Kapag normal na ang dugo sa kalye

Explained PHColumns10 months ago

Aaron Inciong

Hindi na bago sa kasaysayan ng bansa ang Mendiola bilang lunsaran ng protesta. Sa bawat sigaw, plakard, at hakbang ng mga paa patungo sa tarangkahan ng kapangyarihan, dala nito ang hinaing ng bayan. 

Ngunit nitong nagdaang linggo, muling nabahiran ng dugo ang kalsadang ito: ayon sa Department of Health, 48 ang nasugatan at isang hindi pa nakikilalang lalaki ang namatay matapos saksakin sa gitna ng rally sa Recto, Manila noong Linggo. Dalawang pulis rin ang nagtamo ng minor injuries ngunit agad ding nakauwi matapos gamutin.

Sa gitna ng mga detalyeng ito, may isa na namang mabigat na tanong: Bakit kailangang humantong sa karahasan ang isang pagtitipon na dapat sana’y nagsisilbing plataporma ng pagkakaisa at paglilinaw?

Oo, totoo—marami sa mga dumalo sa rally ang walang malinaw na kaalaman kung ano ang ipinaglalaban nila. Kailan pa naging rason ang kamangmangan para maging katanggap‑tanggap ang karahasan? 

Sa halip na magsakitan ang pulis at mamamayan, hindi ba’t mas makabuluhan kung sama-samang igiit ang iisang hinaing? Ang rally ay dapat maging espasyo ng paglilinaw at pagkakaisa, hindi ng pagkawatak at dugo.

Kung babalikan, hindi isolated case ang ganitong insidente. Sa iba’t ibang panahon, nakita na natin kung paano nauuwi sa gulo ang mga kilos‑protesta—at madalas, hindi malinaw kung saan nagsimula ang labanan. 

Sa Mendiola, mabilis kumalat ang mga video online na nagpapakita ng isang miyembro ng SWAT na nakatutok ang baril sa mga raliyista, at isang tao na nakahandusay na duguan. Ngunit agad ding pinabulaanan ng Manila Police District na may pagpapaputok o paggamit ng tear gas sa naturang kilos-protesta. “Wala, hindi natin gagawin ’yun … kung mayroong nangyari, may report na tayo na may ganyang incident,” pahayag ni Police Major Philipp Ines.

Sa isang banda, may mga nagsasabing natural na may kaguluhan kapag malaki ang bilang ng tao at may tensiyon laban sa awtoridad. Ngunit hindi ba’t tungkulin ng estado na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan, kahit pa sila’y nagbabangon ng tinig laban dito? Hindi sapat na sabihin na kasama na sa rally ang peligro, sapagkat sa isang demokratikong lipunan, ang peligro ay dapat nakasalalay lamang sa lakas ng tinig—hindi sa bagsik ng batuta o putok ng baril.

Ngunit sa kasagsagan ng lahat ng ito, naroon ang mas nakapangingilabot na larawan: ang ilang tinaguriang “progresibo” mismo ay biglang dumistansya, gaya ng Akbayan. Habang may mga binaril, binugbog, at inaaresto sa kalsada, nagmamalinis silang nagsabing wala silang kinalaman sa nangyari. 

Sa halip na manindigan kasama ng masa, pinila nilang linisin muna ang kanilang reputasyon—na para bang mas mahalaga pa ang imahe at posisyon kaysa sa dugo at hinaing ng mga pinaglilingkuran nila. 

Hindi ba’t ito ang malinaw na anyo ng oportunismo? Ang pagtakas sa galit ng masa upang manatiling katanggap-tanggap sa kanilang mga amo—elitista, imperyalista, at naghaharing uri.

Ang rayot na kanilang tinuring na “hindi bahagi nila” ay hindi basta kaguluhan. Ito ay manipestasyon ng dekadang galit ng masa laban sa bulok na sistema. Ngunit imbes na kumampi sa pinaslang at pinatahimik, pinili nilang maghugas-kamay at kumapit sa ilusyon ng eleksyon at pekeng demokrasya. Ang tunay na progresibo ay hindi tumatalikod sa galit ng bayan. 

Ang tunay na progresibo ay hindi natatakot madungisan ng dugo ng pakikibaka.

Ang nakababahala pa, tila lumalabas na may namumuong kultura ng pagtanggap sa karahasan tuwing may protesta. Kapag may nasaktan, may nasawi, agad itong binabalutan ng retorika: ganito talaga kapag may rally.

Ngunit kailan pa naging normal ang dugo sa kalye? Kailan pa naging tanggap ang pagkakawatak ng pulis at mamamayan na parehong anak ng bayan? At higit sa lahat, kailan pa natin tinanggap na may mga organisasyong nag-aangking progresibo, ngunit sa oras ng laban, sila pa mismo ang unang lumalayas.

Kung susuriin, ang ugat ng problema ay hindi lamang kawalan ng kaalaman ng mga raliyista sa kanilang ipinaglalaban. Mas malalim pa rito ang kawalan ng puwang para sa maayos na pag-uusap at ang pagtataksil ng mga huwad na alyado. Kung walang bukas na kanal para sa dayalogo, ang lansangan ang nagiging espasyo ng hinaing. At kapag lansangan ang nagiging plataporma, hindi maiiwasan ang banggaan ng puwersa—at doon nasusubok kung sino ang tunay na kasama, at sino ang traydor.

Dito mahalagang itanong, ano ba ang papel ng rally sa ating lipunan? Hindi ba’t ito’y pagkakataon para iparinig ang tinig ng mga hindi naririnig? Hindi ba’t ito ang dapat maging daluyan ng paglilinaw sa mga isyung hindi tinatalakay sa mga bulwagan ng kapangyarihan? 

Ngunit kung ang imahen ng rally ay karahasan at sugat, at kung may mga organisasyong nag-aangking progresibo ngunit tumatalikod sa oras ng laban, paano pa natin maaasahang ito’y magsilbing tulay tungo sa pagbabago.

Ang sagot marahil ay nasa pagbabago ng ating pananaw: na ang rally ay hindi dapat tingnan bilang banta kundi bilang paalala. Paalala na may mga isyu pang hindi nareresolba, mga hinaing pang hindi naririnig. At higit sa lahat, paalala na ang mamamayan ay handang magkaisa at magsalita—basta’t may ligtas, makatarungan, at tapat na alyansa para dito.

Nananatiling malinaw ang aral ng Mendiola: hindi kailanman magiging solusyon ang karahasan, at lalong hindi ang pagtataksil ng mga huwad na alyado. 

Ang dugong dumanak sa kalsada ay hindi kailanman mapapawi ng anumang retorika ng kaayusan o pagpapanggap na progresibo. Ang tunay na kaayusan ay hindi nakasalalay sa katahimikan ng lansangan, kundi sa katiyakan na may hustisya, pakikinig, at pagkakaisa ng bayan. Hangga’t hindi ito nakikita, mananatiling sugatan ang ating lipunan.

Kung susumahin, mas makabuluhan sana kung sama-samang igiit ng pulis, mamamayan, at mga tunay na progresibo ang iisang layunin: isang lipunang may pagkakaunawaan, katarungan, at tunay na pagkakaisa. Sapagkat sa dulo nito, iisa lamang naman ang inaasam ng lahat: isang bansang hindi na kailangang danasin ang sugat ng pagkawatak sa tuwing may sigaw ng hinaing.

7 Votes: 7 Upvotes, 0 Downvotes (7 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...