
Jan Ethan Caliboso
Inihain ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Representative Leila de Lima ang House Bill No. 10043 o Magna Carta para sa mga Informal Ambulant Vendors upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga tindero at kilalanin ang kanilang ambag sa ekonomiya ng bansa nitong Hulyo 9.
Layunin nito na mabigyan ng higit na proteksyon ang mga ambulant vendor habang sinusulong ang kapakanan ng publiko, proteksyon sa mamimili, at pagsunod sa mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan.
Sa ilalim ng panukala, pagkakalooban ang mga tindero ng libre at pinasimpleng pagpaparehistro, pagtatalaga ng mga lokal na pamahalaan ng ligtas na puwesto para sa pagtitinda, at akses sa mga programang panlipunan tulad ng social security, serbisyong pangkalusugan, at insurance.
‘‘Through our proposed House Bill 10043, informal ambulant vendors shall be provided with free and simplified registration, secure vending sites designated by the concerned [Local Government Unit] LGU, and access to social protection programs and social welfare interventions such as social security, health care, and insurance,’’ ani De Lima.
Ayon sa mambabatas, kabilang ang mga ambulant vendors sa mga manggagawang may pinakamababang antas ng proteksyon sa impormal na sektor.
“Informal ambulant vendors are among the most visible but least protected workers in the informal economy. Kaakibat ng pagtitinda sa lansangan, parke, palengke at iba pang mga pampublikong lugar para maitaguyod ang pamilya, araw-araw silang nakikipagsapalaran sa kawalan ng katiyakan sa pwesto, puhunan at kita, pati na sa kawalan ng access sa suporta ng gobyerno,” aniya.
Dagdag pa ni De Lima, layunin din ng panukala na baguhin ang pagtrato sa mga tindero mula sa panggigipit at pagbubukod tungo sa pagkilala, proteksyon, at patas na pag-unlad.
Samantala, sinabi rin ng mambabatas na ang panukala ay nakabatay sa House Bill No. 11337 na inaprubahan sa Kamara noong ika-19 na Kongreso at Senate Bill No. 1099 na inihain naman ni Senador Sherwin Gatchalian sa ika-20 na Kongreso.