Mga pelikula para sa pag-ibig na tumatangging makalimot 

Ang Pebrero ay buwan ng pag-ibig. At sa halos apat na dekada mula sa EDSA People Power Revolution, ang mahalin ang Pilipinas ay nananatiling isang pag-ibig a sinusubok, ngunit patuloy na nagpapalaya.

Sa loob ng 40 na taon, paulit-ulit na hinaharap ng bansa ang tanong kung paano nga ba mahalin ang bayan, lalo na kapag ang mga alaalang mahalaga ay pinipili na lamang ibaon sa limot o sadyang binubura at binabago.

Ngunit katulad ng pag-ibig, ang sining ay hindi basta-basta nakakalimutan. At sa mga pelikula, muling nabubuhay ang mga kuwento ng mga kababayan nating tumindig laban sa takot, laban sa pagsupil ng mga tinig, at laban sa pang-aabuso ng rehimeng Marcos. Dahil mahal nila ang Pilipinas, lumaban sila kahit na mahirap.

Ito ay ilan sa mga pelikulang binubuhay ang lagim at tapang mula sa mga panahong iyon na nagpapaalala sa atin na ang tunay na pag-ibig ay ang pagtindig at ang manindigan para sa minamahal natin.

1. Batch ‘81 ni Mike de Leon (1982)

Kuwento ng mga kabataang hinuhubog ng sistema, kung paanong unti-unting natutong manahimik ng isang tao kahit na may mali na. 

2. Liway ni Kip Oebanda (2018)

Isang batang lumaki sa loob ng kulungan kasama ng kanyang inang rebelde, na nagpapaalala na kahit sa pinakamadilim na lugar, mayroon pa ring pag-asa na maaaring sumibol.

3. The Kingmaker ni Lauren Greenfield (2019)

Ipinapakita sa dokumentaryong ito ang naging buhay ni Imelda Marcos at ng kanyang pamilya, at kung paano kayang hubugin at baguhin ng kapangyarihan ang mga pahina ng kasaysayan ng isang bansa. 

4. Sister Stella L. ni Mike de Leon (1984) 

Isang madre na natutong makinig sa hinaing ng mga manggagawa, at natuklasan na ang pananampalataya ay maaaring maging pagkilos. Aniya, “Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?”

5. Maynila sa Kuko ng Liwanag ni Lino Brocka (1975) 

Isang paglalakbay kung saan ang paghahanap ng pag-ibig ay humaharap sa realidad na hinaharap ng bansa kahit sa kasalukuyan lalo na sa usapin ng korupsyon at kahirapan.

6. Barber’s Tales ni Jun Robles Lana (2013)

Isang biyuda na natutong tumindig nang makahanap ng lakas sa gitna ng kaguluhan at kalupitan noong diktaduryal, dahil hindi lahat ng tao ay handang harapin kung anong tama. 

7. A Dangerous Life ni Dr. Robert Markowitz (1988) 

Isang pelikula mula sa Australia tungkol sa buhay ng isang Amerikanong mamamahayag na si Tony O’Neill at ang huling taon ng rehimeng Marcos, ang pagpaslang kay Ninoy Aquino, at ang Rebolusyong EDSA noong 1986.

8. Oras de Peligro ni Joel Lamangan (2023) 

Sinasaklaw nito ang mga karanasan ng mga ordinaryong Pilipino sa loob ng apat na araw ng rebolusyon. 

9. The Guerilla is a Poet ni Sari Dalena at Kiri Dalena (2013)

Ito ay kuwento ng isang makata sa panahon ng Martial Law, at ang mga kaganapang naging tinta ng kanyang bawat salita. Para sa kanya, “Magkaiba man tayo ng pinanggalingan, pero pinagbuklod tayo ng rebolusyon.”

10. Batas Militar ni Jon Red at Jeanette Ifurung (1997) 

Ito ay isang dokumentaryong sumusuri sa mga paglabag ng karapatang pantao at krisis pang-ekonomiya sa ilalim ng rehimeng Marcos, na nagtatampok ng mga panayam ng mga pagpapahirap at pang-aabuso.

Ang mga pelikulang ito ay paalala na ang pag-ibig sa bayan ay palaging umaalala, tumitindig, at patuloy na minamahal ang Pilipinas kahit mahirap.

Hindi lamang dapat sa tuwing ika-25 ng Pebrero nabubuhay ang diwa ng EDSA, sapagkat dapat ay manatiling nananahan ito sa puso ng bawat Pilipino.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...