
Matapos ang isang makapigil-hiningang tunggalian, buong tapang na ipinaglaban ni Alex Eala ang bawat bola sa court, ngunit kinapos siya na maibulsa ang semis ticket laban kay Camila Osorio ng Colombia, 6–4,6–4, sa WTA 125 Philippine Women’s Open, sa Rizal Memorial Tennis Center, Enero 29.
Ang kabiguan ang nagwakas sa paglalakbay ni Eala sa WTA 125 Philippine Women’s Open, ang kauna-unahang pagkakataon na lumahok siya sa isang professional tournament sa sariling bansa.
Tinalo ni Eala si Alina Charaeva, sa round of 32 bago tinalo rin si Himeno Sakatsume ng Japan, 6–4, 6–0, sa round of 16 upang makapasok sa quarterfinals ng WTA 125 Philippine Open.
Naging dikit ang simula ng laban kontra sa dating world No. 33, kung saan kapwa nagpakita ng solidong depensa ang dalawang manlalaro sa unang set.
Nakaagaw ng maagang bentahe si Eala sa iskor na 3-2, ngunit mabilis na bumawi si Osorio at kinuha ang sunod-sunod na laro upang maagaw ang momentum.
Nakasingit pa si Eala ng isang puntos bago tuluyang isinara ni Osorio ang unang set.
Sa ikalawang yugto, muling umarangkada si Eala at muling nakauna, subalit muling nagpakita ng composure si Osorio upang baligtarin ang takbo ng set.
Naibaba ni Eala sa tabla ang iskor, ngunit nanaig ang karanasan ng Colombian sa huling bahagi ng laban upang tapusin ang match sa dalawang set.
Matatandaang kauna-unahang nakatungtong sa WTA Title at nakamit ang kaniyang unang korona na tumatak sa kasaysayan ng Pilipinas. Siya rin ang kauna-unahang Pinay atletang nakakuha ng singles crown sa WTA 125 Level.
Dagdag pa, nakamit ni Eala sa nagdaang Southeast Asian Games ang gintong medalya para sa Piliponas.
Susunod na sasabak si Eala sa WTA 500 Mubadala Abu Dhabi Open mula Enero 31 hanggang Pebrero 6.