
Kriztelle Sitoy
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang sasantuhin ang pamahalaan sa imbestigasyon ng anomalya sa flood control projects kahit pa mga kaalyado at sariling kamag-anak.
Itinalaga niya si dating Korte Suprema Justice Andres Reyes Jr. bilang pinuno ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na siyang mangunguna sa pagsisiyasat.
Kasama sa komisyon sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson at SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo bilang mga miyembro.
Kabilang rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang espesyal na tagapayo at imbestigador.
“They will not be spared. Anybody will say, ‘Wala tayong kinikilingan, wala tayong tinutulungan.’ Wala namang naniniwala sa’yo hanggang gawin mo, so gagawin namin,” pahayag ng Pangulo.
Kabilang sa mga unang nasangkot sa umano’y kickback scheme sina House Speaker Martin Romualdez, na pinsan ni Marcos, at Representative Elizaldy Co.
Binigyang-diin ni Marcos na layunin ng bagong panel na mapanatili ang kredibilidad ng imbestigasyon at maipakita ang patas na pagtrato sa lahat.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 94, binigyan ang ICI ng kapangyarihang magsagawa ng pagdinig, maglabas ng subpoena, mag-freeze ng ari-arian, at magmungkahi ng pagtanggap ng state witness.
Dagdag pa ng pangulo, sinadya niyang hindi ipasa ang imbestigasyon sa National Bureau of Investigation (NBI) o Philippine National Police (PNP) dahil bahagi rin ang mga ito ng gobyerno.
“Hindi pwedeng mapanis lahat itong information na binigay ng taumbayan sa Isumbong mo sa Pangulo,” ani Marcos.
“We have to make a change, and it is a fundamental change in the way that we do business,” dagdag niya.
Ayon kay Marcos, magpupulong araw-araw ang komisyon upang agad mailatag ang kanilang proseso.
Tinawag niya ang pagkabuo ng ICI bilang isang “turning point in the conduct of governance.”