
Aaron Inciong
Sa lugar kung saan ang tubig ang buhay, isang ulat lang ang kayang gawing alat ang lahat.
Ayon sa sabi-sabi ng matatanda sa baybayin ng Taal, “Ang lawa, kapag nagngalit, hindi lang tubig ang nilulunod.” Ngayong muli na namang binulabog ang tahimik na bayang ito ng balitang ‘di umano’y dito ibinaon ang ilang nawawalang sabungero, tila hindi tubig ang kanilang kinasangkutan, kundi alingasngas na hindi humuhupa.
Isang whistleblower ang lumantad. Ani niya, nilunod, nilagyan ng buhangin, at inilibing sa ilalim ng lawa ng Taal ang mga katawan ng 34 na sabungero.
Matagal na raw itong nangyari—mga taong 2021 pa—kasabay ng panahong naging kontrobersyal ang e-sabong, isang industriyang lumago nang mabilis pero mantsado ng ilegal na transaksyon, pagkakautang, at umano’y koneksyon sa mga tiwaling opisyal.
Ngayong taon lamang naibulaslas ang sinasabing lokasyon ng mga bangkay. At gaya ng madalas mangyari sa mga kuwentong-bayan, hindi pa man tapos ang imbestigasyon, tila may hatol na agad ang publiko.
Ang resulta? Hindi hustisya ang unang sumambulat—kundi ang takot at agam-agam.
Sa loob ng ilang linggo, humina ang benta ng isda. Ang tawilis, na minsang ipinagmamalaki bilang tanging freshwater sardine ng bansa, ngayo’y parang may mantsa na sa mata ng mga mamimili.
Dati, ubos bago sumapit ang tanghali. Ngayon, ultimo diskuwento, iniiwasan.
Hindi ang lansa ng tawilis ang pinangingilagan, kundi ang mabahong pulitikang hindi agad nililinaw ang disimpormasyon.
Nabawasan ang turista sa mga karatig-bayan. Sa halip na silipin ang bulkang may tanawing mala-paraiso, ang nais makita ng ilan ay kung may katotohanan nga ba ang kuwento ng bangkay sa ilalim ng lawa.
Habang hindi pa lumulutang ang katotohanan, ang unang nilamon ng alimpuyo ay ang kabuhayan ng mga walang kinalaman sa alegasyon.
Sa kultura nating “tsismis-turned-fact,” sapat na minsan ang isang viral na headline upang durugin ang reputasyon ng isang lugar o kahit pa tao, kundi pati ang kabuhayan, gawi ng kaisipan, at tiwala ng publiko.
Dahil sa sobrang bilis ng impormasyon, unti-unti nang nabubura ang linya sa pagitan ng aktwal na balita at bersyon, ng ebidensya at emosyon. Kapag inuna ang alingawngaw kaysa sa pagsasaliksik, ang nagiging biktima ay hindi lang ang pinaghihinalaan—kundi ang buong komunidad.
Minsan, isang mapanlinlang na ulat lang ang kailangan upang lumikaw ang mamimili, lumayo ang turista, at malimutan ng lipunan ang kabutihang taglay ng isang lugar.
Sa ganitong gawi, ang midya ay hindi lang tagapaghatid ng impormasyon, ito rin ay nagiging tagahubog ng hatol. At kapag nilisan ang pananagutan sa katotohanan, ang alingawngaw ay nagiging hukom, at ang mamamayan ang siyang nalulunod.
At sa kasong ito, hindi kontaminado ang tubig ng lawa, kundi ang impormasyong walang linaw.
Habang laganap ang pagsampalataya sa usapin ng maling balita—ito ay nagiging krisis ng tiwala. At habang tumatagal ang pananahimik at pagbibigay ng hilaw na impormasyon, mas lumalalim ang epekto nito sa isang bayang hangad lamang ay mabuhay nang marangal.
Ang masaklap, habang ang gobyerno’t kapulisan ay naglalabas ng investigative statements sa pagitan ng katahimikan at pag-aalinlangan, ang mga mangingisda ang una at direktang naaapektuhan.
Ang tanong: sino ang mananagot sa pagbawi ng tiwala?
Sa usaping ito, walang iisang salarin—dahil ang problema ay sistematiko.
May pananagutan ang mga nasa kinauukulan na sa halip na linawin ang isyu, mas piniling manahimik o maglabas ng hindi buo o klarong pahayag. Kulang sa pagtugon nang may kalinawan at aksyon.
Sa kabilang dako, ang mga social media influencers na ginagamit ang isyu bilang panabik o pakulo, na sa halip na suriin ito nang masinop—sa paghabol sa views at engagement, nawalan ng espasyo ang katotohanan.
Nagunit hindi rin ligtas ang publiko. Sa bawat share nang walang pagberipika, sa bawat comment na nagkakalat ng haka-haka, sa bawat panonood na pinapalaki ang ingay kaysa katotohanan—lahat tayo ay nagiging bahagi ng problemang ito.
Kaya’t ang pagbawi ng tiwala ay hindi lamang dapat iasa sa mga nasa kapangyarihan. Kailangang managot ang dapat managot, ngunit kaakibat nito, kailangang umusbong ang isang mas responsableng kultura ng impormasyon.
Isa kung saan ang tanong ay hindi lang “sino ang dapat sisihin,” kundi “paano tayo makatutulong sa paglilinaw nito?”
Sa panahon ng katotohanang naudlot, ang epekto ay hindi lang emosyonal. Ito ay ekonomikal. Ang pagkaantala ng katotohanan ay pagkakait sa kabuhayan.
Hindi ito usapin ng pagbalewala sa hustisya. Hindi rin ito pagtatakip sa posibilidad ng karumal-dumal na krimen.
Ito ay panawagan sa balanse—na habang hinahanap natin ang mga bangkay ng mga sabungerong ito, huwag naman sana nating ibaon sa hukay ang buhay ng mga taong sa lawa umaasa.
Sa gitna ng alon at alingasngas, sana’y matutong manaliksik, makinig, at kumilos nang may ingat ang lipunan.
At higit pa roon, panawagan ito sa mga lokal na pamahalaan, law enforcement, at media organizations na huwag hayaang maging kasangkapan ang katahimikan, o ang sensasyonalismo, sa patuloy na pagkalunod ng bayan.
Dahil ang bangka ng kabuhayan, kapag tuluyang tumaob, mahirap nang itayo—lalo na’t ang dahilan ay alingawngaw na naging batas ng bayan.