
nina Angeline Ashlee Marquez, Ma. Theresa Malanyaon at Stela Marie Eve Militante
Sa bawat bulwagan ng kapangyarihan, hindi palaging makatwiran ang pinapakinggan, kundi ang panig na may pinakamaraming bilang.
Nagiging madali para sa mayorya ang kontrolin ang direksiyon ng usapan, patahimikin ang sinumang tututol, at gawing pormalidad na lamang ang demokratikong proseso. Ngunit kung paulit-ulit na isinasantabi ang tinig ng minorya, kung hindi na binibigyang puwang ang mga nagtatanong, dapat bang palagi na lang silang sumasang-ayon?
Ang pagtindig ng minorya
Kahapon, ika-25 ng Mayo, ay naging sentro ng usapin ang pag-walkout ng Senate Minority bloc bilang protesta sa pagmamadali ng mayorya na amyendahan ang mga patakaran sa Senado, partikular sa usapin ng pagpapatupad ng online voting.
Sa gitna ng sesyon, sunod-sunod na lumabas sina Sen. Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Bam Aquino, Panfilo Lacson, at ang iba pang senador mula sa minorya, matapos kuwestiyunin ang naging daloy ng deliberasyon at ang anila ay halatang minamadaling pagpasa ng mga pagbabago sa mga patakaran sa Senado.
Nagsimula ang tensiyon nang ihain ng Majority bloc ang mungkahing gawing pormal ang online participation at electronic voting para sa mga senador na mayroong “justifiable reasons.”
Sa kasalukuyan, pinapayagan lamang ang remote participation sa tuwing may force majeure o national emergencies sa ilalim ng Rule XIV Section 41 ng Rules of the Senate, dahilan para igiit ng minorya na kailangan ng masusing debate bago baguhin ang umiiral na patakaran.
Modernisasyon o may pinoprotektahan?
Nang isulong ang “virtual voting” sa Senado, ang pangunahing layunin nito ay magpasok ng isang bagong probisyon na tinatawag na Section 41-C.
Sa unang tingin, tila isa lamang itong simpleng hakbang tungo sa modernisasyon upang makasabay ang institusyon sa makabagong teknolohiya. Subalit may isang malaking tanong na pilit iniwasang sagutin ng mayorya sa loob ng plenaryo, at nanatiling nakabitin hanggang ngayon: para kanino nga ba talaga ang panukalang ito?
Bagama’t hindi direktang pinangalanan sa dokumento kung sino ang pangunahing makikinabang dito, hindi maiwasan ng publiko na ituro si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Malaki ang hinala ng marami na ang panukalang ito ay maaaring magsilbing ligtas na daan upang makalahok pa rin siya sa mahahalagang proseso ng Senado nang hindi nalalagay sa panganib na maaresto. Ang kaniyang tila paglubog at paglitaw rito at sa publiko kasama na ang nakaambang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) ang lalo pang nagbibigay ng bigat sa usapin.
Dahil dito, makikita na higit pa sa simpleng reporma ang “remote participation.” Matatandaang muli na namang nagtago si dela Rosa matapos umano’y palihim na umalis sa Senado nitong madaling araw ng Mayo 14 upang umiwas sa posibleng pagkakakulong. Ang konsepto ng “justifiable reason” sa panukala ay mistulang naging euphemism para sa isang mabigat at masakit na katotohanan: ang posibilidad na baluktutin at gamitin ang batas bilang panangga laban sa pananagutan.
Bukod sa isyu ni dela Rosa, may mas malalim at mas masalimuot pang implikasyon ang panukalang ito sa kabuuang takbo ng pamahalaan. Naghahanda na rin ang Senado para sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte na nakatakdang umusad sa Hulyo 6, dahilan upang lalong maging mas sensitibo ang talakayan hinggil sa mga patakaran ng partisipasyon at pagboto.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, anumang patakaran na sasaklaw sa impeachment trial ay hindi maaaring pagpasyahan lamang nang basta-basta sa isang regular na plenary session. Aniya, kapag nakaupo na ang Senado bilang Impeachment Court, hiwalay at natatanging proseso na ang umiiral sa ilalim ng Konstitusyon. Ibig sabihin, kahit pa maaprubahan ang virtual voting, hindi ito awtomatikong magagamit o mailalapat sa darating na impeachment proceedings. Malinaw na magkaiba ang larangan ng ordinaryong lehislasyon at ng paglilitis, kaya magkaiba rin ang mga tuntuning iiral.
Bilang pagsuporta rito, binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros na malinaw at sapat ang kasalukuyang Rules of the Senate. Ang paninindigang ito ay hindi lamang isang pag-iinarte ng minorya o pagpapabagal sa proseso, kundi pagtatanggol sa umiiral na mga panuntunang matagal nang napagkasunduan.
Sa kabilang banda, nais ng bagong panukala na palawakin ang saklaw ng exceptions sa pamamagitan ng paggamit ng katagang “justifiable reason.” Subalit para sa marami, ang terminong ito ay masyadong malawak, malabo, at madaling maabuso.
Sa halip na magsilbing makabagong reporma, maaari itong gawing pintuan ng mga opisyal na nais lamang takasan ang kanilang mga pananagutan habang pinapanatili ang kanilang kapangyarihan.
Sa pananaw ng legal na pagsusuri
Hindi lamang ang mga mambabatas sa Minority bloc ang nagpahayag ng pangamba hinggil sa panukalang agarang pilit ipinapasa.
Ayon kay dating FEU Law Dean Mel Sta. Maria, ang naturang panukala ay maituturing na “brazenly unconstitutional” at isang anyo ng “political accommodation” na sumasalungat sa transparency, pananagutan, at integridad ng institusyon.
Saad niya, ang impeachment proceedings ay nangangailangan ng ganap na pampublikong pagsusuri, kaya naman ay mahalaga ang pisikal na presensya ng mga senador hindi lamang sa pagboto kundi sa aktibong pagdinig ng mga ebidensya bago magpasya.
Ang isang senador na naglalagak ng kaniyang boto mula sa isang hindi kilalang lokasyon habang nagtatago mula sa internasyonal na awtoridad ng batas ay nagbibigay ng botong walang katumbas na pananagutan. Ito ay isang seryosong paglapastangan sa tiwala ng bayan.
Binibigyang diin din sa Article VI, Section 16(2) ng 1987 Konstitusyon, kung saan ang quorum at presensya ng mga mambabatas ay malinaw na nakabatay sa tunay na pagdalo sa sesyon. Sa kawalan ng konstitusyunal na batayan para sa remote participation, anumang marahas na pagbabago sa panuntunan na nagbibigay-daan dito ay maaaring ituring na paglabas sa hangganan ng kapangyarihan ng Senado na amyendahan ang sarili nitong mga patakaran.
Pinapatibay pa ito ng mga precedent sa Senado, kabilang ang posisyon ni dating Senate President Koko Pimentel na ang pisikal na presensya ang pangunahing kondisyon at kinakailangan para sa isang mambabatas upang makaboto, ukol sa sitwasyon ni dating Senador Leila de Lima na nakakulong noon.
Tahasang sinabi ni Pimentel na kung ang isang senador ay nasa loob ng rehas at hindi pisikal na naroroon sa plenaryo, hindi siya pahihintulutang bumoto. Ang prinsipyong iyon — na ang pisikal na presensya ay hindi matatawarang kondisyon ng paglahok — ay hindi kailanman pormal na binago ng Konstitusyon o maging ng Korte Suprema.
Kung susuriin ang naging tindig ng Minority bloc, makikitang ang kanilang posisyon ay nakaangkla sa dalawang magkaibang antas.
Ang una ay ang argumento ng proseso, kung saan isinasaad na ang mismong Rules Committee na siyang dapat sumuri sa ganitong mga panukala ay hindi pa pormal na nabubuo, na ang tamang landas at legal na proseso ay hindi sinunod, at ang mga miyembro ng minorya ay sadyang pinigilan at binusalan pa bago man lang makapagpahayag nang buo ng kanilang saloobin.
Ang ikalawa naman ay ang argumento ng prinsipyo. Ipinaglalaban nila na kahit pa ipagpalagay na sinunod ang tamang proseso, ang panukala mismo ay mapanganib dahil tinatanggal nito ang isang mahalagang pananggalang o safeguard ng institusyon, ang pisikal na presensya bilang pinakamataas na anyo ng pananagutan sa publiko.
Binalangkas ng Minority bloc ang mapanghamong realidad na ito sa kanilang opisyal na pahayag: “With due respect, the answer that no Senate rule had been violated does not settle the matter, because the rules cannot be treated as a matter of convenience when the very process for amending them is under serious question.”
Ang nakabibinging kawalan ng sagot na iyon sa harap ng buong bansa ang naging huling patak na nag-udyok sa minorya na hindi na makibahagi sa isang huwad na proseso — na sila ay tumayo, lisanin ang bulwagan, at lumabas ng plenaryo bilang pagpapakita ng kanilang matinding pagtutol.
Sa bagong kamay ng Senado
Hindi mahihiwalay ang kasalukuyang alitan sa Senado sa mas malawak na pagbabago sa liderato at balanse ng kapangyarihan sa loob ng institusyon. Ang usapin sa “virtual voting” ay naging bahagi na ng mas malalim na tunggalian kung sino ang tunay na may kontrol sa Senado at para kanino ginagamit ang kapangyarihan na ito.
Muling umigting ang tensyon matapos mailuklok ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President sa pamamagitan ng 13 na boto mula sa mga senador na karamihan ay kaalyado ng pamilyang Duterte. Hindi rin maikakaila na malalim ang kaniyang ugnayang pampolitika sa mga Duterte matapos siyang maging running mate ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Kasabay nito, naging kontrobersyal din ang papel ni Sen. dela Rosa, na muling nagpakita sa Senado matapos ang matagal na pagkawala kaugnay ng nakaambang ICC arrest warrant upang ihulog ang mapagpasyang boto para kay Cayetano.
Hindi rin nagtagal matapos ang pagbabago sa liderato ay isinagawa ang pagpapalit ng mga namumuno sa iba’t ibang komite sa Senado — isang karaniwang paraan upang higit na mapalawak at mapagtibay ang impluwensiya ng bagong pamunuan. Itinalaga si Sen. dela Rosa bilang pinuno ng Committee on Public Order, habang napunta rin sa mga kaalyado ng administrasyon ang iba pang mahahalagang komite. Kasabay nito, nabawasan naman ang impluwensiya ng ilang kritikal na senador at oposisyon sa mahahalagang posisyon.
Dagdag pa rito, tila patuloy pa ring inaalisan ng karapatan ang minorya na kumuwestiyon, batay sa kanilang lumiliit na puwang sa Senado. Dahil dito, mas nag-igting ang pangangailangang maipakita ng minorya na hindi maaaring basta na lamang silang isantabi sa proseso ng deliberasyon at pagdedesisyon.
Naging malinaw ito sa naging walkout ng Minority bloc, kung saan ipinakita na kahit dehado sila sa bilang, nananatiling mahalaga at makapangyarihan ang kanilang presensya sa proseso.
Sa Senado na may 24 na miyembro, hindi aktibong dumadalo si Sen. dela Rosa, at nang lumabas pa ang 11 na senador mula sa minorya, bumaba sa 12 ang natitirang bilang sa plenaryo — kulang upang maabot ang kinakailangang quorum para maipagpatuloy ang sesyon.
Sa puntong iyon, napatunayan na hindi maaaring basta na lamang isantabi ang minorya, sapagkat bahagi sila ng mismong mekanismong nagpapanatili ng balanse at lehitimasyon sa loob ng Senado.
Mula sa Senado hanggang sa taumbayan
Ang tindig ng minorya ay tindig ng taumbayan.
Sa mas malawak na lipunan, naging simbolo ang walkout ng isang kolektibong pagtutol. Mula sa mga kabataang sumasali ng protesta, mga aktibista sa lansangan, at sa Minority bloc sa Senado, lahat ay tumatangging manatali na lang sa espasyong hindi sila pinakikinggan.
Ang kanilang pag-walkout ay hindi kawalan ng respeto, kundi lumabas sila dahil sawang-sawa na silang masaksihan kung paano ginagamit ang kapangyarihan para patahimikin ang pagtutol. Matagal nang ginagamit ng mayorya ang kanilang numero hindi para makipagtalakayan, kundi para mamwersa.
Unti-unting naging ritwal na lamang ang mga sesyon: walang tunay na debate, walang pagpapahalaga sa pagtutol, at walang paggalang sa proseso. Lahat handang baluktutin para lamang pumabor sa kanila.
Subalit may hangganan din ang pagtitimpi. Ang pag-walkout ay hindi pagtakas. Isa itong pagtindig para sa prinsipyo sa gitna ng sistemang pilit itong nilulunod.