El Niño hanggang 2027? Hagupit ng paparating at malakas na tag-init

Photo courtesy of ActionSA

Habang patuloy na nagbabago ang panahon, isang hamon ang unti-unting nararamdaman na maaaring makaapekto sa tubig, pagkain, at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino sa mga susunod na buwan.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), Naitala na ang pagsisumula ng El Niño sa tropical Pacific, at may 80 porsiyentong posibilidad na magpatuloy ito hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Karaniwang iniuugnay ang El Niño sa dry spell o mas mababang dami ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa. Dahil dito, tumataas ang panganib ng tagtuyot, at kakulangan sa suplay ng tubig, lalo na sa mga lugar na lubhang nakadepende sa agrikultura.

Sa pandaigdigan, nagbabala naman ang mga eksperto na ang kasalukuyang El Niño ay maaaring maging isa sa pinakamalalakas na naitala sa nakalipas na mahigit isang siglo.

Ayon kay Paul Roundy, isang atmospheric scientist, may posibilidad na ang kasalukuyang pagbuo ng El Niño ay maging isa sa pinakamalalakas na naitala sa loob ng humigit-kumulang 140 taon.

Ipinaliwanag ng eksperto na ang lakas ng El Niño ay nakabatay sa matinding pag-init ng temperatura sa gitna at silangang bahagi ng Pacific Ocean, na maaaring magdulot ng mas matinding epekto sa mga panahon sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa ilang bansa sa Asya, Africa, Australia, at Central America, nagdudulot ang El Niño ng mas matinding init at kakulangan sa ulan. Dahil dito, naapektuhan ang agrikultura, suplay ng inuming tubig, at maging ang produksyon ng enerhiya. 

Sa Pilipinas, kabilang sa mga sektor na pinakaapektado ng El Niño ang agrikultura, pangingisda, suplay ng tubig, at enerhiya.

Ang kakulangan sa ulan ay maaaring magresulta sa pagbaba ng ani ng palay, mais, gulay, at iba pang pananim na pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng mga Pilipino.

Bunga nito, nagbabala ang PAGASA sa mga ahensiya ng pamahalaan at sa publiko na magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño. 

Kabilang sa paghahanda ang pagtitipid ng tubig, maagang pagbuo ng mga plano para sa suplay ng tubig at enerhiya, at pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang sapat na imbakan ng tubig.

Gayunpaman, ipinaliwanag ng PAGASA na maaari pa ring makaranas ng higit sa normal na pag-ulan ang kanlurang bahagi ng Pilipinas sa panahon ng habagat, lalo na kung ito ay mapapalakas ng mga bagyo.

Sa mga susunod na buwan, ang epekto ng El Niño ay hindi lamang makikita sa temperatura ng panahon kundi maging sa pagkain, tubig, at kabuhayang umaasa sa biyaya ng kalikasan.

4 Votes: 2 Upvotes, 2 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...