatayo sa gilid ng bundok.
Dagdag pa rito, anim ang kinumpirmang namatay at anim pa ang nawawala sa isa pang pagguho ng lupa sa Calanogas, Lanao del Sur, Hulyo 10.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nagmadaling pumunta sa lugar ang mga pulis at emergency personnel bandang alas-sais ng umaga, ngunit kinailangan nilang maglakad nang sampung kilometro matapos maging hindi madaanan ang mga kalsada.
May mga naiulat ding namatay dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Tubungan, Iloilo; Malaybalay City at Quezon, Bukidnon; at Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Walo naman ang nawawala sa Jose Abad Santos, Davao Occidental; lima sa Calanogas, Lanao del Sur; dalawa sa Glan, Sarangani; at isa sa Talayan, Southern Maguindanao.
Ayon sa datos ng NDRRMC, humigit-kumulang 143,000 na pamilya o 654,000 na indibidwal ang apektado ng bagyo at habagat sa buong bansa.
Aabot din sa 20,100 katao mula sa 5,100 na pamilya ang nananatili ngayon sa mga evacuation center.
Kasalukuyan namang nagpapadala ng tulong ang Department of Social Welfare (DSWD) sa mga biktima ng PHP45.88 million na ayuda.