Mahal kita pero mas mahal ko ang mga pangarap ko

Summer Eloise Asuncion 

Hindi ko makakalimutan kung ilang oras akong nakatulala sa harap ng laptop. Magkatabi kaming nakatingin sa iisang screen, kapwa tahimik habang hinihintay ang resulta ng college application na ilang buwan kong ipinagdasal.

Sa gitna nito, nakapaskil ang malaking salitang “Congratulations!”

Isang salitang matagal kong hinintay. Isang salitang binuo ng mga gabing kulang sa tulog, ng mga pahinang paulit-ulit kong binasa, at ng mga pangarap na ilang beses kong muntik nang sukuan. Ngunit nang gabing nakita namin iyon, hindi saya ang unang bumalot sa akin. Kakaiba ang bigat na sumiksik sa dibdib ko—lungkot, panghihinayang, at takot.

Pinag-usapan na namin ito noon pa. 

Ayaw niyang mag-aral ako sa Maynila. Ilang milya rin kasi ang layo nito mula sa probinsya namin at ayaw niyang mawalay kami sa isa’t isa. Hindi dahil gusto niya akong pigilan, kundi dahil natatakot siyang baka hindi kayanin ng pagmamahal namin ang layo at distansya.  

Sabi nila, normal na sa pagmamahal ang pagsasakripisyo. At sa bawat pagkakataong sinasabi niyang, “Paano naman tayo?” mas lalo kong nararamdaman ang bigat ng desisyong matagal ko nang pinaghahandaan.

Kasabay ng dahan-dahang paggalaw ng cursor sa screen, unti-unti ring luminaw ang desisyong matagal nang namumuo sa loob ko.

Hindi raw maituturing na tunay na pag-ibig ang hindi marunong magkompromiso—ang hindi handang magsugal ng isang piraso ng sarili para sa taong minamahal.

Tulad ni Adan na piniling kainin ang mansanas makasama lang si Eba. Tulad ni Rose sa Titanic na piniling mabuhay nang matagal na dala ang alaala at pangungulila kay Jack. Tulad ni Audrey sa Everyday I Love You na pansamantalang tinalikuran ang pangarap niyang magtrabaho sa Maynila upang mapanatili ang relasyon nila ni Tristan. O kaya naman ni Gwen sa The Amazing Spider-Man 2 na naging kapalit ng pagmamahal ang sariling buhay.

Sa pagmamahal, hindi laging panalo. May mga pagkakataong kailangan nating tumaya, matalo, at tanggapin ang mga kapalit nito.

Subalit may isang uri ng pagkatalo na bihirang mapansin—ang pagkawala ng mga pangarap. Hindi ito laging nagsisimula sa isang malaking sakripisyo o isang madramang desisyon. Minsan, nagsisimula ito sa maliliit na kompromiso: isang pagkakataong pinalampas, isang pangarap na ipinagpaliban, isang bersiyon ng sarili na unti-unting pinatahimik para lamang mapili ang taong mahal.

Hindi naman masama ang magmahal. Hindi rin kasalanan ang piliing may makasama sa paglalakbay sa buhay. Ngunit nagiging mapanganib ang pag-ibig kapag hinihingi nitong isuko ang mga pangarap na matagal mong binuo. Kapag ang isang relasyon ay unti-unting nagpapaliit sa mundong minsan nang napuno ng mga pangarap, ang mga pangarap ding iyon ang una mong pipiliing talikuran at kalimutan. 

Ngunit paano kung dumating ang araw na ikaw na mismo ang kailangang mamili?

Sa kwento ng ako, ikaw, at tayo, masisisi ba ako ng mundo kung pinili kitang talikuran dahil unti-unti ka nang nagiging balakid sa mga pangarap na matagal kong itinaguyod? Masisisi mo ba ako kung pinili kong unahin ang sarili ko bago ang pagmamahal? O mas madali lang talagang hangaan ang taong nagsakripisyo kaysa sa taong tumangging isuko ang sariling kapakanan? 

Marahil kaya hindi ko masisisi ang mga babaeng piniling unahin ang kanilang mga pangarap. Hindi ko masisisi si Bobbie Salazar ng Four Sisters and a Wedding na iniwan ang pag-ibig sa Pilipinas upang makapagtrabaho sa ibang bansa at matustusan ang pamilya. Hindi ko rin masisisi si Joy sa Hello, Love, Goodbye na piniling tahakin ang daan patungong Canada kaysa manatili sa Hong Kong kasama si Ethan, dahil alam niyang may mas malaki pa siyang pangarap na kailangang abutin. At lalong hindi ko masisisi si Mari sa Mistakes We Can’t Laugh About na piniling ituon ang oras sa pag-aaral at pagtatrabaho kaysa unahin ang pag-ibig ni Leon.

Marahil, hindi sila umalis dahil kulang ang pagmamahal nila. Umalis sila dahil alam nilang may mga pangarap na hindi dapat isakripisyo para lamang mapatunayan na marunong silang magmahal.

At marahil, hindi rin naman masamang piliin ang sarili. Dahil kung ang pag-ibig ay tunay, hindi nito hihilingin na kalimutan mo ang taong pinapangarap mong maging. Hindi nito hahayaang magsisi ka habambuhay para sa bersyon ng iyong sariling pinili mong isantabi.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...