Lunod sa maling gawi

Kenjie-Aya Oyong

Likas na sa Pilipinas ang pagiging habulin ng mga bagyong namumuo sa Dagat Pasipiko, ngunit hanggang ngayon parokyano pa rin ang bansa sa mga tapal-butas na aksyon. 

Isa lang sa mga patunay nito ay ang kakaiba at rebolusyonaryong mungkahi ni Bong Go na ibaling ang atensiyon ng pamahalaan sa pagpapatayo ng mga evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa halip na mga flood control projects na bogus naman daw. Puro na lang reaksyon ang ipinapananggalang sa bangis ng sakuna sa halip na mga hakbang upang mapahupa ang epekto nito. Hindi lang bagyo ang unos na magpapalubog sa ating lahat, pati na rin ang ganitong klaseng pag-iisip pagdating sa Disaster Risk Reduction and Management.

Napakahilig ng pamahalaan na bigyang-pansin ang evacuation centers nang hindi napagtatantong marami sa mga nasasalanta ay ayaw rin namang lumikas. Dapat maintindihan ng mga institusyong ito ang katotohanang hindi sila kampanteng iwan ang mga ari-arian nila. Mas pipiliin nilang isalba ang kanilang kabuhayan sa halip na ang mismo nilang mga buhay.

Sa tuwing nananalasa ang bagyo rito sa Pilipinas, umaabot sa bilyon ang pinsalang natatamo ng ating ekonomiya. Noong magkasunod na lumapag sa lupa ang bagyong Ulysses at Rolly noong 2024, nagtala ang parehong bagyo ng danyos na aabot sa ₱20 bilyon—sa loob lamang ng halos isang buwan.

Ang pinakabumubuno sa mga pagkawasak na ito: mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga magsasaka sa tuwing nilulunod ng baha ang kanilang mga pananim. Madaling sabihin na matigas ang ulo nang hindi tinutugunan ang delubyong tumatangay sa kanilang hanapbuhay. Hindi masosolusyunan ng isang magarbong evacuation center ang gastos na dala ng salat na kahandaan.

Pero kung iisipin, paano nga naman makagagawa ang mga mambabatas ng proyektong nakahanay sa tunay na karanasan ng bawat taong nabibiktima ng ganitong sakuna? Hindi naman tulad ng nararanasan ng ordinaryong Pilipino ang kinakaharap ng karamihan sa mga opisyal ng pamahalaan sa tuwing tumatama ang bagyo. Hindi naman umaabot ng buwan ang pagkalubog ng barangay nila sa baha ‘di tulad sa Biñan, Laguna. Komportable na sila sa mga mansyon nilang hindi pinapasok ng tubig. Hindi tatangayin ng hangin o lulunurin ng baha ang hanapbuhay. Walang kailangan linisin o ayusin paglipas ng delubyo.

Hindi sila apektado, kaya hilaw ang mga hinahaing aksyon at solusyon pagdating sa disaster preparation. Puro pataas lang ng mga kalsada hanggang sa maging basement ang mga unang palapag ng gusali, nang walang pagsusuri sa epekto nito sa kalikasan. Para sa siyentipiko ng UP Marine Institute na si Fernando Siringan, ang kasalatan sa Environmental Impact Assessment (EIA) ang nagpapasawalang-kuwenta sa mga naturang proyekto. Hindi lang sapat ang paghuhukay at paglalatag ng kongkretong riverwall sa paligid ng ilog. Dapat masuri rin ang implikasyon nito sa ating kalikasan.

Tama naman si Bong Go, hindi na dapat natin pinagkakagastusan ang flood control projects na kinukurakot lang. Pero hindi matalinong desisyon ang isawalang-bahala na nang tuluyan ang disaster preparedness and mitigation. Masyadong nakatuon ang sistema ng DRRM ng Pilipinas sa aspeto ng “habang” at “pagkatapos ng bagyo,” kung kailan mayroon nang nasira, nawasak, nasaktan, at nasawi. Kinakapos ang bansa sa mga proyektong nakatuon sa mga hakbang bago pa man manalasa ang isang sakuna. Panahon na upang lumikha ng mga pangmatagalang solusyon na nakabatay sa makaagham na pananaliksik gamit ang teknolohiyang mayroon tayo.

Isang halimbawa nito ay ang rekomendasyon UP Resilience Institute Director Mahar Lagmay na gamitin ang NOAH flood maps upang makabuo ng mga imprastraktura na makapagpapabawa sa epekto ng pagbaha. Inirerekomenda din niya ang pagkakaroon ng mga detention basin at diversion canal upang mapangasiwaan ang tubig-ulan. Marami na ring inobasyon sa wind engineering tulad ng tuned mass damper system sa mga gusali upang labanan ang epekto ng lindol o malakas na hanging dala ng bagyo. Maari ding ilapat ang prinsipyo ng geotechnical engineering tulad ng soil improvement at slope protection upang maiwasan ang landslide dala ng matinding pag-ulan.

Tama na ang kaisipang tayo ang kawawa dahil lagi tayong biktima. Gayahin natin ang lungsod ng Marikina na natuto sa hagupit ng Ondoy na nag-iwan ng ₱10 bilyong halaga ng pinsala sa ari-arian. Isinakatuparan nila ang 15-year plan. Kabilang doon ang taon-taon na ang paglilinis nila ng mga kanal at paghuhukay sa mga daluyan ng tubig at pagpapatayo ng mga riverwall sa Marikina River at iba pang mga sapa at ilog. Hindi sila kumikilos kapag nariyan na ang bagyo, matagal nila itong pinaghahandaan. Ang resulta, hindi binaha nang matindi ang Marikina noong nanalasa ang Bagyong Ulysses kahit pa mas mataas pa sa naitala noong Ondoy ang lebel ng tubig sa Marikina.

Posible ang ganitong mga hakbang. Maaari itong maisakatuparan. Ang problema lang ay kung handa ba ang mga mambabatas na paghirapan ang lahat ng ito gayong mas madali ang magpamigay ng mga relief goods sa mga evacuaton centers. Mas madaling mag-areal inspection sa mga binabahang lugar. Mas madali para sa kanilang magpabango ng pangalan kaysa ibaling ang tuon sa mga mamamayang nangangailangan. Mas simple para sa kanilang manatili sa maling nakasanayan kaysa maglatag ng mga bagong hakbang upang mapaunlad ang kahandaan natin sa mga sakuna. 

Ang palyadong sistema ng DRRM sa bansa ay hindi lang isang suliraning pang-inhinyeriya. Isa rin itong problema sa pamamahala na hindi na kayang ayusin pa ng kahit anong makaagham na inobasyon. Hangga’t hindi napagtatanto ng mga tulad ni Bong Go na hindi malulutas ng pamimigay ng relief goods ang paulit-ulit na suliraning dala ng mga sakuna, patuloy tayong malulunod sa bahang sila ang may gawa.

4 Votes: 4 Upvotes, 0 Downvotes (4 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...