
Bea Allyson Alimangohan
Hindi ko lubos akalaing itatanong ko sa itaas ang katanungang “Sa dinarami-rami ng tao—bakit ako?”
Hindi dahil nasaktan ako o dahil napakamalas ko. Ang katotohanan ay baliktad pa nga.
Maraming araw sa Journquest na bigla akong napapatulala sa mga nasa harap ko o sa hangin o habang nasa byahe. Kasi parang panaginip lang ang lahat. Nandito kami sa lugar kung saan may mga dyorno na nais matuto sa amin, tila ba nakikita ko ang sarili ko sakanila. Noon, isa lang naman akong dyorno na ang nais ay medalya kaysa sa anumang mas makabuluhang bagay na higit pa roon.
Sumama ako sa organisasyon dahil para sa medalya rin. Ngunit hindi nawala sa akin ang pagmamahal ko sa larangang ito. Unti-unti ay mas napamahal ako at ninais kong ipagpatuloy ang pagiging parte ko ng organisasyon simula noong volunteer pa lamang ako hanggang sa naging editor. Hindi ko alam na balang araw ito pa ang dahilan kung paano matutupad ang aking mga pangarap na hindi ko naman talaga hiniling na mabilisang dumating.
Ang Journquest para sa akin ay parang panaginip. Isa sa mga bagay na hindi ko talaga binalak noong una pa lamang ay mabigyan ng opurtunidad para maging speaker sa kategorya na matagal ko ng sinusulat at gayundin ay tinatakasan, ito ay ang feature writing o lathalain.
Nagsimula akong magsulat ng lathalain noong Grade 9, dahil kailangan ng magsusulat sa amin. Walang training-training. Ngunit alam ko noon na ayaw ko talagang magsulat nang magsulat, gusto ko ay magbalita sa harapan ng mikropono. Tinakasan ko ang pagsusulat ng lathalain. Ngunit pagtungtong ng senior high school, bumalik din ako. Ika ko pa noon, “baka nga ito talaga ang para sakin.” At dahil doon, naituro at naibahagi ko sa ibang dyorno sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga bagay na mali ko noon na sana’y nalaman ko noong una pa lamang.
Kung may mas malala pang panaginip, siguro ay iyong makasakay sa eroplano at barko sa pinaka-unang pagkakataon. Oo, pangarap ko iyon, sino ba naman ang hindi? Ngunit kapag may trabaho na ako. Noon ay wala naman akong balak na gawin ang passion ko para makasakay ng eroplano para sa Explained PH. Ang nakatatak lamang sa akin ay gumawa nang gumawa dahil balang araw magiging sulit ang lahat. Hindi ko pa noon alam kung paano masasabing “sulit” ang hirap, iyon pala ay masasabi ko iyon habang nakasakay sa eroplano at barko. Kauna-unahang pagkakataon ko ring makapunta sa Visayas at Mindanao. Tuwing nagkukwento nga ako, sabi ko parang telebisyon o LCD lang ang bintana ng eroplano.
Hindi ko malilimutan ang nga sandali na nagtuturo ako sa harapan, nagsasalita para sa closing remarks, at higit sa lahat makita ang ngiti sa labi ng bawat isang naroon. Sa Valenzuela, kung saan ako lumaki at nagtapos ng sekondarya, masaya akong bumalik at bigyan din ng opurtunidad ang mga kapwa-dyorno ko roon gamit ang platform na mayroon ang Explained PH ngayon. Sa Davao at Cebu, na mga unang lugar na aking napuntahan sa kabilang kapuluan ng bansa. Nakita ko roon ang kanilang iba’t ibang kultura, mga pagkaing ipinagmamalaki, kanilang lingguwahe, at higit sa lahat ang mga taong masiyahin at pala-kaibigan na tinanggap nang buong puso kami sa aming pagdating.
Isa pang dahilan kung bakit mapapatanong ako ay dahil hindi ako nakaabot ng NSPC ni-isang beses. Ang tanging nais ko lamang ay makapaglingkod at magawa ang tungkulin ko bilang isang campus journalist. Ngunit nandito pa rin ako, nagsusulat ng sanaysay dahil isa ako sa may pinakamalaking parte sa Journquest. Kasama ko sila ate Sheki, ate Prash, kuya Daiven, ate Margie, at ate Zea sa buong caravan, at si kuya Kent sa Manila. Oo, ako ang pinakabata sa team ngunit ipinaalala nila sa akin na hindi iyon hadlang sa kung anumang gusto kong gawin. Dati sa chat lang kami nagkakausap ngunit kung ako ang tatanungin isa sa pinakamagandang pangarap na hindi ko binalak na matupad kaagad ay ang makilala at makasama sila, gayundin ang magkaroon ng mga matalik na kaibigan na hindi lamang dahil magkakasama kami sa organisasyon, kundi dahil alam naming makakasama namin ang isa’t isa sa hirap man o ginhawa. Kung tutuusin higit pa ito sa pagkakaibigan dahil sila’y naging pamilya ko na rin
Sa pagtatapos ng Journquest, marami akong bagay na natutunan at pinagpapasalamat. Hindi lang dahil nakarating ako sa Visayas at Mindanao o nakasakay ng eroplano at barko, bagkus dahil mas higit pa ang saya sa puso na makapagbahagi mga campus journalists na nangangarap lang din at ang makakilala ng mga bagong kaibigan na hindi ko inaasahang sa huli ay tatanggapin ako na parang kadugo nila.
Siguro’y hanggang ngayon ay hindi ko pa rin masagot ang tanong ko kung “bakit ako?” Ngunit pinaramdam ng mga taong nakilala ko at ng Journquest kung gaano kahalaga si Bea bilang isang campus journalist.
Kapag dumating ang oras na hindi mo alam kung ano ang patutunguhan ng ginagawa mo, kausapin mo ang iyong sarili na magpatuloy. Dahil para sa akin, ang lahat ng ito kung para sa komunidad, sarili at sa kinabukasan, ay siguradong babalik sa atin sa paraang hindi pa natin naiisip.
Babaunin ko ang aral nito na hindi sa medalya masasabing nagtagumpay ka kundi sa mga bagay na iyong nagawa at magagawa pa na higit pa sa kompetisyong kung saan nagsimula ang lahat.