
Ngayong undas, tipikal na sa mga Pilipino ang pag-alala sa mga yumao, pagpapadasal para sa mga kaluluwa, at pagdalaw sa puntod ng mga pumanaw. Ngunit sa panahon na hindi natin sila nabibisita o kung mawaglit man sa alaala, sino ang mga handang magtabas ng mga ligaw na damo, magtanggal ng mga upos ng kandila, at maging sa pagkiskis ng mga lapida, sa tuwing nawawala ang mga namayapa sa gunita?
Lumipas man ang maraming taon, magbago man ang panahon, mapapansin na mayroong mga himlayang walang pinag-iba, at ang sikreto, ang dedikasyon ng mga sepulturero.
Si Crisanto
Sa Manila North Cemetery, kung saan nahihimlay ang milyon-milyong mga yumao, makikilala ang mga taong naghahanap-buhay doon, tulad ni Tatay Crisanto na isang sepulturero. Libingan ang lugar na kanyang kinamulatan dahil wala pa man siya rito sa mundo, dito na nakatira ang kanyang mga magulang. Kalaunan, dito na rin siya bumuo ng pamilya.
Ang kanyang pagiging sepulturero ay nagsimula noong labing anim na taong gulang pa lamang siya. Kasabay nito, lumalabas rin siya sa sementeryo sa tuwing may pagkakataon, kapag mayroong magpapagawa ng kanilang tahanan. Ngunit ang pangangalaga sa himlayan ng mga pumanaw ang pangunahing pinagkakakitaan niya. Sa trabahong ito, ganito ang kanyang proseso, “Unang-una, syempre lilinisin, maglilinis, mag-eeskoba, tapos susunod, magpipintura naman.”
Kung iisipin, mukhang madali lamang itong gawin, ngunit kinakailangan niya itong gawin kada Linggo o weekly at hindi lang ito basta pagpapakapagod dahil nangangailangan ito ng totoong malasakit, katapatan, at pagtitiyaga. Linggo-linggo niya man itong gawin, taunan naman ang bayad sa mga kagaya niyang caretaker. Inihahalintulad niya ang trabahong ito sa pagtatanim kung saan ang pagpapagal niya sa isang taon, “Parang tanim, pagdating ng November 1 tsaka ka palang aani.” Iba-iba man ang bayad at nakadepende sa sitwasyon, kadalasan daw ay tuwing undas talaga ang pagbabayad sa kanila.
Si JM
Sa mga pagkakataong malakas ang ulan, at sa mga oras na buwan na lamang ang nagsisilbing liwanag, maipagpapatuloy pa kaya ang pagkayod? Sa mga supulturerong tulad ni JM, hindi maaaring ipagpabukas at ipagpalipas ang mga duming nagkalat sa sahig dahil arawan ang paglilinis niya. Tulad ni Crisanto, Manila North Cemetery na ang kinagisnan niyang mundo dahil doon na siya pinanganak at doon na siya lumaki.
Isa sa mga inaalagaan niya ang himlayan ni dating Presidente Sergio Osmeña. Umulan man o madalim, kailangang tuloy-tuloy ang paglilinis dahil ang trabaho niya bilang supulturero— bigyang-buhay ang himlayan ng mga namaalam. Wala man sila sa mundong ibabaw, nararapat naman silang bigyan ng maayos at kagalang-galang na pahingahan.
Komunidad ng mga Buhay
Sino ang mag-aakalang may mga taong naninirahan sa loob ng sementeryo? Isang lugar na tahimik at walang-buhay dahil ang mga nahihimlay doon ay mga namatay. Sina Crisanto at JM ay ilan lamang sa mga taong nagtitiyagang manirahan sa loob ng Manila North Cemetery.
Sa kanilang pananatili roon, unti-unti nang nabuo ang isang malaking komunidad ng mga taong lahat ay magkakakilala at ang lahat ay nagtutulungan. Nakakatakot man kung ituring ng iba, ang sabi ni Crisanto magkakaintindihan kung, “makikiharap sa tao na parang tao.” Kung saan ang kanilang trabaho ay wala sa iisang area o lugar lamang kung hindi batay sa pakikitungo, pagiging tapat, at pagkakaroon ng isang salita.
Maraming dekada na ang lumipas mula noong simulan itong okupahan ng mga tao at habang tumatagal ay dumarami ang naglalakas-loob na manirahan doon. Ayon kay Crisanto may aksyon at tulong naman daw mula sa kanilang barangay. Ngunit kung susuriin, walang pangmatagalang solusyon ang naibigay ng gobyerno upang sila ay makapamuhay, hindi sa lugar ng mga patay, kundi sa lugar na ang lahat ay ligtas na mamumuhay.
Ang mga taong nagbibigay-buhay sa pahingahan ng mga humimlay ay nararapat na bigyan ng isang makatarungang buhay, kung saan kinikilala ang kanilang marangal na hanap-buhay at naninirahan sila sa mga ligtas na tahanan kasama ng iba pang may buhay.