Katotohanang kupas sa likod ng lasong rosas

#CartoonOnPoint by Summer

Tuwing buwan ng Oktubre nababalot sa kulay rosas ang bansa mula sa mga tanggapan ng gobyerno, paaralan, at korporasyon, hanggang sa mga post sa social media. Ang lasong rosas ang kadalasang nagsisilbing sagisag ng pagkakaisa laban sa kanser sa suso o pagpapalaganap ng Breast Cancer Awareness sa masa. Subalit sa likod ng makulay na kampanya ay nananatiling kupas ang katotohanan—hindi nagiging sapat ang simbolo upang baguhin ang kalagayan ng mga kababaihang Pilipina na araw-araw nakikipaglaban sa sakit na ito. Ang lasong rosas ay nagiging palamuti na siyang isang paalala ng malasakit na madalas hindi nakikita sa gawa.

Batay sa datos ng Philippine Cancer Society, tinatayang 65% ng kaso ng kanser sa suso sa Pilipinas ay natutuklasan na sa huling yugto dahil sa kakulangan ng maagang pagsusuri at akses sa serbisyong medikal. Ang bilang ng mga bagong kaso ay humigit sa 27,000 bawat taon, habang mahigit 9,900 Pilipina ang namamatay taun-taon dahil sa sakit na ito. Sa kabila ng malawak na kampanya ng kamalayan, nananatiling napakababa ng screening rate na halos 1% lamang ng kababaihan ang regular na sumasailalim sa breast at cervical cancer screening. Ang ganitong datos ay hindi lamang istatistika bagkus ay malinaw na patunay sa manipestasyon ng isang sistematikong pagkukulang.

Sa kabila ng mga kampanya at programang naglalayong itaas ang kamalayan, nananatiling mababa ang antas ng impormasyon at pag-unawa ng mga kababaihan hinggil sa kanser sa suso. Marami pa ring kababaihan lalo na sa mga kanayunan, ang walang sapat na kaalaman kung paano at kailan dapat magpasuri o kung gaano kahalaga ang maagang pagtuklas. Bunga ito ng kakulangan sa malawakang information dissemination dahil limitado lamang sa urbanong lugar ang mga seminar, health caravan, at materyales sa lokal na wika. Dahil dito, nagiging teknikal at malabo ang mga mensaheng pangkalusugan para sa mga karaniwang mamamayan. Sa isang lipunang kulang sa edukasyon sa kalusugan, nagiging pribilehiyo ang impormasyon na siyang isang katotohanang naglalagay sa panganib sa mga kababaihang walang pagkakataong maintindihan ang sarili nilang katawan.

Habang nakikita sa mga lungsod ang mga seremonya at aktibidad para sa Breast Cancer Awareness Month, nananatiling walang kagamitan o programang pang-screening sa maraming rural health units sa mga probinsya. Ang mga mammogram machine ay madalas nakasentro lamang sa mga pribadong ospital sa kalunsuran at malayo sa abot ng mga kababaihang nasa laylayan. Ito ay isang espesyal na uri ng X-ray machine na ginagamit para suriin ang suso upang makita kung may mga bukol, pagbabago sa tissue, o senyales ng kanser sa suso kahit bago pa ito maramdaman o makita sa pisikal na pagsusuri. Sa maraming pagkakataon, ang mga pasyente ay napipilitang maghintay ng buwan bago makakuha ng diagnostic test o napipilitang isuko ang gamutan dahil sa kakulangan ng pera. Ang mga lasong rosas na nakikita sa telebisyon ay naglilihim ng isang lipunang patuloy na nabibingi at bulag sa hinaing ng mga kababaihan sa kanayunan.

Nakikita rin na matinding hadlang ang stigma at konserbatibong kultura ng mga Pilipino pagdating sa usaping may kinalaman sa dibdib at kalusugan ng kababaihan. Maraming babae ang nahihiyang magpatingin o magpa-mammogram dahil sa takot na husgahan o dahil sa paniniwalang “bastos” pag-usapan ang bahagi ng katawan na itinuturing na pribado. Ang ganitong pananaw ay lalong pinatibay ng mga tradisyunal na kaisipang nagtatali sa kababaihan sa katahimikan at pagkapahiya imbes na sa kalusugan at pag-aalaga sa sarili. Dahil dito, maraming kaso ng kanser sa suso ang natutuklasan lamang sa huling yugto kung kailan huli na ang lahat. Ang kultura ng pag-iling at pananahimik ay nagiging tahimik na salarin sa pagkawala ng maraming buhay na maaaring nailigtas kung may tapang at kaalaman lamang ang bawat Pilipina.

Noong 2025, inilunsad ng PhilHealth ang programang Yaman ng Kalusugan (YAKAP) upang magbigay ng libreng mammogram, ultrasound, at screening bilang bahagi ng outpatient benefits. Layunin nitong palawakin ang saklaw ng maagang pagtuklas ng kanser sa suso, lalo na sa mga kababaihang nasa malalayong probinsya na madalas walang akses sa ganitong serbisyo. Bagaman isang hakbang tungo sa tamang direksyon, hindi nito natutugunan ang ugat ng problema sa kawalan ng sapat na pasilidad, kakulangan ng mga espesyalista, at kakulangan ng impormasyon sa mga komunidad.

Ang mga programang isinasagawa ay madalas na pansamantala at nakatuon lamang tuwing panahon ng kampanya sa halip na maging tuloy-tuloy at sistematikong bahagi ng serbisyong pangkalusugan. Ang isang pansamantalang solusyon katulad nito ay nagresulta sa patuloy na paglaki ng agwat sa pagitan ng mga may kakayahang magpagamot at ng mga walang akses sa batayang serbisyo. Isang pribilehiyo ang kalusugan imbes na karapatan at ang maagang pagtuklas ng kanser sa suso na maaaring magligtas ng buhay ay nauuwi sa pagiging pangarap lamang para sa karamihan.

Ang lasong rosas ay dapat maging higit pa sa simbolo ng kamalayan. Dapat itong maging paalala ng pananagutan ng pamahalaan sa pagbibigay ng libreng at abot-kayang serbisyo, ng mga institusyong pangkalusugan sa pagpapatupad ng mga programang hindi limitado sa buwan ng Oktubre, at ng lipunan sa pagwawakas ng stigma na pumipigil sa kababaihan na magpatingin nang maaga. Hindi dapat mapako sa kulay ang laban at dapat itong magbunga ng kongkretong pagbabago sa polisiya, alokasyon ng pondo, at kultura ng malasakit.

Ang tunay na laban sa kanser sa suso ay hindi nasusukat sa dami ng lasong rosas na isinusuot, kundi sa dami ng kababaihang nabibigyan ng pagkakataong mabuhay. Habang nananatiling kupas ang katotohanan sa likod ng simbolo, mananatiling salungat at walang kwenta ang ating selebrasyon ng kamalayan. Ang kulay ng pag-asa ay dapat maging kulay ng pagkilos at hindi ng pagkukunwari. Ang bawat lasong rosas ay dapat magsilbing paalala na hindi lamang ito ang tanda ng pakikiisa kundi panawagan ng pananagutan sa pagkamit ng serbisyong makamasa.

7 Votes: 7 Upvotes, 0 Downvotes (7 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...