‘Lisod kaayo’: Mamamayan ng Glan, Sarangani, nananawagan para sa higit na atensyon, tulong

Photo courtesy of Daniela Anica/MindaNews

Limang araw matapos yumanig ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, patuloy na nananawagan ang mga residente ng Glan, Sarangani para sa mas malawak na pampublikong atensyon at agarang tulong habang nahaharap sila sa kakulangan ng pagkain, tubig, at pansamantalang matitirhan.

Ayon sa mga residenteng nakapanayam ng Provincial Youth Development Office–Sarangani Province, mabagal pa rin ang pagdating ng ayuda sa ilang komunidad, na anila’y dulot ng kakulangan ng atensyon sa kanilang sitwasyon sa iba’t ibang plataporma.

Isa sa kanila ay si alyas Marie, residente ng Brgy. Taluya, na nagsabing desperado na silang makatanggap ng agarang tulong at nanawagan na rin sa mga vlogger upang mas maabot ang kanilang lugar. 

“Ang hirap talaga, Ma’am, sabi sa amin may tulong diyan pero sana po mas maaga po dumating kung meron. Mga vlogger, kung sino pa ang nandiyan, tulungan n’yo kami at maraming salamat sa tulong n’yo,” ani Marie sa Cebuano.

Ayon kay Marie, anumang uri ng donasyon ay malaking tulong na upang maitawid ang kanilang pamilya sa pang-araw-araw. 

Ganito rin ang panawagan ni alyas Marine, residente ng Brgy. Glan Padidu na kasalukuyang naninirahan sa simbahan matapos mawasak ang kanilang bahay sa lindol. 

“Pansamantala kami naninirahan sa simbahan, kasama ang aking uncle dahil sira rin ang kanila bahay… At natagalan yung ayuda, marahil dahil na rin madami ang nangangailangan, pero masaya kami dahil nabigyan kami ng tubig sa kahit hindi nami kakilala, sa may kalsada,” dagdag ni Marine sa Cebuano.

Kakulangan sa tubig, pagkain

Tubig at pagkain ang pangunahing pangangailangan ngayon ng mga residente sa iba’t ibang barangay sa Glan, lalo na ng mga bata at nakatatanda.

Sa Brgy. Gumasa, sinabi ni Arniel, isang residente, na hindi na mailalarawan ang hirap na dinaranas ng kanilang komunidad matapos ang lindol. 

“Sa karon, ang Brgy. Gumasa, most especially sa Purok Saranga Village ug Kuda, dili gyud [maisip] ang ang kahimtang karon. Ang current situation is wala gyud mi makaon, lisod among tubig. Pagkaon guyd labi na sa mga senior citizens mga bata,” sabi ni Arniel, residente ng nasabing barangay.

(Sa ngayon, ang Brgy. Gumasa, lalo na sa Purok Saranga village at Kuda, hindi talaga mailarawan ang sitwasyon dito dahil wala kaming makain, mahirap din ang pagkukunan ng tubig. Ngunit yung pagkain talaga lalo na sa mga senior citizens, mga bata.)

Kaparehong pangangailangan ang binigyang-diin ni Marie, na nagsabing nahihirapan silang makakuha ng pagkain at malinis na tubig sa Brgy. Taluya. Malaki rin umano ang pangangailangan para sa diaper at iba pang gamit ng mga bata.

“Ang kailangan jud namo diri, bugas [ug] tubig. Mao gyud nang importante kay naa miy gagmay batd. Need pa namon mga diaper unta [ug] unta kanang canned foods,” aniya.

Sa isang panayam naman kay Kagawad Bonilie Plarisan ng Glan Padidu, sinabi niya na higit pa sa tubig at pagkain, walang kuryente at signal sa kanilang lugar, sanhi ng pagkaantala ng pag-abot ng tulong sa kanila.

Pagkasira ng kabahayan

Ayon kay Plarisan, kasalukuyang nagsasagawa ng assessment ang kanilang barangay upang matukoy ang bilang ng mga bahay na tuluyang nawasak (totally damaged) at yaong nagtamo ng bahagyang pinsala (partially damaged). 

Aniya, mahalaga ang prosesonv ito nang matuloy kung sinu-sino ang dapat unahing mabigyan ng tulong. 

“Ngayon, binigyan kami ng gobyerno ng 500 food packs. So ‘yung ginawa namin, inuna namin ang totally damaged, ‘yung sira talaga yung mga bahay. Sa next release, yung mga partially damaged naman,” sabi niya.

Kabilang sina alyas Marie at Marine sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng lindol matapos masira ang kanilang mga tahanan. 

Ang tirahan ni Marie ay hindi kayang pasukan matapos itong tumabingi dulot ng paggalaw ng lupa. 

Si Marine naman ay kasalukuyang nakikibahay sa simbahan dahil nawasak din ang kanyang bahay.

Habang nagpapatuloy ang pagbangon ng kanilang komunidad, umaasa ang mga residente ng Glan na mas marami pang tulong ang makarating sa kanilang lugar upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pinal na bilang ng mga nasirang estruktura at kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng lindol sa bayan ng Glan.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...