Kakaibang postura ng katawan, posibleng Scoliosis ang dahilan

Photo Courtesy of Hospital for Special Surgery/USC Spine Center

Florenz Eugenio

Isang malaking pribilehiyo ang makakilos nang maayos at mamuhay nang komportable. Ngunit hindi lahat ng tao ay nakararanas ng parehong ginhawa gaya ng tinatamasa ng karamihan, kabilang na rito ang mga taong may scoliosis.

Batay sa Cleveland Clinic, ang scoliosis ay isang kondisyon kung saan ang gulugod o spine ng tao ay baluktot o may hindi pangkaraniwang hugis na tila titik “C” o “S” na kadalasang natutukoy kapag umabot ng 10 o higit pang digri ang kurba.

Karamihan ng kaso nito ay katamtaman lamang o hindi nangangailangan ng agarang pagpapakonsulta ngunit mayroong ilang lumalala sa pagtanda. Nagiging abala ito sa kalidad ng pamumuhay sa paglipas ng panahon kung kaya’t mahalaga na maagapan o masuri agad ang maagang senyales nito.

Maaari mang makuha ng isang sanggol ay kadalasan namang natutuklasan ito mula edad 10 o kaya naman sa bandang pagbibinata o pagdadalaga na kung tawagin ay idiopathic scoliosis.

Ito ang karaniwang uri ng scoliosis kung saan hindi matukoy ng mga eksperto ang sanhi nito. Gayunpaman, mayroon pa ring iba’t ibang salik na maaaring maging dahilan ng scoliosis.

Maaaring ang mga buto ng gulugod o vertebrae ay hindi nabuo nang maayos habang nasa sinapupunan pa lamang ang sanggol na nagbubunga ng hindi pantay na postura pagkapanganak, na tinatawag namang congenital scoliosis.

Posible ring ang mga komplikasyon sa kalamnan at ugat ang maging sanhi ng scoliosis. Kaakibat nito ang mga pinsala sa katawan o injury at kondisyong kagaya ng cerebral palsy, ito naman ay kilala bilang neuromuscular scoliosis.

Samantala, ang degenerative scoliosis ay kadalasang naiuugnay sa pang-araw-araw na gawaing nagbibigay-puwersa sa gulugod katulad ng pagbubuhat ng mabibigat na pangunahing dahilan sa pagsidhi ng scoliosis.

Ayon sa Mayo Clinic, ang paglubha ng kondisyon ay nakapagdudulot ng sakit sa likod na nagsisimula sa pangmadalian hanggang pangmatagalang pananakit at hirap sa paghinga. Maaari kasing maipit ng gulugod ang baga na nagiging hadlang sa paghinga.

Bukod pa rito, ang mga namumuhay nang may scoliosis, partikular na ang mga may malubhang kaso nito, ay hirap sa mga simpleng gawain tulad ng pag-upo, pagtayo, at paglakad. Kaya napakalaking pagsubok ang mag-aral at magtrabaho, lalo na sa mga kinakailangang magbuhat o umupo nang matagal.

Hindi lamang sa pisikal na aspeto nagiging pasakit ito kundi maging sa sikolohikal na pananaw sa sarili at ng ibang tao, mula sa pangungutya na nagiging diskriminasyon hanggang sa pagbaba ng kumpiyansa o tingin ng isang tao sa kaniyang sarili.

Madaling makaligtaan ang scoliosis, maaaring ipagsawalang-bahala lamang ng iba ang hindi pantay na tangkad ng balikat o ang hindi naka-sentrong posisyon ng ulo, lingid sa kanilang kaalaman, posibleng mga senyales na ito.

Isa sa mga prominenteng tao na may scoliosis ay si Miss Universe 2018 Catriona Gray na nagbahagi sa social media ng simpleng paraan upang matukoy ang kondisyon.

Kailangan ng striped na damit upang gawin ito kung saan kapag isinuot at ikinalma ang postura, pansinin kung ang balikat at balakang ay pantay ng lebel, kung hindi ay isa itong senyales ng scoliosis.

Ilan pa sa mga maagang palatandaan ay ang mga sumusunod: hindi pantay na mga binti, mayroong umbok sa bandang tadyang kapag yumuko, at madalas na pananakit o pamamanhid ng likod.

Mabuting magpakonsulta sa doktor o pinakamalapit na health center para magpa-scoliosis screening. Gumagamit sila ng scoliometer upang tingnan ang digri ng kurba ng likod. Maaari ding magpa-physical exam at kung kinakailangan ay kumuha ng X-ray.

Ngayong National Scoliosis Awareness Month, kailangang isaisip ang kahalagahan ng maagang pagtuklas o early detection. Hindi lamang ito isang buwan ng pagdiriwang kundi pagkilala sa milyon-milyong kuwento sa likod ng isang kondisyon.

Hindi lahat ay nagtatamasa ng parehong kalidad ng pamumuhay. Ngunit sa pamamagitan ng kamalayan, pag-unawa, at maagang pagpapakonsulta, mas maraming taong may scoliosis ang maaaring mabigyan ng pagkakataong mamuhay nang mas maginhawa.

9 Votes: 9 Upvotes, 0 Downvotes (9 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...