Kung sakaling dumating ang araw na mapatawad mo ang sarili mo

Gweneth Pablo & Grace-Ann Pitogo

Para sa iyo, munting mambabasa,

Itinakda na ng panahon ang pagkakataong mabasa mo ito. Sa bawat panalangin at hangarin, kasama ka. Kung kaya’t iniaalay ko ang munting liham na ito.

Ano kaya ang natatangi sa’yo? Dahil ba kahit paulit-ulit kang baluktutin ng mundo, pinili mong huwag tuluyang mabali? O dahil ang mga sugat sa loob at labas ng iyong pagkatao ay nananatiling mahapdi, ngunit pinili mo pa ring humakbang kahit masakit? O marahil, dahil sa lahat ng nawala sa’yo, natutuhan mong hindi lahat ng pagkawala ay dapat ipagluksa. May mga bagay na kailangang umalis upang mabigyan mo naman ng pagkakataon ang sarili mong manatili.

Hindi naman palaging nagsisimula ang pagkawala sa malalaking trahedya. Minsan, dumarating ito nang halos hindi mo namamalayan, sa mga pangyayaring napakaliit na tila hindi na dapat pagtuunan ng pansin.

Naaalala mo ba noong higit pa sa nararapat na bilang ng pamasahe ang halagang ibinayad mo sa dyip, ngunit hindi naibalik ng drayber ang sukli mo sa kahabaan ng mga pasahero? O noong matiyaga kang pumila, saka may isang taong basta na lamang sumingit sa harap mo? Napangiti ka na lang, napabuntong-hininga, at sa isip mo’y, okay lang. Maliit na bagay lamang iyon. Wala namang mawawala.

Ngunit mayroon pala.

Hindi man sukli ang pinakamahalagang nawala, o ilang minutong nasayang sa pila. Ang unti-unting nawala ay ang bahagi ng sarili mong marunong magsabi ng, sandali, hindi ito tama. Unti-unti mong isinuko ang kamalayan sa sarili mong limitasyon, sa mga karapatang nararapat igalang, at sa mga hangganang dapat na ipinagtatanggol.

Hanggang sa dumating ang panahong sa bawat pagkakataong pinili mong manahimik upang maiwasan ang gulo, may maliit na bahagi ng iyong pagkatao ang unti-unting natutong tanggapin ang hindi dapat tinatanggap. Nasanay kang lunukin ang sama ng loob, ikubli ang pagkadismaya, at kumbinsihin ang sariling wala namang masama.

At ang pinakamapait na bahagi nito ay hindi mo na napansing hindi na lamang sitwasyon ang pinapalampas mo. Pati ang sarili mo, unti-unti mo na ring pinapalampas.

Hanggang sa ang “okay lang” ay hindi na naging tanda ng pag-unawa. Naging wika na ito ng isang pusong matagal nang napagod, ngunit natutong manahimik dahil akala nito’y iyon ang mas madaling paraan upang magpatuloy.

Naalala mo ba noong nakita mo ang mga katagang “Thank You” sa portal ng iyong minimithing unibersidad? Kung paano mo pinigilan ang mga luhang nangingilid na sa iyong mga mata dahil alas sais na ng umaga at kailangan mo pang pumasok sa paaralan. Nilunok mo ang pighati na unti-unting kumakain sa iyong kaluluwa at tinakpan mo ito ng nakakabinging tawa na tila ayos lamang ang lahat. Sapagkat iyon naman lagi ang iyong nakasanayan—ang magpanggap. 

“Sayang,” bulong mo sa iyong sarili, ngunit hindi na ito nakalabas pa sa iyong labi. Ang nagsilbing pampalubag-loob na lamang ay ang katwirang baka hindi ka lang rin naman papayagang lumuwas sa siyudad at baka hindi talaga nakatakda sa iyo ang makuha ang unibersidad na iyon. 

Ngunit alam kong hindi ganoon kasimple ang lahat. 

Hindi lamang ang pamantasan ang iyong dinadalamhati. Dinadalamhati mo ang ilang taong inialay mo sa pangarap na balang araw ay iyong isasakatuparan sa institusyong sana’y tatawagin mong tahanan. Dinadalamhati mo ang ilang oras ng tulog na iyong nawala para lamang mag-aral, ang mga pangarap na paulit-ulit mong binulong sa mga panalangin, at ang bersyon ng dating ikaw na sana’y pinili na lamang ang kasiyahan kaysa isugal ang lahat sa pangarap na hindi rin pala mapapasa’yo. 

Akala mo ay ito na ang pinakamasakit na pagkawalang iyong naranasan. Ngunit hindi lang pala isang beses kang tuturuan ng buhay kung paano magpaalam. 

Naalala mo ba ang unti-unting pagtamlay ng mga pag-uusap na dati’y hindi nauubusan ng kulay? Alam kong una mong ipinagsawalang-bahala ang mga mensaheng binabasa na lamang nila sa inyong group chat. Inisip mo na baka may pinagkakaabalahan lamang ang lahat, kaya’t hindi mo na pinansin ang bihira ninyong pagsasama. Ilang ulit mo ring kinumbinsi ang iyong sarili na malalampasan ninyo ito—na babalik din ang dating sigla ng inyong samahan. 

Hanggang sa isang araw, mag-isa ka na lamang kumakain sa paborito ninyong karinderya sa tapat ng paaralan. Ang dating malaking mesang tila nakalaan lamang para sa inyo ay mayroon nang ibang taong nakapaligid dito. Pamilyar pa rin ang lugar, ngunit hindi na ito ang dating lugar na sabik kang puntahan tuwing tanghalian. 

Sinabi mo sa sarili mong normal lang iyon. Na lahat ng tao ay nagbabago. Na hindi lahat ng dumarating ay nakatakdang manatili. Paulit-ulit mong ibinulong ang mga katwirang iyon sa iyong sarili habang tahimik na pinupunasan ang mga luhang patuloy na bumabagsak. 

“Dalawang taon din ‘yon,” bulong mo. 

Ngunit hindi ka lamang nanghihinayang sa tagal ng inyong pinagsamahan. Nanghihinayang ka sa mga planong hindi na matutuloy, mga lakad na mananatili na lamang sa usapan, mga pangarap na pinangakong gagawin pagkatapos ng huling pagsusulit, at sa paniniwalang ang mga taong ito ang makakasama mo hanggang sa pagtanda. 

O kaya, noong isang araw, napansin mong hindi mo na maintindihan ang aralin sa agham, ang asignaturang dati-rati’y paborito mo. Paulit-ulit mong binasa ang parehong talata, ngunit tila wala ni isang salitang nananatili sa isip mo. Nakatingin ka lamang sa papel na naghihintay ng sagot, ngunit ikaw mismo ang walang maibigay.

Ganoon din ang kambas na matagal nang naghihintay ng kulay. Hawak mo ang pintura, ngunit hindi mo maipagpatuloy ang unang hagod. Bawat guhit ay may kasamang pag-aalinlangan. Ano ba ang ginagawa ko? Kailan ako nagsimulang hindi na sigurado? Hanggang sa hindi lamang ang obra ang nanatiling blangko. Pati ang pananaw mo sa sarili mong kakayahan.

At habang hinihintay mong bumalik ang dating sigla, naghihintay rin ang iyong mga pangarap. Naghihintay ang potensyal mong minsang naniwala kang kayang abutin ang kahit ano. Ngunit ang pinakamasakit ay hindi ang paghihintay, kundi ang unti-unti mong paniniwalang baka wala na ngang babalik.

Kailan mo kaya unang naisip na ang pangarap, kahit malayang buuin sa isipan, ay tila napakalayong marating? Kailan nagsimulang mapalitan ng pagdududa ang dating pananabik? Hindi dahil nawala ang iyong katalinuhan, kundi dahil unti-unti kang naniwalang wala na ito.

At doon nagsimula ang tunay na pagkawala.

Hindi lamang ang kumpiyansa ang nawala. Unti-unti ring nawala ang dahilan kung bakit ka bumabangon. Hindi na katulad ng dati ang mundo. Hindi na ito lumingon pabalik sa’yo sa paraang inaasahan mo. At ang bersyon ng sarili mong minsang puno ng pag-asa ay tila unti-unti ring naglaho.

“Sayang.”

Sayang ang mga pangarap na hindi mo naituloy. Sayang ang mga pagkakataong hinayaan mong lumipas dahil natakot kang hindi sapat. Sayang ang mga taong unang naniwala sa’yo, samantalang ikaw mismo ang unang tumigil na maniwala sa sarili.

Ngunit, munting mambabasa… Ano na kaya ang estado mo ngayon?

Marahil, dala mo pa rin ang mga sugat na iyon. Marahil, may mga gabing bumabalik pa rin ang tanong kung sapat ka ba. Ngunit nais kong isipin na sa pagkakataong ito, natutuhan mo nang yakapin ang sarili mong paglalakbay.

Binigyan ka ng kalayaang lumipad sa sarili mong kakayahan, ngunit matagal kang namuhay na parang nakakulong sa hawlang ikaw mismo ang unti-unting binuo mula sa takot, panghihinayang, at pagkukumpara.

Kung kaya’t huwag mong panghinayangan ang lahat ng iyong mga sayang. Hindi lahat ng nawala ay kabawasan. May mga bagay na kailangang kumawala upang magkaroon ng espasyo ang mga bagay na tunay na para sa iyo.

At higit sa lahat, huwag kang magalit sa dati mong sarili.

Siya ang taong gumawa ng lahat ng makakaya niya gamit lamang ang lakas na mayroon siya noon. Siya ang taong patuloy na lumaban kahit pakiramdam niya’y wala nang dahilan. Kung wala siya, wala ka rin sa kinalalagyan mo ngayon.

Kaya para sa iyo ito, munting mambabasa—ang ikaw na nasa hinaharap.

Patawarin mo na ang sarili mo.

Hayaan mong kumawala ang lahat ng dapat nang kumawala—ang takot, ang panghihinayang, ang mga pangarap na hindi na para sa iyo, at ang bersyon ng sarili mong matagal nang nagpapasan ng bigat na hindi naman niya kailangang dalhin.

Sapagkat ang tunay na kalayaan ay hindi nagsisimula sa paghawak nang mahigpit.

Nagsisimula ito sa pagbitaw. At sa wakas, sa pagpiling mabuhay muli.

Buong pusong naniniwalang gagagan din ang lahat, 

Ikaw sa hinaharap

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...