Karapatang pantao sa gitna ng pwersahang pagkawala

Sa bawat pagpatak ng oras, may mga pamilyang naghihintay sa pintuan, may mga inang humahawak ng lumang litrato ng nawawalang anak, may mga kapatid na umaasang babalik ang mahal sa buhay na sapilitang kinuha. Ito ang realidad ng pwersahang pagkawala—isang sugat sa lipunan na hanggang ngayon ay patuloy na dumudugo. 

Sa gitna ng patuloy na ulat ng mga pwersahang pagkawala at lumalalang banta sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, manggagawang pangkarapatang pantao at mga aktibista, idinaos ang [Online Kapihan Session] Enforced Disappearances and Environmental Defenders noong nakaraang Agosto 27, 2025; tatlong araw bago ang International Day of the Victims of Enforced Disappearances at Press Freedom Day. Pinangunahan ng Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD),,Families of Victims of Involuntary Disappearances (FIND), at Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) ang talakayan. Layunin ng pagtitipon na palakasin ang panawagan para sa hustisya, pananagutan, at mas mahigpit na proteksyon para sa mga biktima ng pwersahang pagkawala at kanilang pamilya. 

Upang pangunahan ang talastasan, binigyang-kahulugan ni FIND Deputy Secretary General ng Cecille Baello ang enforced disappearances at inulat ang kalagayan ng bansa hinggil dito. Sa ilalim ng International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPPED), ang enforced disappearance ay tumutukoy sa pag-aresto, pagdakip, o pagdukot sa isang tao na isinasagawa ng mga ahente ng estado o may pahintulot ng pamahalaan, na sinusundan ng pagtangging kilalanin ang pagkawala o pagtatago sa kinaroroonan ng biktima. Ito ay nagreresulta sa kawalan ng proteksyon ng biktima sa ilalim ng batas, isang malinaw na paglabag sa karapatang mabuhay, kalayaan, at seguridad ng tao.

Batay sa datos ng FIND, may 54 na kaso ng pwersahang pagkawala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Isa rito ay si Ginoong Felix, isang advocate ng karapatang pangkalikasan, aktibong paggalaw, at karapatan ng mga katutubo. Siya ay marahas na dinukot at iwinala na malinaw na nakuhanan ng CCTV footage at bagaman ang pamilya ay umapela na sa mga ahensya ng gobyerno, katahimikan at pagtanggi lamang ang kanilang natatanggap. Sinundan naman ito ng pahayag at pagkukuwento ni John Ian Alenciaga ng Jalaur River for the People’s Movement. Ayon sa kanya, isang banta talaga para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao ang pagpapatahimik sa kanila sa pamamagitan ng red-tagging, harassment, at mga gawa-gawang kaso. Ito’y totoo para sa pinalanganan niyang sina Maria Luisa ‘Luing’ Posa-Dominado at Nilo na pinatay noong 2007 dahil sa pagtutol nila sa pagtatag Jalaur Mega Dam para sa mamamayang Tumandok. Nagpatuloy naman ang panlalapastangan hanggang sa noong 2020 ay minasaker ang siyam na lider at sinampahan ng gawa-gawa umanong kaso ang 16 pang mga tagapagtanggol ng mga Tumandok. Ito’y totoo para sa pinalanganan niyang sina Maria Luisa ‘Luing’ Posa-Dominado at Nilo na biktima rin ng pwersahang pagkawala noong 2007 dahil sa pagtutol nila sa pagtatag Jalaur Mega Dam para sa mamamayang Tumandok. Nagpatuloy naman ang panlalapastangan hanggang sa noong 2020 ay minasaker ang siyam na lider at sinampahan ng gawa-gawa umanong kaso ang 16 pang mga tagapagtanggol ng mga Tumandok. 

Mga pangunahing punto

Inihayag ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) Staff Lawyer na si Atty. Daysheelyn Brillo ang kahalagahan ng ratipikasyon ng Pilipinas sa ICPPED, pagtatatag ng opisyal na rehistro ng mga biktima, at pagkakaroon ng pondo ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao upang itaguyod ang independent search mechanisms nito. Binigyang-diin niya na ang pagsunod sa pandaigdigang pamantayan ay mahalaga upang matiyak ang hustisya at transparency sa mga kaso.

Samantala, sa paninindigan ni AFAD Programme Manager Atty. Josiah Quising, dapat palakasin ang implementasyon ng Anti-Disappearance Law, tiyakin ang pananagutan ng estado, at maglaan ng reparasyon para sa mga biktima at mga pamilya nila lalo na sa mga kasong kinasasangkutan ng pamahalaan mismo.

Naglatag naman ang Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) Legal Counsel na si Atty. Marben Panlasigui ng mas malawak na pananaw sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga karanasan niya sa paghawak ng mga kasong may kinalaman sa pwersahang pagkawala. Tinalakay niya rin ang papel ng Korte Suprema at ng hudikatura sa pagbibigay ng mataas na antas ng kamalayang pulitikal sa mga hukom at court workers upang mas epektibong maresolba ang mga kasong kaugnay ng pwersahang pagkawala.

Sa pagtatapos ng diskusyon, nanawagan ang mga tagapagsalita na palakasin ang tinig ng mga manggagawa sa karapatang pantao, itaguyod ang integridad sa pamahalaan, at tiyakin na ang lahat ng duty-bearers ay mananagot para sa kanilang mga tungkulin sa ilalim ng batas at ng internasyonal na pamantayan sa karapatang pantao.

Bakit ba mahalaga ang ganitong talakayan?

Higit pa sa usapin ng batas, ang pwersahang pagkawala ay banta sa mismong demokratikong espasyo ng bansa. Kapag ang mga sumisigaw laban sa mali ay pinipilit na burahin at patahimikin nang walang paliwanag, nawawala rin ang tinig ng mamamayan at lumiliit ang espasyo para sa kalayaan at katarungan.

Ang pwersahang pagkawala ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao—isang karumal-dumal na krimen na sumisira hindi lamang sa buhay ng biktima kundi pati sa kanilang mga pamilya at komunidad. Sa pagtalakay ng mga batas, mekanismo, at seguridad para sa mga biktima, ipinapakita ng sesyon ang kagyat na pangangailangan para sa isang sistematikong tugon ng pamahalaan at lipunan. 

Ito ang alingawngaw ng katahimikan: ang ipaglaban ang ating karapatan at hanapin ang iba pang nilamon ng dilim. 

1 Votes: 0 Upvotes, 1 Downvotes (-1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...