
Sophia Gime
Sa pag-usbong ng modernisasyon at pagdami ng mga pakulo ng teknolohiya, tila nakakulong na sa apat na kuwadradong kaagapay ng mga Pilipino ang kanilang pamumuhay. Mula sa komunikasyon, edukasyon, libangan, hanggang sa pamimili, mabilis nang mahikayat ang kanilang mga mata sa mga makukulay na patalastas at nakaaakit na alok na matatagpuan online.
Isa sa mga pinakamalaking pagbabagong dulot nito ay ang mabilis na paglaganap ng e-commerce o online na kalakalan. Sa pamamagitan ng ilang pindot lamang sa telepono o kompyuter, nagiging madali para sa mga mamimili ang paghahanap at pagbili ng iba’t ibang produkto mula sa iba’t ibang panig ng bansa at maging ng mundo.
Sino ba naman kasi ang hindi matutuksong mag-scroll sa mga e-commerce apps tuwing sasapit and double-digit sales gaya ng 11.11 o 12.12, o ‘di kaya naman ay sa Payday sale? Dagdag pampaakit din na ilang tap lang ng daliri, may darating na parcel sa pintuan mo pagkalipas ng ilang araw.
Ngunit sa likod ng bilyong-bilyong pisong industriya ng online shopping, may isang mahalagang bahagi ng ating lipunan ang unti-unting naiiwan sa anino ng algoritmo — ang ating mga lokal na produkto.
Sa bawat pagpindot ng “Add to Cart” at “Checkout,” sino nga ba ang tunay nating tinutulungan?
Ang pag-usbong ng online shopping
Hindi maikakaila ang pagyabong ng digital market sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ng International Trade Administration (ITA, 2022), noong taong 2021 na kasagsagan ng pandemya, ang kita ng e-commerce sa bansa ay opisyal na umabot sa $17 bilyon na itinulak ng mahigit 73 milyong aktibong online users. Ang numerong ito ay tinatayang lumago pa ng 17% noong 2025.
Ayon sa pananaliksik na inilathala sa akademiko at pang-ekonomiyang plataporma na EconStor, ang e-commerce at digital platforms sa bansa ay nakaranas ng agresibong pag-unlad habang ang ekonomiya ay patuloy na lumilipat sa mad modernong sistema ng kalakalan. Katunayan, tinatayang 70% ng mga kabataang Pilipino (GenZ) ang umaasa na sa mga dambuhalang foreign online platforms, gaya ng Shopee at Lazada, dagdag na rin natin ang TikTok bilang kanilang pangunahing paraan sa pagtuklas at pagbili ng mga produkto (Mirasol, 2025).
Dahil na rin ito sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) para sa mga magagandang visuals at mga algoritmo na nagrerekomenda ng mga murang imported na produkto, na nagiging dahilan ng “compulsion” o tila ang obligasyong bumili nang bumili, mula sa simpleng kuryosidad lamang ng mga mamimili. Ang mas nakababahala para sa ating mga lokal na negosyante ay ang pagdagsa ng mga imported o cross-border na produkto sa mga online platforms.
Dahil sa bagsak presyong produkto mula sa ibang bansa na sinasabayan pa ng murang shipping, unti-unting naisasantabi ang ating mga lokal na Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
Ang kahalagahan ng MSMEs
Kapag sinusuportahan natin ang gawang-Pilipino, hindi lang tayo bumibili ng produkto, nagpapakain tayo ng isang pamilyang Pilipino at nagpapanatili ng trabaho sa bansa.
Ayon sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Research Academy, ang MSMEs ay itinuturing na “backbone” o sandigan ng ating pambansang ekonomiya. Patunay nito, ang mga MSME ay bumubuo sa 99.6% ng lahat ng rehistradong negosyo sa buong Pilipinas. Higit sa lahat, ito ay nagbibigay ng 67% ng kabuuang trabaho para sa manggagawang Pilipino.
Ang bawat piso na ginagastos mo sa isang lokal na negosyo ay umiikot sa loob ng ating komunidad. Ito ang nagpopondo sa panggastos, pangkain, at pag-aaral ng mga lokal na manggagawa katulad ng artisans, magsasaka, at tindero, pati na rin ng kanilang pamilya.
Hindi lahat ng kalabisan ay magsusulat ng kabutihan Sa likod ng makikinang na video ads at nakakaakit na discounts, ang labis na online shopping ay may mga nakatagong negatibong epekto sa ating personal na pamumuhay at sa kalikasan.
Una na rito ang impulse buying o ang kawalan ng kontrol sa pananalapi; dahil sa mga digital payment at e-wallets, nagkakaroon tayo ng tinatawag na phantom spending o ang hindi natin namamalayang pagkaubos ng ating pera.
Bukod pa sa epekto sa bulsa, ang bilyon-bilyong parcels na dumarating araw-araw ay nagdudulot ng matinding krisis sa basura. Batay sa ulat ng World Wide Fund for Nature (WWF) Philippines ukol sa krisis sa plastik, ang tone-toneladang single-use plastic bubble wraps, foam, at non-recyclable pouches mula sa mga overseas shipments ay direktang nagpaparumi sa ating mga landfill at anyong tubig dahil hindi ito natutunaw.
Higit sa lahat, ang labis na pagtangkilik sa mga murang imported na mga gamit ay unti-unting pumapatay sa kabuhayan ng ating mga lokal na industriya. Hindi lamang sila nahihirapan na tapatan ang bagsak-presyong kumpetisyon ng mga dambuhalang pabrika sa ibang bansa, kundi marami ang napipilitan na lamang magsara dahil sa kawalan ng suporta mula sa sariling mamamayan.
Bakit kailangan nating balikan at suportahan ang gawang Pilipino?
Kapag pinili nating suportahan ang produktong lokal, direkta nating ibinabalik ang pera sa ating sariling komunidad at tinutulungan ang ating mga kababayan na makasabay sa mabilis na pagbabago ng modernong merkado.
Una, nagtataguyod ito ng trabaho para sa kapuwa natin Pilipino. Kapag pinili nating bumili sa mga lokal na negosyo, ang ating ibinibayad ay direktang napupunta sa sahod ng mga lokal na manggagawa, tulad ng sapatero, magsasaka, mananahi, panadero, at iba pa. Ang perang ito ay nananatili sa loob ng ating pamayanan at tumutulong upang hindi mapilitang magbawas ng tauhan o magsara ang maliliit na kabuhayan. Sa ganitong paraan, nabibigyan natin ng seguridad ang pamilya ng bawat Pilipinong umaasa sa lokal na industriya.
Nagpapalakas din ito sa digitalization ng mga lokal na negosyo. Ang bawat online transaction natin sa mga lokal na tindahan ay nagsisilbing insentibo para sa kanila na mas yakapin ang makabagong teknolohiya tulad ng e-wallets at digital storefronts. Sa pamamagitan ng ating pagtangkilik, nakikita ng mga maliliit na negosyante na may malaking kita sa digital space, at magtutulak ito sa kanila na i-upgrade ang kanilang sistema, o hindi kaya ay matulungan natin sila na matuklasan din ng mga mamimili mula sa ibang sulok ng daigdig. Ang modernisasyong ito ay magbibigay-daan upang mas lumawak ang kanilang merkado at makasabay sila sa kumpetisyon laban sa mga higanteng dayuhang brand.
Higit sa lahat, ang mga gawang-Pilipino ay hindi lamang basta produkto, kundi salamin ng ating mayamang kasaysayan at tradisyon na maingat na hinubog ng kamay ng mga kababayan natin, noon at ngayon. Ang bawat lokal na produkto ay may natatanging tibay at disenyo na nagpapakita ng ating kultura.
Ang pagbili sa mga ito ay isang paraan ng pagpapahalaga at pagpapanatili sa sining ng ating lahi.
Mga halimbawa ng mga tindahang maaari nating tangkilikin
Upang masimulan ang pagbabago, hindi natin kailangang lumayo. Maraming mga pamilihan ang naghihintay saating pagbisita. Narito ang iilan sa mga ito:
Tesoros Philippine Handicrafts na isa sa mga pinakamatandang buhay ng sining at kulturang Pilipino (itinatag noong 1945). Isa pa ay ang The Manila Collectible Co. na nakatutok sa mga pre-colonial at katutubong kulturang Pilipinong mga gawa, katulad ng mga tradisyunal na habi mula sa mula sa tribo sa Mindanao.
Para naman sa mga kabataan, kilala ngayon ang Hub MAke Lab sa Escolta. Isang creative incubator space na nakatago sa isang makasaysayang gusali sa Escolta. Imbes na malalaking brand, mga independent local artisans, manunulat, at maliliit na negosyante ang nagtatayo rito ng mga pop-up booths.
Maari rin tayong tumangkilik ng Good Food Community at mga Weekend Farm-to-Table Markets. Isa itong magandang halimbawa ng pakikipagtulungan sa ating mga magsasaka. Sa pamamagitan nito ay malalagpasan ang mga mapagsamantalang middleman at buo ang kitang makukuha ng mga magsasaka.
Tangkilikin din sana natin ang mga hub o shops sa mga probinsya, katulad ng Narda’s Handwoven Arts and Crafts sa Tublay, Benguet. Sila ay nagbebenta ng mga handwoven bags, scarfs, at shawl na mismong mga katutubo naghabi sa itaas ng bundok ginamitan ng natural dyes mula sa mga halaman at puno. Naroon din ang Albay Specialty Crops and Crafts Hub, na pinapatakbo para sa mga agrarian reform beneficiaries, kung saan ilan sa mga binebenta nila ay ang mga banig at tsinelas na gawa sa Karagumoy at Abaca.
Ang hamon sa bawat Pilipino
Hindi masamang mag-online shopping; dala nito ang kaginhawaan at bilis ng hinihinigi ng modernong buhay.
Ngunit bilang isang mamimili at Pilipino, may hawak tayong kapangyarihan at pananagutang balansehin ang ating mga desisyon — bago i-click ang “Check Out” para sa mga dayuhang brand, maari nating silipin muna ang mga lokal na negosyong nagpupursigi sa Facebook, Instagram, o sa ibang pang social media platforms.
Higit sa lahat, tuwing ang ating mga paa ay pupunta sa iba’t ibang dako ng bansa, huwag sana nating kalimutang pasyalan ang mga maliliit at nakatagong tindahan sa bawat probinsya. Dahil ang bawat paghinto sa isang roadside stall ng mga magsasaka, sa mga talyer ng manghahabi, o sa pamilihan ng komunidad ay isang personal na pagkilala sa kultura at kasaysayan ng lupang ating tinatapakan.
Ang pagtangkilik sa sariling atin ay hindi lamang isang malamig na usapin ng ekonomiya, kundi isang buhay na patunay ng ating pagkakaisa at pagmamalaki sa galing, talino, at bawat patak ng pawis ng manggagawang Pilipino.
Ang tunay na pag-asenso at paglalakbay patungo sa kaunlaran ay hindi nasusukat sa kung gaano kabilis dumaragsa ang mga dayuhang parcel sa ating pintuan, kundi sa katotohanang sa ating pag-usad bilang isang lahi, walang sinumang manggagawang Pilipino ang naiiwan sa anino.